Ano ba ang pinagmulan nito? Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya ay tila kasabay naman ang pagbagsak ng ating pagpapahalagang pan-tao na makikita natin sa unti-unting pagsira sa ating kapalagiran. Ang masama rito ay walang nais umako sa kasalanang nagawa, bagkus ay inililipat natin ang sisi sa iba. Inilalagay natin ang sisi sa labas ngunit kung ating titingnan ay nasa loob pala natin ang problema. Katulad ng talinghagang ito...
May kuwento ng isang minero na ang kanyang trabaho ay ang pagtatapyas ng bato. Isang araw, habang siya ay nagtatapyas ng bato ay napansin niyang lubhang napakainit ng sikat ng araw. Sobrang init na halos ikahimatay niya! Dahil dito, nasabi niya sa kanyang sarili: "Sana naging araw na lang ako upang hindi ko nagdurusa sa init na ito!" Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sariling nasa itaas at nagbibigay ng init sa ibaba. Tuwang-tuwa siya sapagkat naging araw siya! Ngunit panandalian lang pala ang ganitong pakirmdam. Bigla na lamang may makapal na ulap na tumabing sa kanya. Naharang ang kanyang init sa lupa kaya't nasabi nya sa kanyang sarili: "Sana, naging ulap na lang ako! May malakas pa pala sa araw!" At muli nakita niya ang ang kanyang sarili bilang ulap na tumatabing sa araw. Nang bigla na lang umihip ang malakas na hangin. Itinaboy siya sa malayo at wala syang magawa para labanan ito kaya't muli niyang sinabi sa kanyang sarili: "Sana naging hangin na lang ako!" At gayun nga ang nangyari. Napakalaka niya bilang hangin. Lahat ay yumuyuko sa kanya sa tuwing siya ay dadaan ngunit may isang hindi natinag sa kanyang lakas. Isang bundok ang humarang sa kanya at hindi niya ito mapagalaw man lang. Kaya't muli niyang sinabi: "Sana, naging bundok na lang ako!" Nang maging bundok siya ay natuwa siya sapagkat di makapanaig sa kanya ang hangin. Ngunit laking pagkalungkot niya ng may maramdaman siyang tila may tumatapyas sa kanyang paanan. At nakita niya ang isang minero na unti-unting inuubos ang kanyang paanan.
Nasaan kaya ang problema ng taong iyon? Wala sa araw, ulap, hangin at maging bundok. Ang problema ay nasa kanyang sarili. Hindi siya masaya sa kanyang sarili kaya't hindi niya rin magawang magpasalamat kung anung mayroon siya at kaya n'yang gawin! Balikan natin ang tanong na kung ano ba ang ugat ng tinatawag nating "Ecological Crisis". Walang kasalanan ang kalikasan sa mga kahirapang nararanasan natin ngayon. Ang ugat ng pagkakasala ay ang tao mismo. Matigas ang kanyang ulo. May kayabangan siya. Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ipinagkatiwala ng Diyos. Higit sa lahat ay wala siyang malasakit sa iba sapagkat sariling kapakanan ang kanyang inuuna. At dahil dayan ay hindi siya naging MABUTING KATIWALA!
Sa talinhaga ng Ebanghelyo, ano marahil ang dahilan kung bakit hindi nagawang magpatawad ng aliping pinatawad ng kanyang hari? Wala siyang pusong marunong magpasalamat at kulang rin siya sa pagpapakita ng malasakit sa iba. Sa laki ng pagkakautang na pinatawad sa kanya ay dapat nagkaroon siya ng malaking pagtanaw ng utang na loob sa kanyang panginoon. Ngunit hindi niya ito nagawa dahil sa wala siyang pusong marunong magpasalamat. Pansinin ninyo na walang binanggit sa Ebanghelyo na nagpakita siya ng lubos na pasasalamat sa kanyang hari pagkatapos patawarin nito ang kanyang pagkakautang.
Pangalawa ay ang kawalan ng malasakit. Kung paanong ang hari ay nagpakita ng habag at awa sa kanya ay siya namang kabaliktaran noong ang kanyang kapwa alipin na ang humingi ng tawad sa kanya. Hindi niya nadama ang "sakit" o ang paghihirap ng kanyang kapwa aliping nakikiusap sa kanya. Dahil dito ay galit na galit ang hari sa aliping iyon sapagkat nagpakita siya ng malasakit sa kanya: "Ikaw, napakasama mo!" sabi
niya. "Pinatawad kita sa utang mo
sapagkat nagmakaawa ka sa akin.
Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat
ka ring mahabag sa kapwa mo?"
Ang ugat ng Ecological Crisis na kinasasangkutan ng mundo natin ngayon ay ang tao rin na hindi marunong magpasalamat sa Diyos at walang malasakit sa kapwa. Ito ay nagdadala sa atin ng kawalan ng utang na loob at dahil dito ay hindi natin magampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa Kanyang mga nilikha. Ito ang nagdadala sa atin upang maging makasarili at mawalan ng pananagutan sa Kanya. Kaya nga't nawika ni San Pablo sa mga taga-Roma sa ikalawang pagbasa na "Walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang..." Kung patuloy ang ating pagsira sa kalikasan tulad ng pagtatapon ng basura kung saan-saan lalo na sa mga tubig daluyan, kung patuloy ang nakasisirang pagmimina at pagtibag sa ating mga kabundukan, kung mas pinahahalagahan pa natin ang panlabas na pagpapaganda ng ating mga baybayin kahit na makasasama sa ating kalusugan tulad ng pagtatambak ng dolomites sa Manila Bay, kung kaya natin ipagpalit ang kapakanan ng nakakarami sa ngalan ng pag-unlad ay hindi tayo nagiging mabuting katiwala ng Panginoon.
Ang ugat ng Ecological Crisis ay ang kawalan ng pananagutan ng tao sa mga ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya. Sa ikalawang linggo ng ating Panahon ng Paglika ay magbalik-loob tayo sa Diyos. Baguhin natin ang ating puso at pag-iisip upang tanggalin ang ating pagiging makasarili, kawalan ng pusong maunong magpasalamat at ang kawalan ng malasakit sa iba. Isabuhay natin ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa kanyang mga nilikha. "Laudato Si!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento