Ngayon ay ika-9 ng Enero, Kapistahan ng Pagbibinyag ng Panginoon. Ngunit ipinagdiriwang din natin ngayon ang kapistahan ng TRASLACION ng Poong Nazareno. Noong nakaraang mga taon ay nasaksihan natin ang maladagat na mga tao na sumasama sa pagdiriwang na ito. Bago tumama ang pandemya ay puno ng ingay at saya ang paligid ng simbahan ng Quiapo. Ngayong panahon ng pandemya ay dalawang taon ng tahimik ang lugar. Walang ingay. Walang saya. May mga pulis na nakabantay upang harangin at paalisin ang mga debotong magtatangkang magtipon-tipon sa paligid ng simbahan. Nakakalungkot ngunit ito ang isa sa mga masamang naidulot ng Covid19 sa ating pananampalataya.
Ang Traslacion ay ang ang taunang paggunita sa paglilipat ng Imahe ng Poong Nazareno mula sa Luneta patungong Simbahan ng Quiapo. Hindi ito ang Kapistahan ng Nazareno, sapagkat ang paggunita sa paghihirap ni Jesus ay ginagawa natin tuwing Biyernes Santo. Hindi rin ito kapistahan ng Quiapo sapagkat ang patron ng Simbahan ng Quiapo ay si San Juan Baustista. Ito ay isang malaking pagdiriwang na may anyong kapistahan dahil sa dami ng mga debotong nakikibahagi taon-taon. Saan ka nga ba naman makakakita ng uri ng pananampalatayang ipinakikita ng mga deboto ng Poong Nazareno? Mahigit isang milyong taong parang along sumasabay, dumuduyan at nagpapagalaw sa andas ng Poong Nazareno. Hindi maikakaila ang mga tunay na debotong nabiyayaan ng Kanyang mahimalang tulong. Hindi rin maikakaila ang maraming taong binago ang buhay ng Poon. Mula sa magulong buhay tungo sa mapayapang pamumuhay, mula sa pagiging makasalanan tungo sa kabanalan, lahat sila ay may magandang kuwentong maibabahagi sa pakikipagtagpo nila sa Poong Nazareno. Sila ang mga debotong namamanata sa Poon.
Ngunit kung may mga tunay na deboto ay mayroon din namang mga "debote" kung tawagin. Sila naman ang nag-aakala na ang pagsunod sa Nazareno tuwing "traslacion" ay sapat na upang matanggal ang kanilang kasanalan kaya't pagkatapos ng kapistahan ay balik uli sa dating pag-uugali at buhay... "debote" uli! Wala silang pinagkaiba sa mga "kristiyanong paniki" kung tawagin.
Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!"
Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking winisikan ng tubig! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang. Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano?
Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan.
Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi ng kasalanan! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos.
Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay inampon tayo ng Diyos bilang mga tunay na anak at kapatid ni Jesus at isabuhay natin ang ating pangako na tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na anak ng Diyos. Ikalawa, ang ating binyag ay pagsisimula ng ating misyon bilang mga anak ng Diyos na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba.
Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano. Sana hindi lang tayo mga "Kristiyanong Paniki". Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama! Ngayong tayo nasa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Ating Pananampalatayang Kristiyano ay ipakita natin ang isang pananampalatayang punong-puno ng buhay! Isang pananampalatayang masigasig at napapatunayan sa gawa. Isang pananampalatayang may pakialam sa mga nangyayari sa ating lipunan at nagtataguyod na mga saksi ng Simbahan. Isang pananampalatayang kinalulugdan ng Ama sa Kanyang mga anak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento