Sabado, Setyembre 5, 2020

PAKIKIALAM NG MAY PAGMAMAHAL: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 6, 2020 - SEASON OF CREATION / YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayon ang unang Linggo ng PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation. Nagsimula ito noong September 1 at magtatagal hanggang October 4, 2020.  Ang Panahon ng Paglikha na tumatagal ng halos isang buwan, ay mga araw ng pagninilay at pagpupuri sa Diyos bilang Manlilikha at pagpupukaw sa ating mga tao, upang pahalagahan at alagaan ang Kanyang mga nilikha. At ngayon ang ikawalong taon ng pagdiriwang sa ating arkediyosesis. Ang tema ng ikawalong taong ito ng Season of Creation ay “Jubilee for the Earth: New Rhythms, New Hope”  na nagsasabi sa ating bigyan ng pagkakataong makapagpahinga ang ating mundo, na masyado ng binugbog ng pang-aabuso nating mga tao sa ngalan ng pag-unlad, upang mabigyan muli ito ng pinasiglang paggalaw at bagong pag-asa.   

Sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng malasakit sa ating kapaligran at kalikasan sa pamamagitan ng isang "mabuting pakikialam" o pakikilahok.  Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan.  Ayaw nating tayo ay pinakikialaman sa ating buhay.  May kuwento ng isang paring nagbibigay ng madamdaming homiliya tungkol sa sampun utos.  "Huwag ang papatay!" At ipinaliwanag niya ito. May isang lalaking naantig ang damdamin at sumigaw siya ng malakas: "Amen, Father. Amen!"  "Huwag kang magnanakaw!" At muli niyang ipinaliwanag ng buong sigasig.  Muli narinig niya ang  "Amen, Father! Amen!" sa pareho ring lalaking simigaw ng una.  Siyempre ginanahan ang pari at pasigaw niyang sinabing: "Huwag kang makikiapid at huwag mong pagnasahan ang asawa ng iba!"  Tumayo muli ang lalaking kanina pa sumisigaw at nagsabi sa pari: "Aba, Padre... huwag kang makikialam sa buhay ng iba!"  O di ba? Ang hirap makialam sa buhay ng ibang tao. Ikaw pa ang lalabas na masama.  Kaya ano ang ginagawa ng marami sa atin? Tumatahimik na lang.  Ayaw ng makialam.  Wala akong paki sa 'yo! 

Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay huwag na huwag naming babanggitin ang  "Salesian blasphemy".  Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya.  Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas ang mga salitang ito sa aming bibig.  Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito at lalo na't nagiging kabahagi na ito ng aming pagkatao.  Ano ba ang "blasphemy" na ito?  Simple lang. Ito ay ang kataga sa wikang ingles na "It's none of my bussiness!"  Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission".  Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataong gawin ito.  Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin!  Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! 

Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan."  May pananagutan tayo sa ating kapwa.  Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan.  Ang isang Kristiyano ay " mabuting pakialamero."  Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan sa mga panahon ngayon ay "nakikialam" sa mga nangyayari sa ating lipunan.  May kaibigan akong nagpahayag sa Facebook ng kanyang pagkadismaya sa Simbahang Katoliko sapagkat patuloy daw ang pagbatikos sa programa ng pamahalaan laban sa droga o "War of Drugs".  Sinabi ko sa kanya na ito ay kasama sa tungkulin ng Simbahan.  Ang Simbahan ay isang propeta, katulad ng mga propeta sa Lumang Tipan nagpapahayag ng kanilang mensahe mula kay Yahweh, kapag ang isang hari o namumuno ay hindi na gumaganap sa kanyang tungkulin at tumatalikod na sa Diyos.  Dahil dito ang propeta ay hindi tanggap sa kanyang sariling bayan sapagkat hindi tangap ng mga tao ang mapait na katotohan.  At ang Simbahan ay hindi kailanman tatalikod sa tungkuling ito na iniatang sa kanya ni Kristo lalo na't ang niyuyurakan ay ang tungkol sa mabuting pamumuhay at pananampalataya.  

Kaya nga wag nating batikusin ang ating mga namumuno sa Simbahan kapag nagpapahayag sila ng paninindigan laban sa pagpatay, death penalty, korapsiyon sa pamumuno, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao. Hindi ito pangingi-alam!  Tingnan natin ito na isang "pakikilahok" upang maituwid ang kamalian. Magalit tayo kapag ang Simbahan ay piniling manahimik na lamang sa mga kamaliang nangyayari sa ating lipunan!  Ngunit ang ating pakikialam bilang mga Kristiyano ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin: pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa.  

Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."  At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.  Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan.  Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.)  Nangangailangan ito ng radical na "metanoia", o pagbabago ng isip at ating nakasanayang gawin.  

Huwag tayong matakot na itama ang maraming pagkakamaling ating nakikita sa unti-unti at sistimatikong pagsira ng ating mundong itinuturing na “tahanan”, o sa pananalita ng ating Santo Papang si Papa Francisco, ay ang ating “common home”.  Ang sinasabi ng ating mga pagbasa ngayong Linggong ito ay huwag tayong matakot makialam at itama ang mga maling nakikita natin sa iba. Ang pagtutuwid sa kapwang naliligaw ng landas ay masakit subalit nagdudulot ng kaganapan sa buhay.  Tingnan natin ang ating pakikialam bilang pakikilahok natin ng may pagmamahal upang mapabuti natin ang kalagayan ng ating kapwa. Ito rin ang ating pananagutan sa Manlilikha at kanyang mga nilikha: makialam... makilahok ng may pagmamahal!

 

Walang komento: