Nitong nakaraang Agosto 5, 2020 ay nagpalabas ang Episcopal Commission on Prison Pastoral Care of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP-ECPPC) ng kanilang paninindigan at muling pagtutol sa muling pagsasabatas ng death penalty sa liham pastoral na pinamagatang "Stand for Life". Sinusugan ito ng pahayag ng Archdiocese of Manila na kung saan ay sama-samang nanindigan ang ating mga kaparian na ito ay tutulan at muling ipagtanggol ang kabanalan at dignidad ng buhay. "We, the Clergy of the Archdiocese of Manila, are both alarmed and disturbed at the ease with which our lawmakers responded to the call for its re-imposition and to the dangers such penalty poses to life and society." Naging maingay din ang Simbahan sa
pagpasa ng anti-terror bill at ngayon ay kasalukuyan pa rin itong tinututulan sa kadahalinang maari itong gamitin upang labagin ang karapatang pantao ng mga mamamayan. Naririyan pa rin ang patuoy niyang paglaban sa "War on Drugs" dahilan sa maling pamamaraan ng pagpapatupad nito na ang nabibiktima ay ang mga mahihirap at mga taong walang kalaban-laban sa lipunan.
May mga natutuwa. May mga tumataas ang kilay. Mayroon ding nagsasawalang-kibo. At may mga pumupuna sa Simbahan kung bakit lagi itong "kontrabida" sa gobyerno. May ilan pa ngang nagsasabing mas pinapanigan daw ng Simbahan ang mga terorista, ang mga drug addict, ang mga kriminal at hindi ang mga nabibiktima nito. Alam naman nating hindi ito totoo. Kailanman ay hindi pinapanigan at sinasang-ayunan ng Simbahan ang anumang masasamang gawain. Ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at sa pagiging sagrado ng buhay ang pinapahayag nito na bahagi ng kanyang iniingatang aral na tinanggap mula kay Kristo.
At saan nagmula ang karapatan ng Simbahang magturo at magpasya sa usapin ng pamumuhay moral nating mga tao? Ang ating mga pagbasa ngayon ay tumatalakay tungkol sa kapangyarihang taglay ng "susi." Alam naman natin kung para saan ang susi. Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas. Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito. Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay. Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan.
Noong panahon ni Propeta Isaias sa ating unang pagbasa ay narinig nating ginamit ang simbolo ng pagbibigay ng susi upang upang palitan si Sabna bilang katiwala ng templo at ibinigay ito kay Eliakim. Sa ating Ebanghelyo ay ginamit ni Jesus ang simbolo ng susi upang ibigay kay Simon ang kapangyarihang pamunuan ang kanyang Simbahan. "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit." At ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo. Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo. Kaya maari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan.
Kaya nga't bilang mga Kristiyanong Katoliko ay hinihikaya't tayong ipagdasal ang ating mga namumuno, simula sa ating Santo Papa at mga obispo upang magampaman nila ng tapat at masigasig ang tungkuling pangalagaan ang Simbahan. Ngunit hindi lang sapat ang panalangin, tayo rin ay inaasahang maging tapat at susunod sa kanilang mga aral kahit na ito ay hindi maging katanggap-tangap sa ating sariling paniniwala. At isa na nga rito ang pagpapahalaga at paggalang sa buhay. Naninindigan ang Simbahan na igalang natin ang buhay mula sinapupunan hanggang kamatayan. Kaya nga ang pagpatay ay walag puwang sa bokabularyo ng isang Kristiyano.
Isa lamang ito sa maraming isyu na kung saan ay hinamon ang ating Simbahan sa kanyang pagiging propeta! Ang propeta ay naghahatid ng mensahe ng katotohanan at nagbibigay saksi dito. Kung minan ito ay masakit na mensahe na dapat lunukin nating mga tao at hindi mangigiwi ang Simbahan na ipahayag ito kahit na ito ay hindi popular sa marami. Sana ang bawat isa din sa atin ay gampanan ang ating pagkapropeta. Huwag sanang mangyari na ang isang bagay na mali tulad ng pagpapatay ay maging katanggap-tanggap at normal na lamang sa ating mga Kristiyano. Tandaan natin na tayo rin ang Simbahang itinatag ni Kristo at nasa atin pa rin ang susi ng kaharian ng langit!
Marahil ay marami sa atin ang pinipiling manahimik dahil ang pakiramdam nila ay mahihina lang sila at walang lakas ang tinig sa lipunan. Ngunit tingnan natin ang pagpiling ginawa ni Jesus kay Pedro. Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay ang kanyang KAHINAAN. Batid ni Jesus na ang alagad niyang ito ay magtatatwa sa kanya ng tatlong beses. Batid ni Jesus na iiwan siya ng alagad na ito sa paanan ng krus. Batid ni Jesus ang kahinaan ni Pedro. Gayunpaman, batid ni Jesus na ang kahinaang ito ang magbibigay daan upang manaig sa kanya ang KALAKASAN ng Diyos! Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I'm willing to boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Kaya nga pinalitan ni Jesus ang pangalan niyang Simon at ginawang Pedro na ang ibig sabihin ay "bato". Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus, ang masabing "ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" o bato kung taos puso nating aaminin ang ating pagkakamali at tatanggapin natin ang Diyos bilang ating lakas! Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Biyaya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Tandaan natin na sa lakas ng Diyos para tayong "nakasandal sa bato".
Kaya huwag tayong mangiwi sa mga maling nangyayari sa ating paligid. Huwag lang tayong manahimik at sa halip ay maging mapagmatyag tayo at huwag matakot na manindigan sa ating mga paniniwala bilang mga Kristiyano. Tandaan natin na sapat lang na tayo ay manahimik at lalaganap ang kasamaan sa mundo. Ang simbolo ng susi at bato ay para sa ating lahat dahil tayo ang bumubuo sa Simbahan. Hindi tayo magkakamali, sa kabila ng ating kahinaan dahil ang Diyos ang ating lakas at kapangyarihan. Hindi Niya tayo pababayaan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento