Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe...
Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus.
Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Narinig natin sa Gawa ng mga Apostol: "Pagkasabi nito siya'y iniakyat sa nagit habang nakatingin sila sa kanya..." Ngunit ayaw ni Jesus na maiwan lang tayo sa pagkamangha sa kanyang maringal na pag-akyat sa kalangitan. Habang nakatulala ang mga alagad dahil sa sobrang pagkamangha ay sinabi ng anghel sa kanila: "Mga
taga-Galilea," sabi nila, "bakit kayo
narito't nakatingala sa langit? Itong
si Hesus na umakyat sa langit ay
magbabalik tulad ng nakita ninyong
pag-akyat niya." Kaya nga pagkatapos nito ay isinugo na sila ni Jesus upang gampanan ang misyong ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.
Pinapaala sa atin ng kapistahan ito na LANGIT ANG ATING PATUTUNGUHAN. Kaya nga nararapat na palakasin natin ang pag-asa at pagnanasang makarating sa langit. Tandaan natin na tayong lahat ay naging mga maninirahan ng kalangitan. Sa kapangyarihang tinanggap natin sa Binyag at Kumpil ay nabuksan sa ating ang pintuan ng kalangitan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan.
Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. Magbigay saksi tayo sa pamamagitan ng pagmamahal. Mayroon lamang isang daanan papunta sa kalangitan. Dito sa lupa ang tawag sa daan na ito ay PAG-IBIG. Kaya nga't kung ganoon ay hindi na kinakailangan pa nating hintayin na tayo ay mapunta sa kabilang buhay para maranasan natin ang ligayang dulot ng kalangitan. Maari nating gawing langit ang lupa. Ang sabi ng isang manunulat: "Heaven on Earth is a choice you must make, not a place you must find." Kaya nga ang paggawa ng mabuti ay isang pagpili. Ang pagiging maligaya ay isang desisyon. Kapag gumagawa tayo ng kabutihan ay nararanasan na natin ang ligaya sa kalangitan. Dapat nating tanungin ang ating sarili: "Kailan ba akong huling tumulong sa aking kapwang nangangailangan?"
Huwag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Ang sabi nga ni CS Lewis, isang katolikong manunulat: "If we find ourselves with a desire that nothing in this world can satisfy, the most probable explanation is that we were made for another world." At ano ang ibang mundo na tinutukoy dito? Walang iba kundi ang langit na ating hantungan at tunay na tahanan.
Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento