May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya. Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos. Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!" Kaya't masama ang pumatay!" Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!" Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw! Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!" "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki. Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid! Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!" Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hindi na ata tama yan! Sumusobra ka na! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo 'kong pakiaalaman!"
May nabasa akong mga post sa FB para mga mahilig makialam sa buhay ng iba: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?" Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!" May mga tao kasing kina-career na ang pakikialam sa buhay ng iba. Nauso ang mga Marites, Marissa, Mariposa at iba pa na pareho lang ang tinutumbok: ang pakialaman ang buhay ng iba!
Kung ganun, masama ba ang pakikialam? Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti! Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo. Masama ba ang mayaman dahil sa nilait niya si Lazaro? Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman. Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan. Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro. Wala siyang ginawa upang maibsan, kahit kaunti lamang, ang paghihirap ng isang tao. Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti. Ang tawag sa ganitong uri ng pagkakasala ay sin of omission. May mga kasalanan tayong naako dahil sa ating pagtahimik at hindi pagkilos sa kabila ng ating kakayahang makagawa ng mabuti.
Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin. Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak. Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan: "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16) Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan. Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM! Tandaan natin na tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.
Ano ang hinihingi nito sa atin? Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa. Ang tawag din dito ay fraternal correction. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama. Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan. Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos. Hindi siya maaaring manahimik kapag nayuyurakan ang karapatang pantao o ang dignidad ng isang tao lalo na ang mga walang kalaban-laban at mahihirap. Naniniwala ang Simbahan na sapat lamang na isang mabuting Kristiyano ang manahimik sa harap ng maraming pagkakamali, at ito ay sapat na upang lumaganap ang kasamaan sa mundo.
Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap. Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila. Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito? Ang sabi ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have." Huwag sanang maging manhid ang ating budhi sa pangangailangan ng iba. Huwag tayong maramot sapagkat kung ano man ang mayroon tayo ay galing naman ang mga ito sa Panginoon. Sa katunayan ay katiwala lamang tayo ng mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.
Ikatlo, makialam din tayo para sa kapakanan ng ating kapaligiran, ng ating mundo, na siyang ating nag-iisang tahanan, "our common home!" Ang pakikialam na ito ay dapat magdala sa atin sa tamang "Ecological Education" na kung saan ay pinalalalim natin ang ating kaalaman sa tamang ugnayan natin sa sangnilikha sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay at pagsasabuhay ng ating tungkulin bilang mabuting katiwala ng Panginoon. Kasama rin dito ang pagpapalganap ng kamalayang ekolohikal at mapagpapabagong pagkilos upang mapahalagahan at mapangalagaan natin ang mga nilikha ng Diyos. Makialam tayo kung nakikita natin ang unti-unting pagsira ng ating kalikasan at kapaligiran. Ito'y nangangailangan ng ating sama-samang pagkilos upang manindigan sa ating pagiging katiwala ng Panginoon.
Sa padiriwang ng Panahon ng Paglikha, magkaroon tayo sana tayo ng mabuting pakikialam upang pangalagaan ang kalikasang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Magkaroon tayo ng MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa! Isang pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa mga kamaliang nakikita natin sa ating paligid. Isang pakikialam na may malasakit sa kapakanan ng mga mahihirap.
Tanungin natin ang ating mga sarili: Isa ba ako sa mga nasasa-walang kibo o walang pakialam kapag nilalapastangan ang ating kalikasan o ang ating mundong tahanan?