Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya ito na hindi lamang magsalita kundi rin kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang kanan at kaliwang paa?" sabay lapit sa ibon na tila hahawakan na ang dalawang paa nito. Biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! Huwag mong subukan gawin yan! Malalaglag ako!"
Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos! Katulad ng nabanggit ko kanina ay malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Saligang Batas para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos.
Ang Simbahan ay may karapatan magsalita kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa aral ni Kristo at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin.
Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Maging matapang tayo sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino. Ang namayapa na Santo Papang si Pope Paul VI na ngayon ay isa ng Santo, na bumisita dito sa ating bansa noong 1970, ay nagmistulang propeta sa pagsasabi sa tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa mga darating na taon na kung saan ang Simbahan ay haharap sa maraming pagsalungat. Pagkatapos ng mahigit limampung taon ay tila nagkakatotoo nga ang kanyang ipinahayag kung ano dapat ang "identity" ng Simbahan sa ating kasalukuyang panahon.
Una, ay ang pagiging Simbahang Makatarungan. Ang sabi ng Santo Papa, "If you want peace, work for justice." Ito ay totoong totoo sa atin ngayon. Kung bakit hindi natin makamit ang kapayapaang ating minimithi ay sapagkat hindi pa rin maibigay sa lahat ang katarungang nakalaan para sa lahat. Isa na d'yan ang pagyurak sa ating "human rights". Hindi ba't nagkaroon pa nga ng panukula na gawing Php 1,000 lang ang budget ng Human Rights Commission? Ito ba ang pagpapahalaga natin sa ating pansariling katarungan? Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga walang saysay at hindi makatarungang pagpatay. Mayroon pa ring banta ng terrrorismo. Hindi natin makakamit ang kapayapaan kung walang katarungan.
Pangalawa ay ang pagiging Simbahang Maawain. Pinagnilayan natin ito noong Year of Mercy. Sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon ay nakikita ng iba na mas madaling paraan ang pagpatay sa mga taong masasama upang makamit ang kapayapaan. Mas madali ang maghusga kaysa umunawa. Kaya nga ang paanyaya sa atin ni Pope Francis ay ibahagi natin ang awa at malasakit ng Panginoon lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig at nakakaligtaang kalingain ng lipunan. Ang kawalan ng malasakit sa dinaranas na paghihirap ng ating kapwa ay nagmimistulang kalyo na ng lipunan upang maging manhid sa hinanaing ng kanyang kapwa. Isang halimbawa dito ang nangyaring "walang pusong" paglilibing sa sanggol na si River. Kung may malasakit lang sana tayo sa ating kapwa ay hindi sana hahantong sa ganitong pangyayari na nagpapababa sa ating pagkatao.
At ang pangatlo ay ang pagiging Simbahang Misyonero. Ngayon ay Linggo ng Misyong Pandaigdig. Ang sabi ng Santo Papa, "the Church exist in order to evangelize!" Ibig sabihin ay mawawalan ng saysay ang Simbahan kapag hindi niya magampanan ang tungkuling magpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Sa ating kasalukuyang panahon ay ginagawa ito ng Simbahan sa walang takot na paninindigan at pagtuturo ng aral ni Kristo sa mga usapin tulad ng death penalty, extra juducial killing, abortion at contraception, divorce at same sex marriage, at marami pang iba. Kalimitan ay natutuligsa ang Simbahan at tila baga nagiging kalaban ng mga may progresibong pag-iisip. Ngunit nananatiling matatag ang paninindigan ng Simbahan sa mga paniniwala nito kahit ito pa man ay hindi popular sa mas nakararaming tao.
Ipakita sana natin ang pagiging iisang Simbahan sa pagiging mabuting anak ng Diyos at pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan. Be good Christians and honest citizens! Ito ang pagiging Kristiyanong Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento