May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Lola... mamamatay ka na ba?"
Kung ating pag-iisipan ang sinabi ng bata ay may makikita tayong katotohanan. Marami sa ating mga Kristiyano ay naisasantabi ang Bibilya at hindi na napapahalagahan ito sa ating buhay espirituwal. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may plastic cover pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga kang tapusin ang libro ng paborito mong nobela o kaya naman ay wala kang sawa sa pagdodownload at pagbabasa ng mga e-books ay bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi mo matagalang basahin?
May ilan sa atin, lalo na sa mga kabataan ngayon, na hindi mo maihihiwalay ang smart phones sa kanilang buhay. Ikamamatay nila kapag tinanggal mo ito. Pagtulog at paggising sa umaga ay dapat katabi nila ang kanilang smart phones. Ano kaya kung ituring nating parang smart phones ang ating Biblia sa bahay? Sabi nga ng isang post na nakita ko sa FB: "What if we... carried it with us everywhere?.... turned back to go get it if we forgot it?... checked it for messages throughout the day?... used it in case of emergency?... spent an hour or more using it each day?" Ang problema, marami sa atin na mas mahal ang cellphone kaysa Bible! Aminin!!!
Ano ba ang Biblia para sa ating mga Krisitiyano? Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Kaya nga maaaring sabihing ito ang Love Letter ng Diyos sa atin. Ipinahahayag nito ang kanyang kalooban sa atin kung paanong sa ating Ebanghelyo ay ipinahayag ni Jesus ang Mabuting Balita sa lahat lalong-lalo na para sa mga mahihirap. "Sumasaakin ang Espiritu
ng Panginoon, sapagkat hinirang
niya ako upang ipangaral sa mga
dukha ang Mabuting Balita. Sinugo
niya ako upang ipahayag sa mga
bihag na sila'y lalaya, at sa mga
bulag na sila'y makakikita; upang
bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
at ipahayag ang pagliligtas na gagawin
ng Panginoon."
Kaya para sa ating mga Kristiyano ang Biblia dapat ay GOOD NEWS! Hindi bad news at lalong-lalong hindi fake news! Sa panahon ngayon ng pandemya ay marahil ay kailangan natin ang mabubuting balita at hindi masasama o mali-maling balita upang mabigyan ang mga tao ng pag-asa. Kaya nga dapat ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Maglaan tayo ng oras para dito. Kapag tayo ay nagdarasal, tayo ay nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Idulog natin sa Diyos ang mga kahirapang nararanasan natin ngayon panahon ng pandemya at humugot tayo ng lakas at pag-asa sa kanyang mga Salita. Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pahahangain ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa at sa kaluluwa ng iba!
At panghuli, subukan din nating ibahagi ang Salita ng Diyos sa ating kapwa. Ito ang ating pagiging misyonero sa ating maliit na paraan. Sa ika-500 Taon ng Pagdiriwang ng Anibersaryo ng ating bansa ay hinihikayat tayong magbahagi. "We are gifted to give." Naipahayag sa atin ang Mabuting Balita. Taas noo nating sinasabing tayo lamang ang Kristiyanong bansa sa Timog-Kanlurang Asia. Tayo lamang ang nabibiyaan nito. Kaya't malaki rin ang inaasahan sa ating magbahagi ng mabuting balita ni Kristo. Ang pananampalatayang mayroon tayo ay regalong galing sa Diyos, at ito rin ang regalong nais Niyang ibahagi natin sa iba. Kung maraming oras tayong kayang sayangin sa mga walang kuwentang bagay o mga gawain na hindi naman talaga mahalaga, bakit hindi natin gugulin ang ating oras sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbabahagi nito. Sa panahon ngayon na kung saan ay maunlad na ang teknolohiya ay dapat nating isabay ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Gamitin natin ang mga makabagong paraan tulad ng internet at social media upang mas marami pa ang marating ng Kanyang Mabuting Balita. Basahin, pagnilayan, isabuhay at ipamahagi natin ang Salita ng Diyos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento