Sabado, Mayo 1, 2021

MANATILI AT MAMUNGA: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - May 2, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sino ba ang Kristiyanong Katoliko?  Tayong lahat na nagtitipon-tipon dito ay mga Kristiyanong Katoliko.  Bakit? Siguro sasabihin natin na dahil nabinyagan tayo. O kaya naman ay dahil nagsisimba tayo tuwing Linggo.  O dahil siguro ay iisa ang ating pananampalatayang pinahahayag.  Sapat ba ito upang sabihing tayo ay mga Krisitiyanong Katoliko?  Pagnilayan ninyo ang kuwentong ito:

Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki.  Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila.  Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!"  Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray.  ginamit ko ito at simula ay effective naman.  Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical."  Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig.  Binasbasan ko ito.  Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"  

Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan!  Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok!  Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized."  Hindi sapagkat nabinyagan tayo ay katoliko na tayo.  Hindi sapagkat pumasok tayo ng simbahan ay kristiyano na tayo.  Ang sabi nga ng isang sikat na amerikanong obispong pumanaw na na si Bishop Fulton Sheen: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse, ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad nagiging Kristiyano."  Kung gayon ay paano nga ba tayo nagiging Kristiyano?  Ang sinasabi ng ating ebanghelyo ngayon ay ang pananatili kay Kristo at pamumungang dapat na dulot nito.  Ibinibigay ni Jesus na pagtutulad ang puno ng ubas at ng mga sanga nito.  Para mas lalo natin itong maintindihan ay dapat nating ilagay natin sa konteksto ng ating pagbasa.

Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinantutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao.  Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila.  Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  

Totoo na tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  Ngunit ang pananatiling ito ay dapat na magbigay ng bunga sa ating buhay.  Wala ring silbi ang sanga kahit na ito ay malaki kung wala naman itong bunga.  At paano ito namumunga?  Ang sabi ni San Juan sa ikalawang pagbasa ay "Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa."   

Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ay ang maraming pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala.  Maaari nating sabihin na ang kahirapang dulot ng pandemyang ito ay isang uri ng pagpuputol na ginagawa ng Diyos sa atin upang mas lalo pang lumalim ang ating pakikipag-ugnayan sa kanya at magbunga ito ng kabutihan na tumutugon sa pangangailangan ng ating kapwa.  Nakakataba ng puso ang ipinapakitang kabutihan ng marami nating kapatid na nagbibigay ng tulong ayon sa kanilang kakayahan sa mga nagsulputang community pantry.  Ito ay isang pagpapatunay na kayang talunin ng kabutihan ang kasamaan, na kayang pagtagumpayan ng pagbibigay ang pagiging makasarili.  Ito ay isang konkretong pagpapakita ng nais ng Panginoon na mangyari sa atin kung talagang nanatili tayo sa kanya:  Ang mamunga ng sagana! 



Walang komento: