Biyernes, Setyembre 25, 2020

ANG IKATLONG ANAK: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 27, 2020 - 4th SUNDAY IN SEASON OF CREATION - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Actions speak louder than voice!
  Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman kasi ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala!

Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi!  

Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat.  Una ito ay BABALA na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Tandaan natin na "Ang tunay na Kristiyno ay nakikilala sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Pansinin ninyo ang ikalawang anak na nagsabi ng Opo at hindi naman sumunod sa utos ng kanyang ama.  Bakit kaya hindi siya summunod?  Marahil ay hindi malinaw sa kanya ang dapat niyang gawin.  Marahil ay maraming "distractions" sa daan at nalihis ang kanyang landas sa kanyang layunin.  Marahil ay nagkulang siya sa "focus"  o kaya naman ay talagang wala sa loob ang kanyang pagsasabi ng opo!  Bagamat ang talinhaga ay itinukoy ni Jesus sa mga Hudyo na hindi tumanggap sa panawagan ni Juan Bautistang magsisi sa kanilang mga kasalanan, ito rin ay ipinatutukoy niya sa atin na minsan nang nagsabi ng OPO sa ating pagsunod kay Kristo ngunit patuloy tayo sa pagsuway sa pagtupad sa kalooban ng ating Ama.   

Kaya nga ang ikalawang mensahe para sa ating mga makasalanan ay PAGA-ASA, na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay!  Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay.  

Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga.  At gusto N'ya na sana ay tayo rin ay maging ikatlong anak! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos.  Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga?  Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako?  Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo.  

Sa kabila ng ating kahinaan ay nais ni Jesus na maging mga "kapatid" niya tayong handang magsabi ng OPO at handang patunayan ito sa ating tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos.  Dito ngayon sumasaloob ang ating commitment o tapat na pagtatalaga ng sarili bilang mga Kristiyano.  Nasa ika-apat na Linggo na tayo ng Panahon ng Paglikha at ngayong papalapit na ang pagtatapos nito ay hinihingi naman ang ating "Ecological Commitment" na tayo ay magiging Kanyang mga masunuring anak na handang maging mga mabuting katiwala ng Kanyang mga nilikha.  Kailangan nating ipagtanggol ang pag-aalaga sa kalikasan sapagkat ito ay "buhay" na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Ang paalala nga ng ating Santo Papa Francisco:  "The destruction of human environment is extremely serious, not only because God has entrusted the world to us, but because human life itself is a gift which must be defended."   Nawa'y maging mabubuti Niya tayong mga anak!  "Laudato Si!"


Sabado, Setyembre 19, 2020

LESS IS MORE: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 20, 2020 - SEASON OF CREATION / YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

May taong bang hindi naiinggit?  Masama bang ikumpara ang ating sarili sa iba?  Ano ba ang Kristiyanong pananaw sa mga pagpapalang ipinagkakait sa atin at nakikita nating tinatanggap ng iba? Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 10 million. Ang isa ay 5 million, ang isa naman ay 2 at ang panghuli ay 1 million. Tinanong ka ng asawa mo: "Sweetheart, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 20 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba mahal, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 30 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 30 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 30 million! Ano ang mararamdaman mo? hehehe... 

Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talinhaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon. Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? E sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 30 million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!"  Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” 

Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo. Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Wala kang dapat na kainggitan. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo.  

Ang talinghaga ay nagsasabi rin sa atin na ang ating Diyos ay lubos na mabuti.  Kaya nga ang dapat na bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa.  Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod.  "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15) Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay.  Hindi mapapantayan ang Kanyang kabutihan. Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya.  Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw,  at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan.  Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin.  Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay.  Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain.  Huwag aksayahin ang ating pagkain.  Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin.  

Ang Simbahan ay nagsasangguni ng isang bagong pag-uugali upang mapahalagahan natin kung ano mang materyal na bagay na mayroon tayo.  Ang sabi ng ating Santo Papa Francisco ay dapat pairalin natin ang "Less is More."  "Christian spirituality proposes a growth marked by moderation and to be happy with little. It is a return to that simplicity which allows us to stop and appreciate the small things, to be grateful for the opportunities which life affords us, to be spiritually detached from what we possess, and not to succumb to sadness for what we lack."  (Laudato Si #222)    

Ngayong ikatlong Linggo ng Panahon ng Paglikha ay sikapin nating suklian ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng responsableng pag-aalaga sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa atin.  Makuntento tayo sa maliit na mayroon tayo ay iwasan ang labis labis na paggastos at pagbili ng maraming bagay upang mabawasan din ang pagtatapon ng mga ito kapag hindi na natin nagagamit. Ang simpleng pamumuhay ay magdadala sa atin ng tunay na kaligayahan at makakabawas sa anumang uri ng pagkainggit sa iba.  Ito ang uri ng pamumuhay na kinalulugdan ng Panginoon at maglalagay sa atin sa mga nasa "huling mauuna."  Laudato Si!  

Sabado, Setyembre 12, 2020

KAWALAN NG MALASAKIT AT PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 13, 2020 - SEASON OF CREATION - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Sa unang linggo ng Panahon ng Paglikha ay pinagnilayan natin ang biyaya ng pagkakaroon ng "iisang tahanan" o "common home" na ang tawag natin ay mundo.  Pinaaalalahanan din tayo ng ating responsibilidad na kaagapay ng biyayang "iisang tahanan" na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  Ngayon namang ikalawang linggo ng Panahon ng Paglikha ay nais ng ating Simbahan na pagnilayan natin ang "ugat ng krisis na pang-ekolohikal" o "roots of ecological crisis" na ating kinahaharap sa kasalukuyan.  Tunay ngang isang malaking krisis ang ating kinakaharap ngayon. Kung naniniwala tayong lahat ay magkakaugnay sa ating mundo, masasabi nating ang patuloy na paglala ng pandemiyang ating kinahaharap ngayon ay may kinalaman sa ugat ng krisis na ito.

Ano ba ang pinagmulan nito?  Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya ay tila kasabay naman ang pagbagsak ng ating pagpapahalagang pan-tao na makikita natin sa unti-unting pagsira sa ating kapalagiran.  Ang masama rito ay walang nais umako sa kasalanang nagawa, bagkus ay inililipat natin ang sisi sa iba.  Inilalagay natin ang sisi sa labas ngunit kung ating titingnan ay nasa loob pala natin ang problema.  Katulad ng talinghagang ito... 

May kuwento ng isang minero na ang kanyang trabaho ay ang pagtatapyas ng bato.  Isang araw, habang siya ay nagtatapyas ng bato ay napansin niyang lubhang napakainit ng sikat ng araw.  Sobrang init na halos ikahimatay niya! Dahil dito, nasabi niya sa kanyang sarili: "Sana naging araw na lang ako upang hindi ko nagdurusa sa init na ito!"  Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sariling nasa itaas at nagbibigay ng init sa ibaba. Tuwang-tuwa siya sapagkat naging araw siya!  Ngunit panandalian lang pala ang ganitong pakirmdam.  Bigla na lamang may makapal na ulap na tumabing sa kanya.  Naharang ang kanyang init sa lupa kaya't  nasabi nya sa kanyang sarili: "Sana, naging ulap na lang ako! May malakas pa pala sa araw!" At muli nakita niya ang ang kanyang sarili bilang ulap na tumatabing sa araw.  Nang bigla na lang umihip ang malakas na hangin.  Itinaboy siya sa malayo at wala syang magawa para labanan ito kaya't muli niyang sinabi sa kanyang sarili: "Sana naging hangin na lang ako!"  At gayun nga ang nangyari.  Napakalaka niya bilang hangin. Lahat ay yumuyuko sa kanya sa tuwing siya ay dadaan ngunit may isang hindi natinag sa kanyang lakas.  Isang bundok ang humarang sa kanya at hindi niya ito mapagalaw man lang. Kaya't muli niyang sinabi: "Sana, naging bundok na lang ako!"  Nang maging bundok siya ay natuwa siya sapagkat di makapanaig sa kanya ang hangin. Ngunit laking pagkalungkot niya ng may maramdaman siyang tila may tumatapyas sa kanyang paanan.  At nakita niya ang isang minero na unti-unting inuubos ang kanyang paanan. 

Nasaan kaya ang problema ng taong iyon? Wala sa araw, ulap, hangin at maging bundok.  Ang problema ay nasa kanyang sarili. Hindi siya masaya sa kanyang sarili kaya't hindi niya rin magawang magpasalamat kung anung mayroon siya at kaya n'yang gawin!  Balikan natin ang tanong na kung ano ba ang ugat ng tinatawag nating "Ecological Crisis".  Walang kasalanan ang kalikasan sa mga kahirapang nararanasan natin ngayon.  Ang ugat ng pagkakasala ay ang tao mismo.  Matigas ang kanyang ulo.  May kayabangan siya.  Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ipinagkatiwala ng Diyos. Higit sa lahat ay wala siyang malasakit sa iba sapagkat sariling kapakanan ang kanyang inuuna. At dahil dayan ay hindi siya naging MABUTING KATIWALA! 

Sa talinhaga ng Ebanghelyo, ano marahil ang dahilan kung bakit hindi nagawang magpatawad ng aliping pinatawad ng kanyang hari? Wala siyang pusong marunong magpasalamat at kulang rin siya sa pagpapakita ng malasakit sa iba. Sa laki ng pagkakautang na pinatawad sa kanya ay dapat nagkaroon siya ng malaking pagtanaw ng utang na loob sa kanyang panginoon.  Ngunit hindi niya ito nagawa dahil sa wala siyang pusong marunong magpasalamat.  Pansinin ninyo na walang binanggit sa Ebanghelyo na nagpakita siya ng lubos na pasasalamat sa kanyang hari pagkatapos patawarin nito ang kanyang pagkakautang.

Pangalawa ay ang kawalan ng malasakit.  Kung paanong ang hari ay nagpakita ng habag at awa sa kanya ay siya namang kabaliktaran noong ang kanyang kapwa alipin na ang humingi ng tawad sa kanya.  Hindi niya nadama ang  "sakit" o ang paghihirap ng kanyang kapwa aliping nakikiusap sa kanya. Dahil dito ay galit na galit ang hari sa aliping iyon sapagkat nagpakita siya ng malasakit sa kanya: "Ikaw, napakasama mo!" sabi niya. "Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?"  

Ang ugat ng Ecological Crisis na kinasasangkutan ng mundo natin ngayon ay ang tao rin na hindi marunong magpasalamat sa Diyos at walang malasakit sa kapwa. Ito ay nagdadala sa atin ng kawalan ng utang na loob at dahil dito ay hindi natin magampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa Kanyang mga nilikha.  Ito ang nagdadala sa atin upang maging makasarili at mawalan ng pananagutan sa Kanya.  Kaya nga't nawika ni San Pablo sa mga taga-Roma sa ikalawang pagbasa na "Walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang..."  Kung patuloy ang ating pagsira sa kalikasan tulad ng pagtatapon ng basura kung saan-saan lalo na sa mga tubig daluyan, kung patuloy ang nakasisirang pagmimina at pagtibag sa ating mga kabundukan, kung mas pinahahalagahan pa natin ang panlabas na pagpapaganda ng ating mga baybayin kahit na makasasama sa ating kalusugan tulad ng pagtatambak ng dolomites sa Manila Bay, kung kaya natin ipagpalit ang kapakanan ng nakakarami sa ngalan ng pag-unlad ay hindi tayo nagiging mabuting katiwala ng Panginoon.

Ang ugat ng Ecological Crisis ay ang kawalan ng pananagutan ng tao sa mga ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya.  Sa ikalawang linggo ng ating Panahon ng Paglika ay magbalik-loob tayo sa Diyos. Baguhin natin ang ating puso at pag-iisip upang tanggalin ang ating pagiging makasarili, kawalan ng pusong maunong magpasalamat at ang kawalan ng malasakit sa iba.  Isabuhay natin ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa kanyang mga nilikha.  "Laudato Si!"

Linggo, Setyembre 6, 2020

KAPANGANAKAN NI MARIA... KATAPATAN NG AMA: Reflection for September 8 2020: YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE - SEASON OF CREATION

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay hindi natin maisasantabi ang pagdiriwang na ito. Nakababatid na ang tunay na debosyon kay Maria ay dapat maghatid sa atin kay Jesus, ay naglalaan tayo ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan.  Paano nga ba naging September 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: 

"May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Dude, how long to Makebaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! You don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makebaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe...

Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay wala sa historical o theological reasoning o pagpapaliwag.  Ang simpleng sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor sa ating kuwento: "Nine months to make a baby." Bilangin mo sa ating kalendaryo mula Dec. 8, ang araw ng kalinis-linisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon!  Dapat lang! Kasi nga ay siyam na buwan ang normal na inilalagi ng sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina.

Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.  Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. At sa kinalaunan ay pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. 

Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali.  Ang  kapistahan ngayon ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo.  Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano.  

Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin,  may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating binyag.  Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos. Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo. 

Ang katapatan ng Diyos na Manlilikha ay dapat magbunsod sa ating mga tao na maging tapat din sa Kanyang mga nilikha.  Ang Panahon ng Paglikha ay isang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang ipakita at patunayan ang katapatang ito.  Ang Mahal na Birheng Maria ay nagpakita ng kanyang katapatan sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos na maging Kanyang Ina at Ina rin ng Simbahan.  Tayo rin ay tinatawag sa katapatan sa pagsunod sa kalooban ng Manlilikha.  At ano ang Kanyang kalooban? Walang iba kundi ang pangalagaan at pagyamanin ang Kanyang mga nilikha! 

Isa sa isinasangguni ng Simbahan ay ating isabuhay ang "Less is More Spirituality." Kung may pinakamatingkad na katangian ang Mahal na Birhen, sa aking palagay, ay ang kanyang pagiging mapagkumbaba at kapayakan.  Kahit na siya ay hinirang ng Diyos na maging kanyang ina ay hindi niya ito ginamit upang magmalaki at maging mapagmataas sa iba.  Alam ng Mahal na Birhen na mas pinagpapala ng Diyos ang mga taong payak at mapagkumbaba kaysa sa mga palalo at mapagmataas:
  
 "Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman." (Lukas 1:51-53)

Maging payak at mapagkumbaba tayo sa ating pamumuhay. May maraming pagpapala kung mas simple, payak at mapagkumbaba ang ating buhay tulad ni Maria.  Salungat ito sa kultura ng mundo na laging nagnanais kumamal ng mga materyal na bagay at maghangad ng marangyang pamumuhay.  Ang paghahangad ng "mas marami pa" ay nagdadala sa ating pagiging makasarili at ganid na pag-uugali.  Maging mapagbigay tayo at nagpapahalaga sa mga bagay na bigay sa atin ng Maykapal.  Less is more!

O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!

Sabado, Setyembre 5, 2020

PAKIKIALAM NG MAY PAGMAMAHAL: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 6, 2020 - SEASON OF CREATION / YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayon ang unang Linggo ng PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation. Nagsimula ito noong September 1 at magtatagal hanggang October 4, 2020.  Ang Panahon ng Paglikha na tumatagal ng halos isang buwan, ay mga araw ng pagninilay at pagpupuri sa Diyos bilang Manlilikha at pagpupukaw sa ating mga tao, upang pahalagahan at alagaan ang Kanyang mga nilikha. At ngayon ang ikawalong taon ng pagdiriwang sa ating arkediyosesis. Ang tema ng ikawalong taong ito ng Season of Creation ay “Jubilee for the Earth: New Rhythms, New Hope”  na nagsasabi sa ating bigyan ng pagkakataong makapagpahinga ang ating mundo, na masyado ng binugbog ng pang-aabuso nating mga tao sa ngalan ng pag-unlad, upang mabigyan muli ito ng pinasiglang paggalaw at bagong pag-asa.   

Sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng malasakit sa ating kapaligran at kalikasan sa pamamagitan ng isang "mabuting pakikialam" o pakikilahok.  Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan.  Ayaw nating tayo ay pinakikialaman sa ating buhay.  May kuwento ng isang paring nagbibigay ng madamdaming homiliya tungkol sa sampun utos.  "Huwag ang papatay!" At ipinaliwanag niya ito. May isang lalaking naantig ang damdamin at sumigaw siya ng malakas: "Amen, Father. Amen!"  "Huwag kang magnanakaw!" At muli niyang ipinaliwanag ng buong sigasig.  Muli narinig niya ang  "Amen, Father! Amen!" sa pareho ring lalaking simigaw ng una.  Siyempre ginanahan ang pari at pasigaw niyang sinabing: "Huwag kang makikiapid at huwag mong pagnasahan ang asawa ng iba!"  Tumayo muli ang lalaking kanina pa sumisigaw at nagsabi sa pari: "Aba, Padre... huwag kang makikialam sa buhay ng iba!"  O di ba? Ang hirap makialam sa buhay ng ibang tao. Ikaw pa ang lalabas na masama.  Kaya ano ang ginagawa ng marami sa atin? Tumatahimik na lang.  Ayaw ng makialam.  Wala akong paki sa 'yo! 

Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay huwag na huwag naming babanggitin ang  "Salesian blasphemy".  Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya.  Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas ang mga salitang ito sa aming bibig.  Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito at lalo na't nagiging kabahagi na ito ng aming pagkatao.  Ano ba ang "blasphemy" na ito?  Simple lang. Ito ay ang kataga sa wikang ingles na "It's none of my bussiness!"  Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission".  Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataong gawin ito.  Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin!  Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! 

Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan."  May pananagutan tayo sa ating kapwa.  Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan.  Ang isang Kristiyano ay " mabuting pakialamero."  Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan sa mga panahon ngayon ay "nakikialam" sa mga nangyayari sa ating lipunan.  May kaibigan akong nagpahayag sa Facebook ng kanyang pagkadismaya sa Simbahang Katoliko sapagkat patuloy daw ang pagbatikos sa programa ng pamahalaan laban sa droga o "War of Drugs".  Sinabi ko sa kanya na ito ay kasama sa tungkulin ng Simbahan.  Ang Simbahan ay isang propeta, katulad ng mga propeta sa Lumang Tipan nagpapahayag ng kanilang mensahe mula kay Yahweh, kapag ang isang hari o namumuno ay hindi na gumaganap sa kanyang tungkulin at tumatalikod na sa Diyos.  Dahil dito ang propeta ay hindi tanggap sa kanyang sariling bayan sapagkat hindi tangap ng mga tao ang mapait na katotohan.  At ang Simbahan ay hindi kailanman tatalikod sa tungkuling ito na iniatang sa kanya ni Kristo lalo na't ang niyuyurakan ay ang tungkol sa mabuting pamumuhay at pananampalataya.  

Kaya nga wag nating batikusin ang ating mga namumuno sa Simbahan kapag nagpapahayag sila ng paninindigan laban sa pagpatay, death penalty, korapsiyon sa pamumuno, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao. Hindi ito pangingi-alam!  Tingnan natin ito na isang "pakikilahok" upang maituwid ang kamalian. Magalit tayo kapag ang Simbahan ay piniling manahimik na lamang sa mga kamaliang nangyayari sa ating lipunan!  Ngunit ang ating pakikialam bilang mga Kristiyano ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin: pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa.  

Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."  At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.  Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan.  Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.)  Nangangailangan ito ng radical na "metanoia", o pagbabago ng isip at ating nakasanayang gawin.  

Huwag tayong matakot na itama ang maraming pagkakamaling ating nakikita sa unti-unti at sistimatikong pagsira ng ating mundong itinuturing na “tahanan”, o sa pananalita ng ating Santo Papang si Papa Francisco, ay ang ating “common home”.  Ang sinasabi ng ating mga pagbasa ngayong Linggong ito ay huwag tayong matakot makialam at itama ang mga maling nakikita natin sa iba. Ang pagtutuwid sa kapwang naliligaw ng landas ay masakit subalit nagdudulot ng kaganapan sa buhay.  Tingnan natin ang ating pakikialam bilang pakikilahok natin ng may pagmamahal upang mapabuti natin ang kalagayan ng ating kapwa. Ito rin ang ating pananagutan sa Manlilikha at kanyang mga nilikha: makialam... makilahok ng may pagmamahal!