Sa ating mga Kristiyano may isang tanda na dapat ay alam na alam natin. Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo! Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa! Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo!
Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Nag-ugat ito sa pagwiwisik ng dugo ng mga Israelita noong sila ay nasa Ehipto at nagpadala si Yahweh ng salot na kung saan ay mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop. Ang mga Israelita ay naglagay ng dugo ng kordero, isang batang tupa, sa kanilang mga pintuan at naging tanda ito para sa anghel ng kamatayan na lagpasan ang kanilang mga tahanan at mailigtas sila sa salot na ito. Kaya tinawag din itong gabi ng pass-over, paglagpas, at ang kanilang pinagsaluhang hapunan ay tinawag na passover meal.
Sa Bagong Tipan ay may pagdanak pa ng dugo na nangyari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nakikipagtipan sa atin sa pamamagitan ng pag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa.
Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Ang pagsisimba gamit ang telebisyon, radio o internet ay for exeptional reasons only! Isa na diyan ang malubhang sakit o karamdaman at kalagayang imposible kang tumayo at pumunta ng simbahan. Ngayon ay kasama na rin dito ang Covid19 restrictions para sa ating mga "super seniors" at mga batang pinagbabawalang lumbas ng tahanan. Sa ganitong mga sitwasyon ay pinapayagan ng Simbahan ang pakikibahagi sa mga on-line at livestreaming masses. Pero sa mga taong normal naman ang kalagayan at hindi naman pinagbabawalan ay hindi katanggap-tanggap ang ipagpaliban ang pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa pakikipagtipan o alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay!
Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay at tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa.
Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisira ng maruming politika, ay hingin natin ang biyaya ng pagkakaisang nagmumula kay Kristo. Lumalapit na naman ang halalan 2022 kaya't asahan na naman natin ang pagsisiraan, hidwaan kahit sa mga magkakamag-anak, pagkakahiwalay ng mga dating magkakaibigan at huwag naman sanang mangyari na magtutuloy sa pananakit ng kapwa at pagkitil ng buhay ng iba.
Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA! Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN. Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay. Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo. Tanggapin natin ang bawat isa ng may pang-unawa, pagpapatawad at kagalakan. Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo! Tayo ang sambayanang pinagbuklod ng Banal niyang tipan! Tayo ang simbolo ng pagkakaisa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento