Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Halimbawa ang kuwentong ito: Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na ganito ang sinasabi: "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box!
May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Hindi pinuri ni Jesus ang pandarayang ginawa niya. "Pinuri ng Panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito." Alam nating walang pandaraya sa bokabularyo ng isang tagasunod ni Kristo. Bakit dapat tayong maging matalinong katiwala ni Kristo? "Sapagkat amg mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa maka-Diyos." Ang nais niya lang bigyang diin ay dapat tayo rin, bilang mga Kristiyano, ay matalino pagdating sa mga espirituwal na gawain at alalahanin. At paano tayo magiging matalinong Kristiyano? Ang isang matalinong Kristiyano ay dapat may takot sa Diyos!
Ang sabi sa aklat ng Ecclesiastico: "Ang takot sa Panginoon ay Karunungan at kaalaman. (Ecc. 1:27) Kung bakit laganap ngayon ang masasamang gawain o kaya naman ay nasasadlak ang ating lipunan ngayon sa problema ng droga at maraming imoral na gawain ay sapagkat marami na sa atin ang walang takot sa Diyos! Sapagkat ang taong may takot sa Diyos ay unang-una, may pagpapahalaga sa kanyang buhay. Hindi s'ya gagawa ng mga bagay na makasisira sa kanyang katawan at kaluluwa at katawan tulad ng pagkalulon sa bisyo. Ngunit marami pa rin sa atin ang hangal sapagkat pagkatapos ng maraming paalala at pangaral ay tuloy pa rin sa labis na paninigarilyo, pag-inom at paggamit ng salot na droga!
Pangalawa, ang Kristiyanong may takot sa Diyos ay may pagpapahalaga rin sa buhay ng iba! Alam niya na ang tao ay hindi parang lamok na puwede mong patayin kapag nakita mong dumapo o kahit nagbabalak pa lang na dumapo sa 'yo! Isipin sana ng mga gumagawa nito na ang mga taong kanilang pinapatay ay may pamilya rin, may asawa, anak at mga mahal sa buhay na kanilang maiiwan. Ang mga taong nagsasagawa ng "extra-juducial killing" ay masasabi nating mga taong walang takot sa Diyos!
Pangatlo ang mga taong walang takot sa Diyos ay hindi sumasamba at nagmamahal sa Kanya. Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras at pera sa gimik at galaan, sa computer, o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba t pagkakawang-gawa. Tayo ay katiwala lamang ng mga biyaya na Kanyang kaloob.
Isama na rin natin ang matalinong pagggamit ng biyaya ng kalikasan na kanyang ipinagkaloob sa atin. Kung ituturing lamang nating iisang tahanan, "Our Common Home" ang mundong ating tinitirhan ay marahil mas magiging matalino ang ating pag-aalaga dito. Hindi tayo gagawa ng anumang bagay o desisyon na makakasira sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon. Hindi natin hahayaang maghari ang kasakiman at kayabangan na nagsasabing: "Akin lang ang mundong ito at gagamitin ko ito sa nais kong pamamaraan!" Maging matalino sana tayo at lagi nating isiping mga katiwala lamang tayo sa kaloob ng Diyos. Kung may angkin tayong kayamanan, talino at galing, ay isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkaka-tiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus.
Ang ikatlong Linggo ng Panahon ng paglikha ya nanawagan sa atin na ugaliin ang isang simple at sustinableng pamumuhay na nakaugat sa kasapatan. Ipinangako ng Diyos na ang
lahat na Kaniyang nilikha ay sapat para sa lahat na mabuhay sa sustenableng pamumuhay. Ang kasalukuyang mga paghihirap na ating nararanasan ay madalas bunga ng maling paggamit ng
mga teknolohiya na dikta ng maaksayang istilo ng pamumuhay na lubos na nagpapahalaga sa mga bagay na materyal at nagtutulak sa tao sa kasakiman at pagkamakasarili. Marami sa atin ang
nangangarap ng mas simpleng buhay – isang buhay na walang kaguluhan. Ang simpleng buhay ay maaaring simulan sa paglingon sa Diyos at pag alis ng
anumang espirituwal na paghahangad na nagdudulot ng kasakiman sa ating buhay. Ang paghahangad ng simpeng buhay ay maghahatid sa atin ng tamang pagpapahalaga sa mga bagay na kaloob sa atin ng Diyos lalong-lalo na sa biyaya ng kalikasan.
Huwag tayo maging bobong Kristiyano. Sa halip ay i-level up natin ang ating pagiging alagad n ni Kristo. Gamitin natin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na matatalinong katiwala ni Kristo! Tanungin natin ang ating mga sarili: Nabubuhay ba akong payak na may pagpapahalaga sa mga nilikha ng Diyos?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento