May taong bang hindi naiinggit? Masama bang ikumpara ang ating sarili sa iba? Ano ba ang Kristiyanong pananaw sa mga pagpapalang ipinagkakait sa atin at nakikita nating tinatanggap ng iba? Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 10 million. Ang isa ay 5 million, ang isa naman ay 2 at ang panghuli ay 1 million. Tinanong ka ng asawa mo: "Sweetheart, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 20 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba mahal, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 30 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 30 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 30 million! Ano ang mararamdaman mo? hehehe...
Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talinhaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon. Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? E sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 30 million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.”
Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo. Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Wala kang dapat na kainggitan. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo.
Ang talinghaga ay nagsasabi rin sa atin na ang ating Diyos ay lubos na mabuti. Kaya nga ang dapat na bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa. Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod. "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15) Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay. Hindi mapapantayan ang Kanyang kabutihan. Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya. Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw, at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan. Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin. Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay. Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain. Huwag aksayahin ang ating pagkain. Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin.
Ang Simbahan ay nagsasangguni ng isang bagong pag-uugali upang mapahalagahan natin kung ano mang materyal na bagay na mayroon tayo. Ang sabi ng ating Santo Papa Francisco ay dapat pairalin natin ang "Less is More." "Christian spirituality proposes a growth marked by moderation and to be happy with little. It is a return to that simplicity which allows us to stop and appreciate the small things, to be grateful for the opportunities which life affords us, to be spiritually detached from what we possess, and not to succumb to sadness for what we lack." (Laudato Si #222)
Ngayong ikatlong Linggo ng Panahon ng Paglikha ay sikapin nating suklian ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng responsableng pag-aalaga sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin. Makuntento tayo sa maliit na mayroon tayo ay iwasan ang labis labis na paggastos at pagbili ng maraming bagay upang mabawasan din ang pagtatapon ng mga ito kapag hindi na natin nagagamit. Ang simpleng pamumuhay ay magdadala sa atin ng tunay na kaligayahan at makakabawas sa anumang uri ng pagkainggit sa iba. Ito ang uri ng pamumuhay na kinalulugdan ng Panginoon at maglalagay sa atin sa mga nasa "huling mauuna." Laudato Si!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento