Sabado, Pebrero 5, 2022

MAMAMALAKAYA NG MGA TAO: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 6, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Mayroong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na naglalakad sa kalsada at nakakita sila ng isang batang pulubi na buto't balat ang katawan.  Naawa sila at nangako silang tutulungan ang bata at magbigay ng maaari nilang ibahagi sa bata.  Sabi ng manok... "ako nangangakong magbibigay ng aking itlog araw-araw!"  Ang sabi naman ng baka... "ako naman nangangakong magbibigay ng aking gatas tuwing umaga!"  At natahimik ang baboy.  Naisip niya: "Wala akong itlog na maibibigay.  Lalo namang hindi siya umiinom ng gatas ng baboy... anong ibibigay ko?"  Ang sabi niya sa dalawang kaibigan.  "Hindi ko kayang magbigay ng itlog at gatas pero may maibibigay ako na kapag ginawa ko ay katapusan ko na!  Puwede kong ibigay ang aking buong PAGKABABOY!" 
 

Ang tawag sa ganyang uri ng pagbibigay ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at  Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhan ang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. 

Ang pagtawag na ito ay nangangailangan ng agarang pagtugon sa kabila ng ating kakulangan at hindi pagiging kaapat-dapat.  Tulad ito ng pagtawag kay Propeta Isaias sa unang pagbasa. "Narinig ko ang tinig ng Panginoon,'Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?' Sumagot ako, 'Narito po ako. Ako ang isugo n'yo!"  Nagpapatuloy ngayon ang pagtawag na ito sa mga hinirang ng Diyos na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod.  Nabiyayaan ang Simbahan ng mga kalalakihan at mga kababaihan na nagtalaga ng kanilang sarili upang maging mamamalakaya ng Panginoon.  Ngunit sa kasalukuyan, sa paglipas ng panahon at mabilis na pagbabago ng kultura a teknolohiya, ay unti-unting nababawasan ang bilang ng mga taong ito.  Nangangahulugan ito ng mas malawakang pagtawag at pagtugon.

Sa pagdiriwang natin ng ika-500 taon ng ating pananampalatayang Kristiyano ay pinaalalahanan tayo na tayong lahat ay tinatawag din ng Panginoon.  Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre.  Ito ay pagtawag sa ating lahat sapagkat tayong lahat ay hinirang ng Diyos bilang kanyang mga alagad!  Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang magbigay saksi tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kanyang biyayang pagliligtas.  Ito ang paalala sa atin ng turo ng ating Simbahan:  "Incorporated into Christ's Mystical Body through baptism, and strengthened by the power of the Holy Spirit through confirmation, the laity are assigned to the apostolate by the Lord himself."  

Ito ang kahulugan ng ating pagiging "mamamalakaya ng tao".  Lahat tayo ay may pananagutang maging "misyonero" para sa iba.  Kaya nga ang tawag sa taong ito ay YEAR OF MISSIO AD GENTES.  Ang ating misyon ay para sa mga tao, para sa ating kapwa, para sa bawat isa!  At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito.  Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan.  Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo.  Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos?  Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa?  

Isang malaking hadlang para maisakatuparan ang  misyong ito ay ang pag-iisip lamang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat.  Sa kabila ng ating kakulangan ay mas tumitingkad ang kapangyarihan ng Diyos na siyang nagpupuno sa ating pagkukulang.  

Kung nababatid natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi lamang para sa ating sarili kundi ito ay para sa Diyos.  Tayong lahat ay tinatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.

Walang komento: