May isang pari sa isang parokya na binansagang "Padre Kuliling". Hindi dahil sa may pagkakulang-kulang s'ya kundi dahil sa kanyang kakaibang 'gimik" kapag siya ay nagpapakumpisal. May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog ng bell. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang sunod-sunod na tunog ng kampana... "Booong! boong! bong! booong!"
Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Pansinin natin ang sinabi sa talinhaga na ang ang pastol ang naghanap sa kanyang nawawalang tupa. Gayundin ang ang babae ang masusing naghanap sa kanyang nawawalang salaping pilak.
Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay pinagtitiyagaan ng Diyos! Lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Ang Banal na Kasulatan, mapaluma o bagong tipan ay punong-puno ng mga paglalarawan ng pagkamahabagin ng Diyos sa mga makasalanan. Sa Ebanghelyo ay may mga tagpo na kung saan ay ipinapakita ang pagkiling ng Diyos sa mga kasalanan. Naririyan ang pagpasok ni Jesus sa bahay ni Zakeo at pakikisalo sa kanila sa hapag kainan. Naririyan din ang tagpo ng babaeng makasalanang lumapit sa kanyang paanan upang hugasan ang kanyang paa ng luha bilang tanda ng kanyang pagsisisi at marami pang kaparehong tagpo. Lahat sila ay nagpapakitang may pagkiling ang Diyos sa mga makasalang handang magsisi at magbalik-loob sa kanya. Siya ay puno ng pagpapasensiya at pagpapatawad sa kabila ng katigasan ng ating puso.
Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Pagbabalik-loob, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Ano ang pumipigil sa iyo para magsisi at lumapit sa kumpisalan? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi at alam Niya ang iyong kahinaan at kakulangan. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..."
Kung ang Diyos ay mapagpasensiya sa atin ay dapat tayo rin ay maging mapagpasensiya sa ating mga sarili. "Be patient because God is patient with you." May tatlong hakbang para makamit natin ang kapayapaan sa ating mga sarili: pag-amin sa ating pagkakamali, pagpapasensiya at pagpapatawad. Ito ay totoo sa usapin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos para sa kanyang mga nilikha. Hanggat wala tayong pag-amin sa patuloy nating pagsira sa mundo ay hindi natin maisasaayos ang mga suliranin natin sa pagpapanatili nito bilang ating tahanan. Ang ikalawang Linggo ng Panahon ng Paglikha ay nanawagan sa ating harapin ng buong tapang ang "ecological crisis" na gawa ng pagpapabaya nating mga tao sa pag-aalaga sa ating inang kalikasan at nag-aanyaya sa ating pairalin ang isang responsableng "ecological economics" na naglalayong pairalin ang maayos na pagpapatakbo ng ating kabuhayan na hindi nagdudulot ng pagkasira ng ating mundo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsableng katiwala ng Diyos sa kanyang mga nilikha.
Pakinggan natin ang panaghoy ng ating kalikasan na siyang tinig ng Diyos na naghahanap sa atin upang muli tayong ibalik sa tamang landas ng pagiging mabuting katiwala ng mundo. Huwag nating kalilimutan na ang Diyos ay laging handang tumanggap sa atin sa kabila ng marami nating pagkakamali at pagkukulang. Huwag tayong masiraan ng loob. Sa halip ay magkaroon tayo ng tapang na harapin ang ating kasakiman kayabangan at pagiging makasarili.
Tanungin ang ating mga sarili: Pinakikinggan ko ba ang tinig ng Diyos na nanawagan sa aking alagaan ng mabuti ang kanyang mga nilikha?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento