May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin: "May hangganan ba ang awa ng Diyos?" Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:
"May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na. Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe...
Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali. Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan.
Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin. At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili. Yung batang nagtanong sa akin kung mapapatawad ba tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan ay marahil nagdududa sa kabutihan ng Diyos. "Father, paulit-ulit lang naman ang kinukumpisal ko! Pagkatapos kung magkumpisal, mamaya magkakasala na naman ako! Para saan pa ang pagkukumpisal?" ang tanong niya sa akin. Ito ang sagot ko sa kanya: "Nagsipilyo ka ba kanina pagkagising sa umaga?" "Siyempre naman Fads! Mabaho ang hininga ko pagkagising eh!" sagot niya sa akin. Sinabi ko sa kanya: "Bukas, pagkagising mo, huwag ka ng magsisipilyo! Kasi babaho din naman ang hininga mo! At ganun din sa susunod na araw!" Pareho rin sa pagkukumpisal. Hindi kailanman mawawala ang "baho ng hininga" natin, Babalik at babalik yan. Ang kasalanang ating nagawa ay maaring bumalik muli. Kung minsan nga paulit-ulit. Kaya nga't mas kinakailangan natin ang pagkukumpisal sapagkat sa paglapit dito ay pinahahayag natin ang pag-amin sa ating kahinaan at ang pangangailangan natin sa kalakasan ng Diyos! Ang paglapit sa Sakramento ng Kumpisal ay ang pagtugon natin sa mga "warning signs" dahil kung hindi ay maari itong ikapahamak ng ating kaluluwa.
Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay. Magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos. Our God is a patient God. Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa. Ang sabi nga ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Come back, says the Lord, ang I will frown on you no more, since I am merciful and I shall not keep my resentment for ever. Come back, disloyal children, says the Lord." (Jer 3:12,14)
Kaya nating magbago. Kaya nating maging tapat sa Diyos! "Be patient because God is patient with you!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento