May kuwento na minsan ay may isang pastor na namasyal sa mall. May nakita siyang magandang babae. Nagdasal siya sa Panginoon na sana ay iadya siya sa tukso. "Anak, ipikit mo ang iyong mga mata" sabi ng isang mahiwagang tinig. Sinunod naman niya ngunit pagkadilat niya ay may dumaan na naman sa kanyang babaeng balingkinitan ang katawan Muling siyang nagdasal at muli niyang narinig ang mahiwagang tinig na "Anak, ipikit mo uli ang iyong mga mata." Paglipas ng ilang sandali, sa di kalayuan, ay nakita niyang papalapit ang isang seksing babae na naka-micro-mini, seksi, tisay at ubod ng ganda. Hindi na niya nakuhang magdasal at nagsabi na lamang ng "Lord, puwede ba, pikit mo muna ang iyonng mata?"
Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso! Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan. Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin. Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito! Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"
Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.
Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina. Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin at sanayin natin ang ating sarili sa paggawa ng mga sakripisyo. Tapatin natin ang ating mga sarili at tanungin: "Ilang oras ba ang ginugugol ko sa pagdarasal sa isang araw?" Magugulat tayo na kakaunti kung ikukumpara natin sa ibang gawain ang ginugugol natin sa pagdarasal. At lalo na siguro ang paggawa ng sakrispisyo dahil hindi natural sa ating pagkatao ang hanapin ang kahirapan at yakapin ito. Mas nais natin ang buhay na masaya, magaang at maaliwalas! Tingnan natin dalawang gawaing ito:
Una ay ang pagdarasal. Ito ay ang paglalaan natin ng oras para sa Diyos. Sa pagdarasal ay binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating maabalang pamumuhay. Ano ang prating dahilan natin paghindi tayo nakapagsimba? "Nawalan po ako ng oras sa dami ng aking ginagawa!" Ngunit kung iisipin ay hindi naman dapat tayo nawawalan ng oras para sa pagdarasal sapagkat hindi naman nababawasan ang ating ginagawa magsimba man tayo o hindi. Ang problema marahil ay ang ating "priorities" o pinahahalagahan sa buhay. Kung talagang mahalaga sa 'yo ang panalangin ay maglalaan ka ng oras para dito. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapay ag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin.
Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Ngunit hin lang nito napapalakas ang ating kaluluwa, nagiging banal din tayo kapag tayo ay gumagawa ng sakripisyo. Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng pinanggalingan ng salitang sacrifice sa latin: "sacrum facere" na sa ingles ay "to make holy". Ang paggawa ng sakripisyo ay maghahatid sa atin sa kabanalan!
At anung uring pag-aayuno ang maari kong gawin ngayong Kuwaresma? May kakaibang panukala ang ating butihing Santo Papa, Pope Francis tungkol dito:
"Fast from hurtin words and say kind words.
Fast from sadness ang be filled with gratitude.
Fast from anger ang be filled with patience.
Fast from pessimism amd be filled with hope.
Fast from worries and trust in God.
Fast from complaints and contemplate simplicity
Fast from pressures and be prayerful.
Fast from bitterness and fill your heart with joy."
'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo! At dahil diyan ay mas madali nating masasamahan si Jesus sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento