"Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema. Isang araw, pag-uwi ni mister sa bahay, sinabi niya kaagad sa kanyang aligagang misis, na tila baga may nais na mahalagang sasabihin, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin ha? Walang sasabihing bad news na dapat sasalubong sa akin. Hapong-hapo na ako sa maghapong trabaho." Sagot ng misis: "Alam ko ang bilin mo... Walang badnews di ba?" Tahimik namang nakinig si mister. "Mahal, di ba apat yung anak natin? Good News... isa sa kanila ay negative sa Omicron!" pagbabalita ni misis."
Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh. "Bago ka ipinaglihi, kilala na
kita. Bago ka ipinanganak, itinalaga
kita sa akin upang maging propeta
sa lahat ng bansa." Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao. Gayunpaman, wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. "Magpakatapang ka: humayo ka
at sabihin mo sa kanila ang lahat ng
iuutos ko. Huwag kang matatakot sa
kanila ngayon... Hindi ka nila matatalo
sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo.
Akong Panginoon ang nagsasabi
nito."
Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan. Alam n'yang hindi magiging maganda ang pagtanggap sa kanya: "Tandaan ninyo:
walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan!" At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya!
Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos kahit na ito ay hindi maganda sa pandinig ng mga tao. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Kapag lumalapit na ang eleksiyon ay laging nakakatanggap ang Simbahan ng kritisismo kapag nagpapangaral na siya tungkol sa tamang pagpili ng mga kandidato. Ang sasabihin agad ay "Ayan... namumulitika na naman ang Simbahan!" Kapag nangangaral na siya tungkol sa kasamaan ng pagnanakaw, korapsiyon at maling pamamalakad ng pamahalaan ay sasabihin ng ilan na nangingialam ang Simbahan o sumasawsaw na naman sa usaping panlipunan. Nalala ko ang sinabi ng ating mga obispo noong kasagsagan ng War on Drugs, nung taong 2019, na kung saan ay kaliwa't kanan ang tokhang at extra-judicial killing:
“As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'"
Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false o fake news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media. Ang iba sa atin ay agad-agad nagpapaniwala sa mga napapanood sa Youtube o nakikita sa Facebook at hindi man lamang pinag-iisipan kung totoo ba ito. Lalo ngayong panahon ng eleksiyon, sangkatutak na kasinungalingan ang pinapakalat sa mga internet at madali tayong mabibiktima kung hindi tayo mag-iingat! Nangyari na ito dati at maaaring mangyayari na naman ngayon kung hindi tayo matututo sa pagkakamali ng nakaraan.
Matapang nating salungatin ang mga kamaliang ating nakikita. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang propeta. Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Ito ay misyon para sa lahat na ipinagkatiwala sa ating lahat. Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan ang kasamaang ating nakikita sa ating lipunan.
At naririyan pa rin sa kasalukuyan ang maraming usapin tulad ng divorce, same sex-mariage, abortion, at iba pang social issues . Kailanman ay hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang mga maling aral kahit siya na lamang mag-isa ang naninindigan dito. Halimbawa ay ang divorce bill na isinusulong ngayon sa kongreso. Ang pagsasama ng mag-asawa na pinagbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado. May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay. Ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban. Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito. May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan.
Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan... ang manindigan sa katotohanan! Ito ang ating Kristiyanong pagsaksi. Ang tunay na propeta ay nanininigan sa katotohanan kahit mag-isa na lamang siyang nakatayo: stand for what is right even if you stand alone! Ang sabi nga isang quote na nabasa ko: "Wrong is wrong even if everyone is doing it. Right is right even if only you are doing it!" Hindi dapat tayo badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging maging "GOODNEWS!" Tandaan nating lahat na ikaw at ako ay tinatawag ni Kristo na maging tunay na PROPETA.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento