May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan. Matanda na siya. Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala. Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan! Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay. Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro. "Hindi ito makatarungan San Pedro. Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!" Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon. At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!"
Ang anumang uri ng pagbabago ay hindi madali sapagkat ito ay nangangailangang dumaan sa isang proseso. Change is a process and it takes time... Ibig sabihin ay hindsi ito minamadali. Kung ito ay totoo sa ating panlabas anyo ay mas lalo itong totoo sa ating buhay espirituwal. Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo! Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang. Ito ay pinagsusumikapan at pinaghihirapan. Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano. Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo.
Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang. Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sa isang kristiyanong nagnanais ng tagumpay. Ang paghihirap na pinagdaanan ni Jesus upang makamit ang kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ang parehong daan na dapat tahakin ng kanyang mga tagasunod. Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay!
"Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang ipaunawa sa kanila ni Jesus na dapat nilang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay nararapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. "No cross... no glory!"
Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. Huwag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. "A Christian without a Cross is a contradiction!" Ang pagbabago ay isang krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. Madali ba ito? Bakit mahirap ang pagbabago? Una, sapagkat ito ay isang proseso na sabi natin kanina ay hindi minamadali. Pangalawa, ito ay nangangahulugan na may dapat tayong ibigay mula sa ating lumang sarili. Tatanggalin mo ang iyong masamang pag-uugali. Iiwanan mo ang masama mong pamumuhay. Mahirap ito kung ang titingnan lamang natin ay ang mga dapat nating tanggalin o iwanan. Bakit hindi natin pagtuunan ng pansin kung ano ang ating makukuha sa halip na kung ano ang mawawala sa atin? Ang sabi nga: "One reason people resit change is because they focus on what they have to give up, instead of what they have to gain." Hindi ba't walang katumbas na kaligayahan ang naghihitay sa atin kung mababago natin ang ating masamang pag-uugali? Isipin natin ang pagnanais nating magbago ay mas higit sa nating pagnanais na manatiling kapareho ng dati nating sarili.
May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad sa kanyang pagbbagong anyo ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang magandang paalala sa atin na huwag panghinaan ng loob kapag nahaharap tayo sa malalaking problema at suliranin sa buhay at sa pagnanais nating baguhin ang ating sarili. Huwag tayong mawalan ng pag-asa kapag sa harap ng maraming pagkabigo. Huwag tayong masadlak sa kadiliman sapagkat may liwanag na naghihintay sa Muling Pagkabuhay ni Kristo! Magbagong anyo tayo katulad ni Kristo. Ang magbagong-anyong tulad niya ay maging katulad niya!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento