Ito ang unang tanda na ating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ito ang tatak ng ating pananampalataya. Ang tatak ay mahalaga sapagkat ipinapakita nito ang halaga ng isang bagay. Halimbawa ay ang mga branded t-shirts na adidas o nike. Kung ang mga ito ay "orig" ay mahal ang mga ito. Ngunit kung ang mga ito ay nabii lamang sa Divisoria, maaring peke ang mga ito at dahil d'yan ay mumurahin!
Ang tatak ng krus ay tunay na pagpapakita ng kadakilaan ng pagmamamahal ng Diyos sa atin. Dito siya nag-alay ng kanyang buhay upang tuparin ang kalooban ng Ama at ibalik sa atin ang ating kaligtasan. Dito niya ipinakita sa atin ang kahalagahan ng dakilang utos ng pag-ibig na ipinapahayag ng "vertical" at "horizontal dimension" ng ating pananampalataya.
Nang si Jesus ay tanungin kung ano ba ang pinakamahalaga sa kautusan ay ibinigay niya ang buod ng 613 na batas na kanilang sinusunod. May katwiran ang katanungan ng dalubhasa sa batas kung ibabatay natin ito sa napakaraming detalyadong kautusan na pilit nilang isinasabuhay. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos.
Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa.
Ang mga taong nag-aakalang matuwid dahil literal nilang tinutupad ang sinasabi ng batas ngunit kulang naman sa pagsasabuhay ng diwa nito ay ang mga taong mapagpaimbabaw at ang pagsamba nila ay nasa salita lamang. Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili at baka naman nagiging katulad na tayo nila.
Ang dalawang dakilang utos na ito ay dapat parang mga sapatos na suot suot natin sa ating mga paa. Hindi naman tayo nagsusuot ng sapatos na isang paa lang ang gamit. Dapat dalawa! Ganun din sa pagsunod sa batas ng pag-ibig. Hindi maaring Diyos lang ating mahal at hindi ang ating kapwa. Ganun din naman hindi mo masasabing mahal mo ang kapwa mo kung hindi ka kumikilala sa Diyos. Marahil ay mas makahulugan ang pagsasabuhay ng utos na ito kung ating bibigyan ng pansin ang ating mga kapatid na nasa bilangguan. Ngayon ang 33rd Prison Awareness Sunday na may temang: "Restoring hope and healing during this time of pandemic through God's transforming unconditional love." Marami sa mga kapatid nating nasa bilangguan ay kalunos-lunos ang kalagayan. Marami sa kanila ang hindi na naaalala ng kanilang mga mahal sa buhay at tuluyan ng kinalimutan. Ipanalangin natin sila na nawa ang pag-ibig ng Diyos ang magbigay sa kanila ng pag-asa at paghilom sa mga sugat na ang maylikha rin ay ang lipunang kanila ring kinabibilangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento