Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo. Kapag ako ay gumagawa ng panayam para sa kasal ay labis kong kinaaaliwan ang bahagi na kung saan ay nagtatanong ako ng mga hypothetical questions. Nagsisimula ito sa katagang "kung saka-sakaling bago kayo ikasal ay matagpuan mo na ang asawa mo ay... itutuloy mo pa ba ang kasal?" Halimbawa: may anak na siya sa iba, isa siyang drug addict, lasenggo, sexually pervert, bakla na may karelasyong lalaki, o tomboy na may karelasyong babae, manyakis... May mga ilan na ang sagot sa lahat ay "Opo Father..." Kapag tinanong ko kung bakit n'ya pa rin papakasalan, ang sagot sa akin ay "kasi Father, mahal na mahal ko s'ya!"
Naisip ko tuloy na kung ganito tayong mga tao mag-isip ay paano pa kaya ang Diyos? Mahal na mahal tayo ng Diyos at ang pagmamahal na ito ay walang pagtatangi. Ibinigay ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak upang matubos ang lahat sa pagkakasala. Nag-alay ang Anak ng Diyos ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay maligtas sa ating pagkakaalipin sa kasalanan. Ang kanyang pagmamahal ay para sa lahat, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan. Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos! Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao. Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing. Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan.
Kaya nga't ang sinabi ni Hesus na: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!" ay hindi imposible kung pagbabatayan natin ang pamantayan ng Diyos sa pagmamahal. At para bigyan ito ng malinaw na paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit. Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro! Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal. Isang magandang paalala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti. Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid. Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi). Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!"
Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob? Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha. Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso. Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito. Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!" "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento