Sabado, Oktubre 31, 2020

DIA DE TODOS LOS SANTOS: Reflection for All Saints' Day Year A - November 1, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ngayon ay ang pagdiriwang ng ALL SAINTS DAY!  Pinararangalan natin ang lahat ng mga BANAL sa kalangitan.  kilala man natin sila o hindi natin kilala.  Ang araw ding ito ay ARAW NG MGA BANAL at hindi ARAW NG MGA PATAY.  Bukas pa ang pag-alala natin sa kaluluwa ng ating mga mahal na yumao!  Kaya mamyang gabi ay hindi "gabi ng lagim" o GABI NG KATATAKUTAN kundi GABI NG KABANALAN! Ilan ba ang mga banal na ating ipinagdiriwang.  Hindi lang isa, dalawa, sampu o kahit isang daan pa man!  Pakinggan n'yo ang kuwentong ito:  

Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala nang buhok.  "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka?  tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan.  Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun!  Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun!  Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!"  sagot ni Pedro.  "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay.  "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko!  

Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal."   Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit.  Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na tinatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa.  Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa.  Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?"  

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!"  Nasa itaas ang duktor!

Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na hindi kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilala. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin.  Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo.  Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  

Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang maging banal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal.  Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantimpala ng kalangitan.  Balang araw ay makakasama rin tayo sa kalipunan ng mga Banal o TODOS LOS SANTOS!

Sabado, Oktubre 24, 2020

TANDA NG PAG-IBIG NG DIYOS: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 25, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Mahalaga sa ating mga Katoliko ang "tanda ng krus."  Sa katunayan, lahat ng ating mga panalangin ay pinangungunahan nito.  Sa mahahalagang ritwal ito ay itinatanda natin sa ating mga sarili.  May mga ibang Katoliko pa nga na ginagamit ito sa walang kabuluhang bagay tulad ng sa paglalaro ng basketball, volleyball at kahit na boksing. May iba naman na ginagamit ang tanda ng krus kapag nagugulat o kapag natatakot.  Gaano ba kahalaga sa atin ito?

Ito ang unang tanda na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan.  Ito ang tatak ng ating pananampalataya.  Ang tatak ay mahalaga sapagkat ipinapakita nito ang halaga ng isang bagay.  Halimbawa ay ang mga branded t-shirts na adidas o nike.  Kung ang mga ito ay "orig" ay mahal ang mga ito. Ngunit kung ang mga ito ay nabii lamang sa Divisoria, maaring peke ang mga ito at dahil d'yan ay mumurahin!  

Ang tatak ng krus ay tunay na pagpapakita ng kadakilaan ng pagmamamahal ng Diyos sa atin.  Dito siya nag-alay ng kanyang buhay upang tuparin ang kalooban ng Ama at ibalik sa atin ang ating kaligtasan.  Dito niya ipinakita sa atin ang kahalagahan ng dakilang utos ng pag-ibig na ipinapahayag ng "vertical" at "horizontal dimension" ng ating pananampalataya.  

Nang si Jesus ay tanungin kung ano ba ang pinakamahalaga sa kautusan ay ibinigay niya ang buod ng 613 na batas na kanilang sinusunod.  May katwiran ang katanungan ng dalubhasa sa batas kung ibabatay natin ito sa napakaraming detalyadong kautusan na pilit nilang isinasabuhay.  Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. 

Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao!  Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba?  Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig!  Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. 

Ang mga taong nag-aakalang matuwid dahil literal nilang tinutupad ang sinasabi ng batas ngunit kulang naman sa pagsasabuhay ng diwa nito ay ang mga taong mapagpaimbabaw at ang pagsamba nila ay nasa salita lamang. Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili at baka naman nagiging katulad na tayo nila.  

Ang dalawang dakilang utos na ito ay dapat parang mga sapatos na suot suot natin sa ating mga paa.  Hindi naman tayo nagsusuot ng sapatos na isang paa lang ang gamit.  Dapat dalawa! Ganun din sa pagsunod sa batas ng pag-ibig.  Hindi maaring Diyos lang ating mahal at hindi ang ating kapwa. Ganun din naman hindi mo masasabing mahal mo ang kapwa mo kung hindi ka kumikilala sa Diyos.  Marahil ay mas makahulugan ang pagsasabuhay ng utos na ito kung ating bibigyan ng pansin ang ating mga kapatid na nasa bilangguan. Ngayon ang 33rd Prison Awareness Sunday na may temang: "Restoring hope and healing during this time of pandemic through God's transforming unconditional love."  Marami sa mga kapatid nating nasa bilangguan ay kalunos-lunos ang kalagayan.  Marami sa kanila ang hindi na naaalala ng kanilang mga mahal sa buhay at tuluyan ng kinalimutan.  Ipanalangin natin sila na nawa ang  pag-ibig ng Diyos ang magbigay sa kanila ng pag-asa at paghilom sa mga sugat na ang maylikha rin ay ang lipunang kanila ring kinabibilangan.  

Sabado, Oktubre 17, 2020

ANG KRISTIYANONG FILIPINO: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 18, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Sino nga ba ang Kristiyanong Pilipino?  Kapag nagsasalita  ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman sa pamamalakad ng pamahalaan ay agad-agad na ipinapasok ng kanyang mga kritiko ang usapin ng "separation of Church and State" na para bagang sinasabi nilang walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan.  Meron ba talaga?  Bago natin sagutin ang katanungang ito ay linawin muna natin ang sinasabing "seperation of Church and State" na makikita sa ating saligang batas.  Sa totoo lang, walang kinalaman dito ang "pangingialam ng Simbahan" sa pamahalaan.  Ang sinasabi ng saligang batas ay ang pagbibigay ng kalayaan sa anumang relihiyon na magpahayag ng kanyang pananampalataya at walang karapatan ang pamahalaan na pilitin ang mga mamayan na paboran ang partikular na relihiyon.  Ibig sabihin walang maaring hiranging "state religion" ang pamahalaan.  Yun lang! Kaya nga mali na ito ay gamitin sa usaping politikal dahil hindi ito ang layunin ng batas.  Ngayon balikan natin ang katanungang: "Maari bang makialam ang Simbahan sa pamamalakad ng pamahalaan?" Gawin natin mas personal ang katanungan: "Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino?"

Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya ito na hindi lamang magsalita kundi rin kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga.  Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang kanan at kaliwang paa?" sabay lapit sa ibon na tila hahawakan na ang dalawang paa nito. Biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! Huwag mong subukan gawin yan! Malalaglag ako!" 

Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang?  Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan?  Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika.  Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!"  Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos!  Katulad ng nabanggit ko kanina ay malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Saligang Batas para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. 

Ang Simbahan ay may karapatan magsalita kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral!  Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa aral ni Kristo at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. 

Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian.  Maging matapang tayo sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino.  Ang namayapa na Santo Papang si Pope Paul VI na ngayon ay isa ng Santo, na bumisita dito sa ating bansa noong 1970, ay nagmistulang propeta sa pagsasabi sa tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa mga darating na taon na kung saan ang Simbahan ay haharap sa maraming pagsalungat.  Pagkatapos ng mahigit limampung taon ay tila nagkakatotoo nga ang kanyang ipinahayag kung ano dapat ang "identity" ng Simbahan sa ating kasalukuyang panahon.  

Una, ay ang pagiging Simbahang Makatarungan.  Ang sabi ng Santo Papa, "If you want peace, work for justice."  Ito ay totoong totoo sa atin ngayon.  Kung bakit hindi natin makamit ang kapayapaang ating minimithi ay sapagkat hindi pa rin maibigay sa lahat ang katarungang nakalaan para sa lahat.  Isa na d'yan ang pagyurak sa ating "human rights".  Hindi ba't nagkaroon pa nga ng panukula na gawing Php 1,000 lang ang budget ng Human Rights Commission?  Ito ba ang pagpapahalaga natin sa ating pansariling katarungan?  Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga walang saysay at hindi makatarungang pagpatay.  Mayroon pa ring banta ng terrrorismo. Hindi natin makakamit ang kapayapaan kung walang katarungan.

Pangalawa ay ang pagiging Simbahang Maawain.  Pinagnilayan natin ito noong Year of Mercy.  Sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon ay nakikita ng iba na mas madaling paraan ang pagpatay sa mga taong masasama upang makamit ang kapayapaan.  Mas madali ang maghusga kaysa umunawa.  Kaya nga ang paanyaya sa atin ni Pope Francis ay ibahagi natin ang awa at malasakit ng Panginoon lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig at nakakaligtaang kalingain ng lipunan.  Ang kawalan ng malasakit sa dinaranas na paghihirap ng ating kapwa ay nagmimistulang kalyo na ng lipunan upang maging manhid sa hinanaing ng kanyang kapwa.  Isang halimbawa dito ang nangyaring "walang pusong" paglilibing sa sanggol na si River.  Kung may malasakit lang sana tayo sa ating kapwa ay hindi sana hahantong sa ganitong pangyayari na nagpapababa sa ating pagkatao.  

At ang pangatlo ay ang pagiging Simbahang Misyonero.  Ngayon ay Linggo ng Misyong Pandaigdig. Ang sabi ng Santo Papa, "the Church exist in order to evangelize!"  Ibig sabihin ay mawawalan ng saysay ang Simbahan kapag hindi niya magampanan ang tungkuling magpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo.  Sa ating kasalukuyang panahon ay ginagawa ito ng Simbahan sa walang takot na paninindigan at pagtuturo ng aral ni Kristo sa mga usapin tulad ng death penalty, extra juducial killing, abortion at contraception, divorce at same sex marriage, at marami pang iba.  Kalimitan ay natutuligsa ang Simbahan at tila baga nagiging kalaban ng mga may progresibong pag-iisip.  Ngunit nananatiling matatag ang paninindigan ng Simbahan sa mga paniniwala nito kahit ito pa man ay hindi popular sa mas nakararaming tao. 

Ipakita sana natin ang pagiging iisang Simbahan sa pagiging mabuting anak ng Diyos at pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan.  Be good Christians and honest citizens!  Ito ang pagiging Kristiyanong Pilipino.  

SALO-SALO SA PIGING: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 11, 2020 - YEAR OF ECUMENISM and INTER-FAITH DIALOGUE


Ang sarap maimbitahan sa isang salo-salo!  Masarap kumain lalo na't libre!  Lalo na tayong mga Pilipino, mahilig magpakain kapag may okasyon.  Mahilig tayong maghanda kapag may pagdiriwang.  May pakain tayo kapag may bininyagang bata.  May pakain din sa araw ng kaarawan, sa araw ng pagtatapos, sa kasal, at kahit maging sa patay, wala tayong pinatatawad basta't paghahanda ng salo-salo.  At dahil ito ay "salo-salo" ay nag-iimbita tayo ng mga bisita. Mas marami mas masaya!  Dito ay walang pagkakaiba ang mahirap sa mayaman.  Nais nating mapasaya ang maraming tao sa ating pagsasaluhang handaan.  Naalala ko noong ako ay isang bagong pari pa lamang at nagmisa sa kapistahan ng isang barrio.  Pagkatapos ng Misa ay kaliwa't kanan ang nag-imbita sa akin na kumain sa kanilang bahay.  Ako naman, upang mapasaya ang mga taong iyon, ay nangakong pupunta sa kanilang mga bahay.  Nakakalimang bahay pa lang ako ay parang sumusuko na ang aking sikmura! Paano ba naman, sa limang bahay na pinuntahan ko ay pare-pareho ang handa,  parepareho ang luto ng ulam: menudo, kaldereta, dinuguan, pansit.  Ikaw kaya ang kumain sa limang bahay na pare-pareho ang lasa ng pagkain?  Pero gayun pa man ay hindi ko sila binigo! Tinikman ko lahat ang kanilang inihanda.

Masama ang loob ng hari na naghanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki sapagkat sa huling sandali ay umatras ang kanyang mga inimbitahan sa salo-salo.  Paano nga naman itong tatawing salo-salo kung walang kasalo?  Magiging SOLO-SOLO sa halip na SALO-SALO ang kainan. Kaya't napalitan siyang tawagin ang mga tao sa lansangan upang maipagpatuloy pa rin ang dapat na masayang piging!  Ang talinhangang ito ay unang patungkol ni Jesus sa mga Hudyo na unang nabiyayaan ng imbitasyon na makibahagi sa piging ng kaharian ng Diyos, ngunit hindi nila tinanggap ang kanyang paghahari noong isinugo niya nag kanyang Anak.  Kaya't ibinaling ng Diyos ang kanyang paanyaya sa kanyang bagong bayang hinirang!  

Tayo ang bayang iyon na tumanggap kay Jesus bilang ating Diyos at tagapagligtas.  Ang paanyayang ito ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon.  Ang salo-salo na ating ginagawa sa tuwing tayo ay nagsisimba at dumadalo sa Santa Misa ay nagpapahayag ng ating pakikiisa at pagtugon sa paanyaya ng Diyos na makibahagi ng masaya sa Kanyang inihandang piging. Ito ay sumasalamin sa tunay na piging na kung saan ay makakapiling nating Siya magpakailanman at magpasawalang hanggan.  Kaya't ang Banal na Eukaristiya ay tinatawag din nating "heavenly banquet", isang makalangit na pagsasalo na kung saan ay tinatanggap natin ang biyaya ng kaligtasan.  Ugaliin sana natin ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon kung wala namang sagabal o hadlang sa ating mga sarili.  Mas nagiging ganap ang ating pakikiisa sa Misa kung nakikisalo tayo sa iisang Katawan ni Kristo.  Ngunit tandaan natin na ang Katawan ni Kristo ay hindi lang naman ang Banal na Ostiang ating tinatanggap.  Ito rin ay ang Katawan ni Kristong nananahan sa ating kapwa.  Kaya nga kung nagpahayag tayo ng "amen" sa ating pagtanggap kay Jesus, na nangangahulugan ng ating pagsang-ayon, dapat lang na tanggapin din natin ang ating kapwa anuman ang kanilang katayuan sa buhay.  Marahil madaling tanggapin ang mga kaaya-aya sa atin subalit ang hamon sa atin ay mahalin din ang mga "unlovables" kung tawagin.  Kasama na rito ang mga taong may sama tayo ng loob at ang ating mga kaaway.  Kaya din ba natin silang tanggapin?  Magiging masaya ang pagsasalo-salo sa Banal na Piging kung tatanggapin natin ang lahat tulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos.  

Ngayong Taon ng Ecumenismo ay ipakita natin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nalalayo sa ating Simbahan at sa mga taong naisasantabi ng lipunan.  Ang Banal na Piging ay para sa lahat. Wala itong itinatangi sapagkat tayo ay iisang Simbahang nagsasalo-salo sa PIGING NI KRISTO!

Sabado, Oktubre 3, 2020

MUNDO SA ATING MGA KAMAY: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 4, 2020 - SEASON OF CREATION - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE


Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat galaw ay may singil.  Bawat kibot ay may kaakibat na abot.  Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad!  Kaya't kung minsan ay nawawala na ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong nagpapakita sa atin ng kagandahang loob.  Tunghayan ninyo ang kuwentong ito.  

 Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. Mayroon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe...

Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isa siyang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. 

Sa unang pagbasa ay inilarawan ni Propeta Isaias ang malaking sama ng loob ng Diyos para sa kawalan ng utang na loob ng Kanyang Bayan. Inaasahan niyang ang Kanyang kabutihan ay tutumbasan din ng mga tao ng kabutihan.  Sa Ebangheyo naman ay isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. Ang talinghaga tungkol sa mga masasamang kasamá ay patungkol sa pagbabanta ng Panginoon sa Bayan ng Israel na hindi maganda ang kanilang kahihinatnan dahil sa kanilang kawalan ng utang na loob. Ang Israel ang ubasan na tinutukoy sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. 

At tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Tayo ang bagong bayang pinili ng Diyos!  Ang talinghaga ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit Siya rin ay makatarungan.  Susulitin niya ang biyayang ibinigay Niya sa atin at titingnan kung tayo ay naging karapat-dapat. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! 

Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad.  Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbubunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. 

Ngayon din ang huling Linggo ng Panahon ng Paglikha.  Ang hamon sa atin ay sagutin natin ang kagandang-loob na ipinakita sa atin ng ating Diyos na Manlilikha sa pagbibigay Niya sa atin ng mundo bilang ating iisang tahanan.  Tanawin natin itong bilang utang na loob sa pamamagitan ng mabuting pangangasiwa sa kanyang mga nilikha.  Alagaan, ipagtanggol at pagyamanin natin ang mga ito.  Ang ating mundo ay regalong ibinigay sa atin ng Diyos at ito rin ang regalong ibabalik natin sa Kanya kayat sikapin nating maging Kanyang maabuting mga katiwala. Ang ating mundo na nasa Kanyang mga kamay ay ibinigay Niya rin sa ating mga kamay.  Ingatan at mahalin natin ito. Laudato Si!