Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida. Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali. Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK. Siya ba ang bida sa kuwentong ito o isa siyang kontrabida? Kung hindi siya ang bida ay sino? Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito:
Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi.
Sa aking palagay, ang talinhaga ay mas angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" sa halip na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyan kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak!
Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak. Mas ipinakita niya ito sa kanyang panganay na isang ring "alibugha". Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal. Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama. Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama.
"Open-ended" ang kuwento. Walang ending. Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay. Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at iyon ay walang iba kundi... TAYO! Ikaw ang gagawa ng katapusan sa talinhangang ito. Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos?
"Laetare Sunday" ang tawag sa araw na ito. "Laetare" na ang ibig sabihin ay ay magsaya! Bagamat ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa pagsisisi ay inaanyayahan tayong magbalik-loob na may kagalakan sa ating puso sapagkat may Diyos tayong mahabagin at magpagpatawad. Pasalamatan natin ang kabutihan ng ating Diyos ngunit isapuso rin natin ang tungkuling mahalin Siya ng lubos kahit na tayo ay kanyang mga alibughang anak. 1