Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "
Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pagkakaisa ang bunga ng pananatili ng Banal na Espiritu sa ating Inang Simbahan. Nang napuspos ng Banal na Espiritu ang mga alagad ay lumabas sila sa kanilang pagkakatago at nangaral. Bagama't iba't iba ang pinanggalingang lugar ng mga taong nakikinig kay Pedro ay namangha sila sapagkat iisa ang kanilang pagkakaintindi sa kanyang mga sinabi. Pagkakaisa at hindi pagkakawatak-watak at biyaya ng Banal na Espritu. Isang pang biyaya ng Banal na Espiritu ay kapayapaan. Ang dating mga alagad na takot at puno ng pagkabagabag at pagkabalisa ay nakaranas ng kapayapaan nang manahan ang Banal na Espiritu sa kanilang piling. Kabanalan ang naman ang bunga ng isang taong namumuhay ayon sa Banal na Espiritu. Pinananatili Niyang banal ang Simbahan sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Noong tayo ay bininyagan at kinumpilan ay pinaging banal tayo ng Espiritu Santo. Naging templo o tahanan Niya ang ating katawan. Kaya nga't may pananagutan tayong panatilihing banal ang templong ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa kasalanan at sa mga gawaing sumisira sa kabanalan nitong taglay.
Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Palagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo. Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin. Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin. Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin. Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya.
Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu ang ating buhay. Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga. Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon. Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento