Una sa lahat ay binabati ko ng isang maligayang kapistahan ni Santo Domingo Savio kayong lahat na nakikibahagi sa pagdiriwang na ito! Bagamat ang eksaktong petsa ng kanyang kapistahan ay noong nakaraang ika-anim ng Mayo, ang linggong ito ang ating itinalaga bilang araw ng pagdiriwang ng ating parokya. Maligayang kapistahan sa inyong lahat!
Pangalawa, binabati natin ang lahat ng mga nanay na naririto sa pagdiriwang nitong Mothers' Day. Batid nating hindi matatawaran ang sakripisyo at pagmamahal ng mga magulang, lalung-lalo na ang mga ina, sa kanilang mga anak. Bilang mabubuting mga anak, ang pinakamagandang magagawa natin sa kanila ay ang handugan sila ng ating mga panalangin bilang pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. Happy Mothers' Day po sa lahat ng mga nanay na naririto at kahit sa kanilang mga namayapa na! Lubos ang aming pasasalamat sa inyo!
Ano ba ang pakiramdam ng isang taong walang nagmamahal? Masaklap! Ang sabi nga ng isang mensaheng natanggap ko: ubod ng lungkot... "parang aso na walang amo, parang adik na walang damo, parang dinuguan na walang puto, parang zesto na walang straw, parang tinola na walang sabaw, parang babae na walang dalaw, parang bahay na walang ilaw, parang ako na walang ikaw..." hehehe...
Kaya siguro bago lisanin ni Jesus ang mundong ito ang kanyang huling habilin ay tungkol sa pag-ibig: "Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.” Nakakalungkot lang isipin na mula sa mensaheng ito ay lumitaw ang mahigit 22,000 na magkakaibang relihiyon at sekta na namumuhi at nasusuklam sa isa't isa! At kahit sa atin mismong mga Kristiyano, hindi pa rin nawawala ang bangayan, ang paninira at pagkasuklam sa isa't isa.Bakit nagkaganoon? Nagkamali ba si Jesus sa pagpapaliwanag kung ano ang dapat na katangian ng pag-ibig?
Malinaw ang mga katagang binitiwan ngayon ni Jesus sa Ebanghelyo. Ang unang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magsakripisyo alang-alang sa kapakanan ng iba. "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." May isang lugar sa Chicago na ang tawag ay Oliver Milton's Park. Ito ay ipinangalan sa isang sundalo na dinapaan ang isang granada upang mailigtas ang kanyang mga kasama sa tiyak na kamatayan. Ang tunay na nagmamahal ay inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili. Nangangahulugan ito ng pagbibigay ng sariling oras, kakayahan, karunungan, at kahit kayamanan sa mga taong nangangailangan. Wala sa diksiyonaryo ng taong nagmamahal ang katagang: "Wala akong pakialam!" Tandaan natin na ang Diyos ang unang nakialam sa atin. Hindi naman obligado ang Diyos na isugo ang kanyang bugtong na anak at mag-alay ng kanyang buhay sa krus, ngunit ginawa niya ito upang ipakita ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig. Kaya nga't ang kahulugan ng pag-ibig para kay San Juan apostol ay "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig
natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak
upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan."
Ang ikalawang katangian ng pag-ibig ay ang kakayahang magmahal sa lahat na walang itinatangi. May kuwento ng isang sundalong sumulat sa kanyang mga magulang na uuwi na siya at may dadalhin siyang isang kaibigang sundalo na makikitira sa kanilang bahay. Ipinaliwanag niya na ang sundalo ay walang dalawang paa sapagkat nasabugan ito ng landmine sa kasagsagan ng giyera. Ayaw pumayag ng mga magulang at sinabing 'wag na lang sapagkat magiging pabigat lamang ang taong ito sa kanila. Iyon na ang huling pag-uusap nila. Paglipas ng ilang taon nagkita muli sila sa isang morgue nang mabalitaan nilang namatay ang kanilang anak sa isang aksidente at gayun na lamang ang pagkagulat nila ng makitang ang kanilang anak ay walang dalawang paa. Ang pagmamahal na walang itinatangi ay nangangahulugan ng pagtanggap sa ating kapwa ng walang kundisyon. Katulad ito ng ipinakita ni Jesus ng nag-alay siya ng kanyang buhay para sa atin lalo na sa ating mga makasalanan. Hindi Niya tiningnan ang ating depekto o pagkukulang, maging ang kapangitan bilang tao dala ng ating patuloy na pagkakasala. Ang kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay ay para sa lahat ng tao: ano man ang relihiyon, lahi, kultura, kasarian, pag-uugali niyang taglay.
Dapat ang ating pagmamahal ay taglay ang dalawang katangiang ito: handang magsakripisyo at walang itinatangi. Kalimitan, kinasusuklaman natin ang ating kaaway at malambing lamang tayo sa ating mga kaibigan. Kung minsan ang ating pagpapakita ng pagmamahal ay may halong pagkamakasarili at hindi natin inuuna ang kapakanan ng iba. Ngunit hindi ito ang gawi ng Panginoon. Ang Panginoon ay nagpakita ng habag at pagmamahal sa mga taong hindi kaibig-ibig, sa mga taong makasalanan. Sana tayo rin ay kayang maghanap sa mga taong hindi nabibigyang pansin, sa mga kapus-palad, sa mga naliligaw ng landas, sa mga kapos sa pagmamahal.
Hindi ba't ganito ang pag-ibig ng ating mga magulang lalo na nang ating mga ina? Handa silang magutom, mauhaw, mapagod, mapuyat basta't huwag lamang maghirap ang kanilang mga anak. Hindi man lahat ngunit marami pa ring nanay ang handang limutin ang kanilang sarili at gumawa ng sakrispisyo. Ito rin ang makikita natin sa mga santo at santa kasama na ang ating patrong Santo Domingo Savio. Sa murang edad ay ipinakita niya na ang kabanalan ay hindi imposibleng makamit ng bawat taong marunong magmahal sa Diyos at sa kanyang kapwa. Ang kanyang pagmamahal ay bunga ng kanyang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Kung susundin lamang natin ang sinabi ni Jesus mahigit 2,000 taon na ang nakakaraan, ay siguradong mababawasan ang pagkasuklam at pagkagalit sa isa't isa. Ito pa rin ang mensaheng nais niyang iparating sa atin: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig na ipinakita ko sa inyo!" isang pag-ibig na hindi makasarili, isang pag-ibig na nakatuon sa lahat, isang pag-ibig na handang mag-alay ng kanyang sarili para sa kanyang kaibigan. Ito ang pag-ibig na ipinamalas ng Diyos sa atin... isang dakilang pag-ibig!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento