Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of Creation. Ang Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak. Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan.
Ano ba Panahon ng Paglikha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin. Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari. Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang. Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay. Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!" Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan. Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan. Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!" Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan! Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito! Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha.
Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God". Dahil mahal Niya tayo kaya't nagtitiwala Siya sa bawat isa sa atin na pangangalagaan natin ang kanyang mga nilikha. Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya. Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko." Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan! Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay? Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin sa pag-aalaga ng ating kapaligiran!
Ang tapat na katiwala ng Panginoon ay marunong makinig at umunawa. Marunong siyang makinig sa panaghoy ng kalikasan na unti-unting sinisira ng taong dapat ay nangangalaga sa kanya. Napakaraming "environmental destruction" na nangyayari sa kasalukuyan tulad ng pagpuputol ng mga puno sat pagtitibag ng kabundukan, pagtatapon ng plastik sa karagatan, pagtatambak ng mga basura sa daanan at marami pang pagpapabaya at pagsira na ating ginagawa sa mundo na dapat ay tinuturing nating "common home" o nag-iisang tahanan. Alagaan natin ang mundong ating tahanan at siya naman siguradong mag-aalaga sa atin. Piliin lang nating makinig sa halip na magwalang bahala.
Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa. Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!" Maglingkod tayo sa Diyos at sa kanyang mga nilikha, bilang kanyang mga tapat na katiwala, na may pagmamahal. Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo. Handa dapat nating talikuran ang ating nakagawiang pag-uugali kahit na ito ay mahirap. Magkaroon tayo ng "metanoia" o pagbabago ng isip, puso at kahit ng ating dating pagkatao. Maging mga responsable tayong katiwala ni Kriso!
Tumahimik tayo sandali at tanungin ang ating mga sarili: "Ako ba ay nagbibingi-bingihan sa panaghoy ng kalikasan na dapat nating pahalagahan at alagaan?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento