Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa Tondo, na kung saan ako ay lumaki, ang Sto. Nino ang nakagisnan kong Patron bago kami lumipat sa Bo. Magsaysay na sakop na ng Parokya ni San Juan Bosco noong ako ay nasa unang taon ng aking high school. Tandang-tanda ko pa ang kasiyahan ng kapistahang ito lalo na't ang mga bata ang bida sa mga nakakaaliw na mga palaro na isinasagawa sa mga kalsada sa araw ng pista. May mga patimpalak at palabas sa mga entablado na kinagigiliwan ng marami sa bisperas ng kapistahan. Siyempre ang pinakaabangan ng marami ay ang napakahabang street dance na punong-puno ng kulay at ingay! At higit sa lahat, hindi kumpleto ang pista kung hindi ka magsisiba at sasama sa prusisyon na dala-dala mo ang personal mong imahe ng Sto. Nino.
Ngunit ngayong kapistahang ito, katulad noong nakaraang taon, ay tahimik na namang magdiriwang ng kapistahan ang mga taga-Tundo. Walang kainan at inuman sa kalsada, walang street dance, walang mga programa, walang palaro para sa mga bata, walang prusisyon, walang face-to-face na misa... muling ipinagbawal ang mga ito dahil sa banta ng Omicron variant ng Covid. Patuloy na naman kasing tumataas ang bilang ng mga nagkakaroon nito. Ayon sa latest update, ang sabi sa balita ay umabot na ng 39,004 ang bilang ng mga bagong kaso kahapon, January 15. Kaya nga hindi imposible na umabot ito ng mahigit 50,000 sa isang buwan.
Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napakalapit sa puso nating mga Pilipino. Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto. Nino. Bahagi ito ng ating kasaysayan. Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero noong unang dumaong sa ating isla. Nasa taon tayo ng pagdiriwang ng ika-500 taong anibersayo ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa at kasama nito ay ang pag-alala sa pagbibigay sa atin ng imaheng ito ng Banal na Sanggol.
Maraming kapistahan ang Panginoong Hesus na ating ipinagdiriwang. Ang pinaparangalan natin sa kapistahang ito ay ang kanyang Banal na Pagkabata. Kaya nga tawag din sa kapistahang ito ay HOLY CHILDHOOD DAY. Pinapaalala sa atin na ang ating Panginboong Hesus, katulad nating mga normal na tao, ay dumaan din sa pagkabata. Kaya nga, ang ating binasang Ebanghelyo ay ang isang tagpo sa kanyang buhay pagkabata, ang pagkawala ay pagkatagpo kay Jesus sa templo na pinagninilayan natin sa ikalimang Misteryo ng Tuwa sa Sto. Rosaryo. Medyo nagpasaway pa nga si Hesus sa kanyang mga magulang ng humiwalay ito sa kanila para lamang matagpuan sa loob ng templo pagkatapos ng tatlong araw at marinig ang pangangatwirang: "Bakit po ninyo ako
hinahanap? Hindi ba ninyo alam na
ako'y dapat na nasa bahay ng aking
Ama?"
Ang kapistahan ng Banal na Sanggol ay nagsasabi sa ating tumulad sa mga bata. Hindi mag-ugaling bata kundi isabuhay ang magagandang katangian ng isang bata... to be childlike and not childish! Ano bang katangian ang taglay nila?
Una ang kanilang KAKULANGAN o kawalang kakayahan. Tulad nga ng sinabi ng kanta ng Apo Hiking Society: "Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malaman at intindihin sa mundo..." Ngunit ang kahinaang ito ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano, ang PAGTITIWALA. Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang. Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay. Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos! At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.
Ang pagtitiwala sa magpagkalingang awa ng Diyos ay dapat din nating isabuhay ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay marami sa ating mga kababayan ang patuloy na naghihirap. Ang pagkapit sa Diyos ang tanging makapagbibigay sa atin ng pag-asa upang magpatuloy sa ating buhay. Hindi Niya tayo iniwanan. Hindi Niya tayo pinababayaan. Siya ang Diyos na sumasaatin at namuhay na kasama natin.
Pangalawa ay ang KAPAYAKAN at pagiging totoo sa sarili. Ang isang bata ay walang arte sa kanyang sarili, payak... simple! Kung may mga bata mang maarte sa buhay ay sapagkat natutunan niya iyon sa mga nakatatanda. Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali. Ang matatanda ay laging "in denial" sa kanilang mga pagkukulang. Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili. Kaya nga't kakambal ng kapayakan ay ang pagpapakumbaba na kung saan ay kaya nating ibaba ang ating kayabangan at aminin ang ating mga pagkukulang at kamalian.
Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating magtiwala sa Diyos at maging mapagkumbaba sa Kanya.
Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang taon. Hindi lang pandemiyang dala ng COVID19 ang nagpahirap sa atin. Tinamaan din tayo ng mga bagyo, pagbaha at paglindol. Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian. Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay. Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at kabutihan ng ating mga kababayan. Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at patuloy pa rin ang pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati. Huwag din tayong matakot tumulong at magbahagi. At tandaan natin na kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. Maging mapagkumbaba tayo sa pagtulong sa iba.
Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian taglay nila. Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos. Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga. Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino. Tayo ay nasa Kanyang mapagpalang kamay. Hindi Niya tayo pababayaan.
Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento