Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA. Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag. Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay. Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa. Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan. Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso. Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.
Ang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag, isang malaking misteryo! Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa. Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya. At alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso. Ngunit ito ang malaki nating pagkakamali... isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.
Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha. Siya ang walang simula at walang katapusan. Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos, pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo, ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan.
Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay lubos na mahiwaga sapagkat inihayag niya ang katotohanan ng kanyang sarili hindi sa mga palalo ang pag-iisip kundi sa mga taong payak at mapagkumbaba. Kaya't ang mga salitang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay mauunawan lamang ng mga taong may kababang-loob at payak na pag-iisip: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."
Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Dahil dito masasabi nating ang Banal na Santatlo ay isang komunidad na pinaghaharian ng pagmamahalan. The Holy Trinity is a community persons that is governed by love! At ang pag-ibig na ito ay nagbabahagi, Hindi makasarili. Kaya nga't nagawang ibigay ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang buhay na walang-hanggan! At ang pag-ibig na ito ay nag-aanyaya rin sa ating magbahagi ng pagmamahal kung paanong ang Diyos ay pagmamahal at patuloy na nagmamahal.
Kaya nga't maari mong "maunawaan" ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga nangangailangan. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.
May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three" sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang number one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!" Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili. Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.
Ngayong panahon ng pandemia ay sikapin nating unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili. Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba katulad ng patuloy na ginagawa ng maraming taong nagsasakripisyo upang mapagtagumpayan ang malaking pagsubok na ito. Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... handang mag-alay ng buhay para sa kanyang kaibigan!
Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal. Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig. Kaya nararapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin. Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento