Biyernes, Agosto 28, 2020

ANG TAONG MANLILIKHA AT MANINIRA: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 30, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE / SEASON OF CREATION

Dalawang tulog na lang at papasok na ang "ber months" at para sa marami sa atin ay hudyat ito ng paglapit ng Panahon ng Kapaskuhan.  Ang tanong siguro ng marami ay: "Maririnig pa kaya natin ang national anthem ng Kapaskuhan sa panahong ito ng pandemic?"  Kasi nga naman ngayong may pandemia pa rin sa ating paligid ay nanganganib na ang ang PASKO 2020 ay maging PASCOVID 2020.  Kaya nga ang panimulang lyrics ng "national anthem" na tinutukoy ko ay baka maging ganito: "Whenever I see girls and boys wearing FACE MASKS on the streets..."  Nakakalungkot na baka wala nang karoling tayong maririnig ng mga bata sa kalsada.  Nakakalungkot na baka mabawasan o mawalan ng Christmas Sales sa mga shopping mall.  Nakakalungkot na hindi makakabisita ang mga bata sa kanilang ninong at ninang (pero baka para sa ilan ay masaya ito!).  Ngunit gayun pa man, kahit may peligro ng Covid19 na naglalakbay sa hangin ay siguradong mayroon pa ring simoy ng Kapaskuhan tayong malalanghap.  Tuloy pa rin ang Pasko!  

Ngunit huwag tayong magmadali sapagkat bago ang Panahon ng Kapaskuhan ay mayroon muna tayong Panahon ng Adbiyento o Paghahanda.  At bago ang Panahon ng Adbiyento, sa ating arkediyosesis ay may sinimulan, walong taon na ang nakararaan, na  "bagong panahon" sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan.  Ito ang PANAHON NG PAGLIKHA o ang SEASON OF CREATION.  

Nagsisimula ito sa unang araw ng Setyembre at magtatapos sa kapistahan ni San Fransisco ng Asisi sa ika-apat ng Oktubre. Ang Panahon ng Paglikha ay apat na linggong pagdiriwang, pagninilay at panalangin na nakatuon sa pagpapahalaga sa inang kalikasan na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.  Ang Diyos bilang Manlilikha ay ginawa ang mundo at ibinigay sa atin bilang ating "common home" na dapat nating ingatan, pangalagaan at pagyamanin.  Dahil dito ay ginawaran N'ya rin tayo ng kapangyarihan maging manlilikha ngunit sa kasawiang palad ay hindi natin ito nagagampanan ng mabuti.  Sa halip na maging "manlilikha" ay mas nangigibabaw ang ating pagiging "maninira" ng ating kapaligiran at ng ating kalikasan. 

Sa Encyclical Letter ng ating Santo Papa Francisco na pinamagatang "Laudato Si" ay tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung ano na ang nangyayari sa "tahanang" ipinagkatiwa ng Diyos sa atin: What is happening to our common home?"  Kitang-kita naman natin at ramdam na ramdam ang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligran.  Ang pabago-bagong panahon at klima, ang sobrang init at malakas na ulan, ang malawakang pagbaha, at ang pagdumi ng mga ilog at karagatan, ang nagbibigay sa atin ng signos o hudyat na unti-unti ng nasisira ang ating "common home".  Kailan kaya tayo matututo? Tuloy pa rin kasi ang masasamang gawain tulad ng iresponsableng pagmimina at pagsira ng natural na eco-system sa ngalan daw ng pag-unlad.  Laganap pa rin ang "throw-away culture" sa bawat isa sa atin na kitang-kita sa pagsasayang ng pagkain at pagtatapon ng mga basura sa ating paligid.  Wala pa rin tayong pakialam sa pagkasira ng ating "tahanan".  

Oras na marahil upang baguhin natin ang ating pananaw sa mga nangyayari sa ating paligid.  Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma sa ikalawang pag-basa ng linggong ito: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.  Mag-iba na kayo at magbago ng isip..."  At ano ba ang takbo ng makamundong pag-iisip?  Ito ang ipinakita ni Pedro ng pinagsabihan niya si Jesus na huwag nawang itulot ng Diyos na siya ay maghirap. "Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Hindi po dapat mangyari ito sa inyo."  Marahil ay mahal ni Pedro si Jesus kaya't ayaw niya itong mapahamak.  Ngunit tandaan natin na ito rin ang Pedro na kinilala si Jesus na "Mesiyas" na kanilang hinihintay.  Ayaw rin ni Pedrong masira ang kanilang pagnanais na maligtas sa kamay ng mga mananakop na Romano katulad ng inaasamng maraming Hudyo.  Hindi ba't may pagkamakasarili ang kanyang tugon? At ano naging tugon ni Jesus kay Pedro?  Nakakagulat. Pagkatapos purihin ni Jesus si Pedro ay sinabi nitong:  "Lumayo ka, Satanas!  Hadlang ka sa aking landas.  Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."  Ang makamundong pag-iisip ay ang pag-iwas sa paghihirap at sakripisyo.  Sa tuwing nagbibigay tayo ng daan upang unahin ang ating sariling kapakanan at kaligtasan, at iniiwasan natin ang makaranas ng paghihirap sa ating buhay ay nahahaluan na ng makamundong pag-iisip ang ating pagpapasya at pagkilos.  Tandaan natin ang tatlong kundisyong inilatag ni Jesus kung nais nating kanyang maging mga alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.Paglimot sa sarili, pagpasan ng ating mga krus, at pagsunod kay Jesus ang susi kung nais nating tunay na mga Kristiyano.  

Ang pag-aalaga sa ating tahanan o common home, ay nangangailangan ng malaking sakripisyo sa ating mga sarili.  Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay pagdidisiplina sa ating sarili.  Ang pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig ay hindi madaling gawin at nangangailangan ng pakikiisa at pagtutulungan nating mga mamamayan.  Tandaan natin na tayo ang nakatira sa mundong ito. Nasa ating mga kamay ang pag-aalaga at pag-iingat sa mga biyaya ng kalikasan na ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoong Diyos.  Nawa ay magising na tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat.  Sa unang Linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay maging mabubuti tayong katiwala ng ating iisang tahanan o common home!  Sa ating pangangalaga sa inang kalikasan ang Diyos ang ating pinapupurihan. "Laudato Si!"  Purihin natin Siya sa Kanyang mga nilikha! 

Walang komento: