Advanced Valentines Day sa inyong lahat! Bukas ang Araw ng mga Puso... Feb 14. Pero may nagsabi sa akin na ang Valentines daw ay hindi 2-14. Kundi ito ay 3-16. Hindi nito tinutukoy ang petsang March 16 kundi ang nakasulat sa Ebanghelyo ni San Juan, 3:16. Ito daw ang tunay na kahulugan ng Valentines: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Sa ingles ay mas makikita natin ang VALENTINE sa talatang ito... literally!
Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "sacrificial love" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak. Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan! Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal. Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama... hindi lang ang mga banal ngunit gayun din ang mga makasalanan. Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love. Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba. Ang mga taong marunong magpakita nito ay ang mga taong tunay na "mapapalad."
Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging mapalad sa mata ng Diyos? Ang binasa nating Ebanghelyo ngayon ay ang tinatawag nating "The Beatitudes" o ang Mga Mapapalad. Sa pamantayan ng mundo ay tila baga katawa-tawa ang mga salitang binitiwan ng Panginoong Jesus. Ganito kasi mag-isip ang mga taong makamundo: Kaaw-awa ang mga nagdadalamhati. Kaaw-awa ang mga mahihirap. Kaawa-awa ang mga nagugutom... Sapagkat ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo! Ngunit iba ang pag-iisip ng Diyos. Para kay Jesus: mapalad ang mga dukha. Mapapalad ang ma nagugutom. Mapapalad ang mga tumatangis... Parang namang katawa-tawa naman ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung ating pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa sa pamantayang makamundo ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad." Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan.
At ito nga sinabi ni Propeta Jeremias sa unang pagbasa: "Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Poon, pagpapalain ang
umaasa sa kanya. Ang katulad niya'y
halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa
tubig; hindi ito manganganib kahit
dumating ang tag-init, sapagkat
mamamalaging luntian ang mga
dahon nito, kahit di umulan ay wala
itong aalalahanin; patuloy pa rin
itong mamumunga." Hindi ba't napakapalad ng gayong mga tao?
Lagi nating pakatandaan na hindi ang mundong ito ang sukatan ng ating pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan. Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili. Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot. Ang magmahal o manghamak ng kapwa. Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin. Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad sa ating buhay.
Ang panahong ito ng pandemya ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang ipakita kung kaya ba nating maging "mapapalad." At tulad ng anumang pagsubok ay inilalabas nito sa tao ang mabuti at ang masama sa kanya. Sino ba ang mga taong tunay na masasaya? Hindi ba't ang mga taong sa kabila ng kanilang hikahos na pamumuhay ay nagawa pang tumulong sa iba? Bumabalik sa isipan ko yung mga oridnaryong taong nagbigay sa mga "community pantries" sa kabila ng kanilang kakulangan sa buhay. Mababakas mo sa mga mukha nila ang tunay na kaligayahan. Malaking kabaliktaran naman sa mga taong nagsamantala at gumamit sa pandemyang ito upang magkamal ng kayaman, hindi ba't sila ang nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso na isasampa sa hukuman?
Magmahal tayo na may kasamang sakripisyo. Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay. Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap.
Kaya nga't para sa isang Kristiyano, ang simbolo ng pag-ibig ay hindi ang puso kundi ang krus. Bakit? Sapagkat ang puso ay tumitigil sa pagtibok, samantalang ang nakapako sa krus ay PATULOY SA PAGMAMAHAL. "The measure of love is to love without measure!" At ito ang pakahulugan ng pagiging tunay na mapalad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento