Ngayon ay ipinagdiriwang ang kapistahan ng isang santong hindi naman ganoon kabigat ang kanyang pangalan sa listahan ng mga banal, ngunit kilalang kilala nating mga Pilipino. Sa katunayan noong bata pa ako ay lagi kong inaabangan ang karosa niya sa prusisyon at manghang-mangha akong pinagmamasdan ang "asong may kagat-kagat na tinapay" na nasa kanyang tabi. At ngayong panahon ng pandemia ay muli nating binabangit ang pangalan niya at ang kanyang pamamagitan na matapos na sana ang covid virus na ito. Sino ang santong tinutukoy ko? Walang iba kundi si San Roque. Bagama't hindi natin maipagdidiwang sa liturhiya ang kanyang kapistahan , dahil tumapat ito sa araw ng Linggo na araw ng Panginoon, ay minabuti kong magbigay ng kaunting pagninilay tungkol sa kanya at ang aral na maaari nating makuha sa kanya kasabay ng pagninilay sa ebanghelyo ng Linggong ito.
Napakamakulay ang kuwento ng buhay ni San Roque. Siya nga pala ang patron na tinatawag kapag nahaharap tayo sa panahon ng peste o pandemya tulad nitong COVID19. Siya rin ang tinanghal na patron ng mga naaakusahan ng mali, ng mga walang pang asawa, at kahit ng mga taong mapagmahal sa aso o ng aso mismo! Tinatawag natin ngayon ang kanyang pangalan sa panahong ito ng pandemya sapagkat may tagpo sa kanyang buhay na tumulong siya sa mga maysakit na tinamaan ng epedemic sa Italya noong ika-13 tatlong siglo. Pinuntahan niya ang maraming lugar na tinamaan nito at mapaghimalang nawawala ang epidemiya sa mga lugar na kanyang binibisita. Muli itong nangyari pagkatapos ng kanyang kamatayan noong taong 1414 sa Germany nang bisitahin ito ng peste. Nag-utos ang mga obispo na manalangin sa kanya at magdaos ng prusisyon sa kanyang karangalan at mahimalang naglaho din ang peste! Dahil dito ay kumalat ang kanyang pangalan at mahimalang gawa at natanghal siya bilang patron ng mga tinatamaan ng peste o plague. Hindi ko na isasalasay ang tungkol sa aso ni San Roque. Saliksikin na lamang ninyo o i-google ninyo sa internet at malalaman ninyo kung bakit lagi siyang kabuntot ng dakilang santong ito.
Ilang buwan na rin tayong nasailalim sa quarantine dahil sa pandemyang ito. Marahil ay araw-araw, o kung hindi man ay linggo-linggo nating dinarasal ang Oratio Imperata laban sa COVID-19. Bakit tila nagtatagal pa rin ang virus na ito at patuloy na sinasalanta ang maraming kabuhayan at kinikitil ang buhay ng maraming tao hindi lang sa ating bansa ngunit sa buong mundo? Tinatawag naman natin ang pangalan ni San Roque? May kulang ba sa ating panalangin? Ano ba ang panalanging pinakikinggan ng Maykapal? Paano nagiging kalugod-lugod ang ating pananalangin sa Diyos?
Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehehe... Pero ito naman talaga ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Una, nais Niya na "kinukulit" natin siya! Katulad ito ng pangungulit ng babaeng Cananea sa ating ebanghelyo. "Panginoon,
Anak ni David, mahabag po kayo
sa akin! Ang anak kong babae ay
inaalihan ng demonyo at masyadong
pinahihirapan." Ito ang sinisigaw niya habang sinusundan si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sa sobrang pagpupumilit niya ay nasabi na ng mga alagad: "Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis.
Siya'y nag-iingay at susunud-sunod
sa atin!" Makulit hindi ba? Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin! Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Sapat lang na magtiwala tayo sa pakikinggan Niya tayo sa ating mga kahilingan: "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!" Ang tawag dito ay "persevering prayer". Ang matiyagang panalangin ay hindi pinanghihinaan ng loob kahit na nakikita niyang tila nasasalungat ang kanyang ipinagdarasal. "Persevering in prayer is like rowing a boat upstream; if you do not persevere, you will be carried downstream by the current." Kaya't magtiyaga tayo sa ating pagdarasal.
Pangalawa ay pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "tuta" o isang maliit na aso ni Jesus upang sabihin sa kanya na wala siyang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ang sabi nga ni St. Mother Teresa ng Calcuta: "Prayer is not asking. Prayer is putting oneself in the hands of God, at his disposition, and listening to His voice in the depth of our hearts."
Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ito ang dalawang katangian ng isang panalangin na may malalim na pananampalataya. Ngayong panahon ng pandemya ay i-level up naman natin ang ating pagdarasal. Totoo na maraming problema pa tayong kailangang harapin. Pero ang sabi nga ng isang kasabihan: "If your problems are long standing and tired sitting... try kneeling!" At tandaan natin na kapag tayo ay lumuhod sa Panginoon ay tumatayo naman Siya para sa atin. "When you kneel down to God, He stands up for you. And when He stands p for you, no one can stands against you..." Walang makatatalo sa atin! Kahit na itong veeeeerus na ito!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento