Sabado, Hunyo 19, 2021

GOD IS IN-CHARGE: Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 20, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light...  

Ano nga ba ang katangian ng isang tatay?  Kung hahanguin natin sa kuwento ang kasagutan, ang "tatay" ay madisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit maunawain, makatarungan ngunit may awa! Ganito rin ba ang mga tatay ninyo?  Marahil ay wala ng lalapit pa sa Diyos bilang ating ama kung ang mga katangiang ito ang ating pagbabatayan.  Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang nag-aalaga sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Sa unang pagbasa ay ipinahayag ng Diyos kay Job na Siya ay makapangyarihan. Siya ang naglalagay ng hangganan sa buong kalikasan at sa santinakpan.
Ang Diyos ding ito ang nagligtas sa ating sanlibutan!  Tayo ang sumira ngunit siya ang muling nagbalik ng pakikipagtipan na ating tinalukuran.  Ito ay dahilan sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin.  "For God so loved the world that he gave his one and only Son, that whoever believes in him shall not perish but have eternal life." (John 3:16)

Sa Ebanghelyo naman ay makikita natin ang nakakamanghang kapangyarihan ni Jesus. Narinig natin kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon.  Mahimbing na natutulog si Jesus dala marahil ng pagod at napangunahan ng takot ang mga alagad nang salubungin sila ng malakas na unos na halos ikalubog ng kanilang bangka.  "Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin,"Tigil!" At sinabi sa dagat, "Tumahimik ka!" Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang dagat.  Dahil dito ay sinidlan ng takot at panggigilalas ang mga alagad.  Ngunit ang mga salitang binitawan ni Jesus ay dapat sapat na upang pawiin ang kanilang mga pangamba: "Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?"  Tunay nga naman na wala silang dapat ipangamba sapagkat si Jesus ang IN-CHARGE sa mga sandaling iyon.  Marahil ay kulang pa nga ang kanilang pananalig sa kabila ng paggawa niya ng maraming himala at pagpapakita ng kanyang kapangyarihan.

Sa ating kasalukuyang panahon ngayon ay angkop na angkop ang mensahe ng ating mga pagbasa ngayong Linggo.   Marahil sa hinaba-haba ng pandemya na ating nararanasan, mahigit kumulang na dalawang taon, ay marami sa atin ang di maiwasang magtanong kung "Natutulog ba ang Diyos?"  Isama na natin ang problema ng kahirapan na patuloy na nararanasan ng ating mundo, ang paulit-ulit na kalamidad na tumatama sa ating bansa, ang karahasang nararanasan ng marami nating kababayan.  Tila baga sinisigaw nito sa atin na: GOD IS NOWHERE!  Ngunit sa mata ng taong may pananampalataya ay iba ang kanyang nakikita. Sa kabila ng kadilimang bumabalot sa ating paligid ay nakakatanaw siya ng liwanag.  Marahil ay hindi ganoon kalaking liwanag, ngunit kahit maliit ay sapat na upang hindi siya magmukmok sa kadiliman.  Para sa taong may pananalig sa kabutihan ng Diyos: GOD IS NOW HERE

Ang Diyos ay may pusong mapagmahal.  Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan.  May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic..God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha.  

May kuwento ng isang barkong naglalayag sa karagatan na hinahanmpas ng malakas na hangin at alon.  Nagkagulo ang mga taong sakay ng barko maliban sa isang batang naglalaro sa isang tabi.  Nilapitan siya at tinanong kung bakit hindi siya natatakot at parang walang pakialam sa mga nangyayari. "Totoy, nasaan ang tatay mo?  Hindi ka ba natatakot?" tanong nila sa bata.  Itinuro lang ng bata ang itaas na bahagi ng barko at sinabi: "Nandoon po siya sa itaas.. ang tatay ko po ang kapitan ng barko!  Bakit po ako matatakot?  Hindi niya ako pababayaan!"

Ang Diyos ang "In-charge' sa ating lahat.  Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan.  Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal.  Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating pamilya at sa mundong ating tinuturing na tahanan.

 Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Walang komento: