Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos: ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa. Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura. Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian. Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba!
Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo." Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao. Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba. Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan? Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay! Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Isang magandang halimbawa ay ang Pondo ng Pinoy. Hanggang ngayon ay nakakatanggap pa rin kami sa parokya ng mga bote ng mineral water na punong-puno ng bente-singko sentimos. Marahil ito ay matiyagang pinuno mula sa bulsa ng mahihirap na tao. Maliit na halaga na sa katunayan ay walang saysay, insignificant, ngunit kapag pinagsama-sama ay malaki at malayo ang nararating. Ang mga baryang ito ang patuloy na nagpapakain sa "Hapag-Asa" ng Caritas Manila. Nakapagtayo na rin ito ng mga tahanan, at naging pondong pinagkukunan para sa mga proyektong pangkabuhayan ng mga mahihirap. Hindi malaki ang kinakailangan. Kahit bata nga ay maaring magbigay dito. Ngunit katulad ng "butil ng mustasa" sa ating Ebanghelyo ay nakagagawa ito ng mga dakilang bagay. Ang kundisyon lang sa pagbibigay na ito ay dapat ay tuloy-tuloy. Kaya nga ang slogan ng Pondo ng Pinoy ay “Anumang magaling kahit maliit basta't malimit ay patungong langit.” Ito naman talaga ang ibig sabihin ng paggawa ng kabutihan, hindi lang minsanan. Kung gagawa tayo ng mabuti gawin natin ng malimit hanggang ating makasanayan at kabahagi na ng ating buhay!
Sa kasalukuyang panahon ay kailangan talaga nating magpakabuti at gumawa ng mabuti. Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga! Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan. May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people". Hindi ba't nakita natin ito sa mga community pantry na parang mga kabuteng nagsulputan sa iba't ibang panig ng bansa at hanggang ngayon ay nagpapatuloy? Nagsimula ito sa isang ordinaryong mamamayan na ang layunin lang ay makatulong sa kanyang mga kapit-bahay ngunit nakita natin kung paanong ito ay lumaki at lumaganap at nakatulong sa maraming mahihirap ngayong panahon ng pandemya. Hindi kinakailangang maging mayaman para makatulong sa iba. Sa katunayan ay maraming karaniwang tao at mahihirap ang nagbibigay ayon sa kanilang kakayahan at nakayanan. Sa maliit na paraan ay naibsan nito ang gutom ng marami nating kababayan at naipakita nating kaya palang talunin ng paggawa ng kabutihan ang kasamaang dala ng pagiging makasarili at pagiging gahaman.
Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba. Pairalin natin ang paggawa ng mabuti. #sharegoodness! Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan. Magpuhunan naman tayo sa paggawa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo. Sa halip na sisihin mo ang ibang tao at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba. Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento