Sabado, Pebrero 26, 2022

TRUTH SEEKERS: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time - Year C - February 27, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Paano ba nakikita ang kalooban ng isang tao?  Ang sagot ay... sa pamamagitan ng kanyang mga salita.  May kapangyarihan ang salita! Sa pagbukas ng bibig ng isang tao ay malalaman natin ang nilalaman ng kanyang puso.  Kung panay pagmumura, pagsisinungaling, kalaswaan, panlalait at paninira ang lumalabas sa kanyang bibig ay huwag nating asahang maganda ang kanyang pagkatao!  

May kuwento na noong taong 2019, isang malaking barko, isang inter-continental ship ang naaksidente papalubog sa gitna ng dagat.  Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit.  Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay.  Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu.  Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!"  sabay talon sa dagat.  Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump,  at sumigaw siya ng "Long live America!"  at sabay talon sa dagat.  At siyempre, papahuli ba naman ang ating mahal na presidente?  Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!"  Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa! SAKALAM... PETMALU!!!" May nagtanong sa kanya... bakit hindi presidente ng China ang tinulak mo?  "Ba't ko gagawin yon e BFF ko yun!" hehehe...  Kuwento lang mga kapatid.  Kayo na ang bahalang umunawa!  Pero, may katotohanan nga ang sabi ni Jesus na ang bawat isa ay nagsasalita mula sa kung ano ang nasa puso niya. "... out of the abundance of the heart the mouth speaks." (Luke 6:45)

Ito ang sinasabi sa unang pagbasa sa Aklat ni Sirach: "The fruit of a tree shows the care it has had; so too does a man’s speech disclose the bent of his mind."  Kaya wag muna nating purihin ang tao bago natin siya pakinggan.  Tandaan natin na masusuri natin ang isang tao sa kanyang pagsasalita.  Ito rin ang sinasabi sa Ebanghelyo: "A good man produces goodness from the good in his heart; an evil man produces evil out of his store of evil. Each man speaks from his heart’s abundance."  

Nagpapatuloy sa ngayon ang pangangampanya ng mga kandidato sa darating na eleksiyon.  Hindi ugali ng Simbahan na mag-endorso ng mga kandidatong dapat nating iboto.  Ang sinabi ng Simbahan ay maging mapanuri tayo sa pagpili ng ating mga magiging pinuno.  Pakinggan natin ang ang pananalita ng mga kakandidato dahil makikita natin dito ang kanilang pagkatao.  Dahil sa pagsasalita ay mailalahad nila ang kanilang saloobin at plataporma para sa ating bayan.  Hindi masama ang makipagdebate sapagkat masusukat natin dito ang nilalaman ng kanilang puso at ang mga paniniwala nila.  May mga kandidatong umiiwas sa debate.  Kampante na sila sa mga pakamay-kamay at pasayaw-sayaw sa enteblado.  Pero paano natin malalaman ang kanilang saloobin kung hindi sila magpapaliwanag ng kanilang pinaninindigan? Totoo na mahalaga ang gawa kaysa salita.  "Action speaks louder than voice!"  Pero paano natin malalaman ang kanilang pananaw para sa ating bayan kung mas pipiliin nilang tumahimik na lang?  Kung marumi ang pag-iisip ng isang tao, kahit na gaano pagkaingat-ingatan ang pagbuka ng kanyang bibig, madudulas at madudulas din siya!  

Sa ganang atin naman, bilang mga Kristiyano, ay hinihimok tayong ingatan ang ating pagsasalita at ating pag-iisip.  Magkaroon tayo ng malinis at tuwid na pag-iisp ng sa gayon ay magagawa nating magsabi sa iba ng kanilang kamalian na dapat itama. Kung hindi ay magiging hipokrito tayo tulad ng sabi ni Jesus: "Hypocrite, remove the plank from your own eye first; then you will see clearly enough to remove the speck from your brother’s eye."  Katulad din yan ng kanta ni Rico J:  "Bago mo linisin ang dungis ng yong kapwa, hugasan ang yong putik sa mukha!"  Magagawa natin yan kung may malinis tayong pag-iisip at pananalita.  

Paano natin malilinis ang kalooban natin?  Paano natin maayos ang ating puso at damdamin?  Una, huwag nating pasukan ng dumi ang ating kalooban.  Dumadaan ito sa 'ting mga mata at tainga kaya bantayan natin ang ating nakikita at naririnig.  Pangalawa ay alamin natin ang katotohanan.  Wag tayong makinig sa sabi-sabi ng iba.  Wag tayong mabuhay sa kasinungalingan.  Wag tumangkilik sa mga fake news!  Pangatlo, matuto tayong magpatawad o magpaumanhin kung may masama tayong karanasan sa ibang tao sa halip na magkimkim tayo ng galit at sama ng loob. Tandaan natin na ang magpatawad ay nakabubuti hindi lang sa taong pinatawad kundi sa tao ring nagpapatawad.  At panghuli, piliin natin na isipin ang mga bagay na mabuti.  Kung magagandang bagay ang nasa loob natin, magagandang pananalita ang lalabas sa ating bibig.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang Sulat sa mga taga Efeso: "Let no corrupting talk come out of your mouths, but only such as is good for building up, as fits the occasion, that it may give grace to those who hear." 

Nais ko sanang bigyan pa ng pansin ang pangalawa:  alamin ang katotohan!  Noong nakaraang pagdiriwang ng ika-36 na anibersaryo ng EDSA PEOPLE POWER ay kasabayang naglabas ang ating mga obispo ng "pastoral letter" na pinamagatang "The Truth Will Set You Free" hango sa ebanghelyo ni San Juan (Jn 8:32). Sa anong kadahilanan? Sapagkat nababahala ang mga pastol ng ating Simbahan sa paglaganap ng "Pandemya ng Pagsisinungaling."  Sobrang dami na kasi ng mga kasinungalingang kumakalat sa internet.  Mag-ingat ka at baka isa ka na sa mga nabibiktima nito.  Kung minsan ang bilis nating naniniwala sa mga nababasa natin sa Facebook, o napapanood sa YouTube at Tiktok! Paniwalang-paniwala tayo na totoo ang ating mga nakikita at naririnig at hindi natin namamalayang nabiktima na pala tayo ng fakenews!  

Kaya nga ang panawagan ng ating mga obispo ay isang masusing pagsusuri ng ating mga sarili: "Let us examine ourselves. Perhaps, we too, sow the virus of lies. which spreads wildly and numbs our consciences.  This virus paralyses our capacity to recognize God, respect truth and goodness."  Kaya nga't sa praktikal na pamamaraan ay tinatawagan tayo ng Simbahan na sanayin ang ating sarili sa pagtangkilik sa katotohanan at iwasan natin ang pagsisinungaling!  Ang sukatan ng pagiging mabuting tao ay ang kanyang pagiging totoo sa salita at gawa!  Huwag nating ituring na maliit na bagay ang pagsisinungaling sapagkat ang sabi nga ay ang kapatid ng sinungaling at magnanakaw!  Ang nais lang naman ng ating mga obispo na gawin natin ay saliksikin ang katotohanan: "Let us diligently seek the truth that we may do what is right ang avoid evil."  

Tandaan natin na makapangyarihan ang salita.  Ngunit ang salitang ito ay dapat nababatay sa katotohanan at hindi kasinungalingan.  Mamuhay tayo sa katotohanan sa salita at gawa!




Walang komento: