Sabado, Oktubre 3, 2020

MUNDO SA ATING MGA KAMAY: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 4, 2020 - SEASON OF CREATION - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE


Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat galaw ay may singil.  Bawat kibot ay may kaakibat na abot.  Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad!  Kaya't kung minsan ay nawawala na ang pagtanaw ng utang na loob sa mga taong nagpapakita sa atin ng kagandahang loob.  Tunghayan ninyo ang kuwentong ito.  

 Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. Mayroon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe...

Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isa siyang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. 

Sa unang pagbasa ay inilarawan ni Propeta Isaias ang malaking sama ng loob ng Diyos para sa kawalan ng utang na loob ng Kanyang Bayan. Inaasahan niyang ang Kanyang kabutihan ay tutumbasan din ng mga tao ng kabutihan.  Sa Ebangheyo naman ay isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. Ang talinghaga tungkol sa mga masasamang kasamá ay patungkol sa pagbabanta ng Panginoon sa Bayan ng Israel na hindi maganda ang kanilang kahihinatnan dahil sa kanilang kawalan ng utang na loob. Ang Israel ang ubasan na tinutukoy sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. 

At tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Tayo ang bagong bayang pinili ng Diyos!  Ang talinghaga ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit Siya rin ay makatarungan.  Susulitin niya ang biyayang ibinigay Niya sa atin at titingnan kung tayo ay naging karapat-dapat. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! 

Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad.  Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbubunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. 

Ngayon din ang huling Linggo ng Panahon ng Paglikha.  Ang hamon sa atin ay sagutin natin ang kagandang-loob na ipinakita sa atin ng ating Diyos na Manlilikha sa pagbibigay Niya sa atin ng mundo bilang ating iisang tahanan.  Tanawin natin itong bilang utang na loob sa pamamagitan ng mabuting pangangasiwa sa kanyang mga nilikha.  Alagaan, ipagtanggol at pagyamanin natin ang mga ito.  Ang ating mundo ay regalong ibinigay sa atin ng Diyos at ito rin ang regalong ibabalik natin sa Kanya kayat sikapin nating maging Kanyang maabuting mga katiwala. Ang ating mundo na nasa Kanyang mga kamay ay ibinigay Niya rin sa ating mga kamay.  Ingatan at mahalin natin ito. Laudato Si!