Isang turistang Japanese tourist ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, six months... very, very fast!" Payabang na sagot ng intsik." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng intsik: "Ah... this building is very big and very wide! How long did you take to build it?" "four months!" sabi ng tsuper para hindi siya mapahiya sa kanyang pasahero. "four months??? hah! very slow! In Japan, only three months... very, very fast!" Payabang na sabi ng Hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big and very very wide! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only two months!" upang huminto na ang kayabangan ng kanyang sakay. Ngunit sa muling pagkakataon ay simingit ang intsik: "two months??? Very slow... in Japan only one month... very, very fast!" Napahiya na naman ang taxi driver na Pinoy. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me ten thousand pesos!" Sagot ang hapon: "Ten thousand? Are sure? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin!
Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang sila ay mamatay! hehehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw’y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo’y kalulugdan ka ng Panginoon. " Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Nagbigay siya ng malinaw na halimbawa tungkol sa pagpapakumbaba. "Kapag inayayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inayayahang lalong tanyag sa iyo!" "Kapag naghanda ka ng isang piging anyayahan mo ang taong hindi makakaganti sa 'yo at sa gayo'y gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal."
Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan at kayamanan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito sa ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Anumang pagpapalang mayroon tayo ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos kaya dapat nating gamitin para sa iba at hindi para sa ating sarili lamang. Ang pagpapakumbaba ay hindi kahinaan na tulad na sinasabi ng mga taong makamundo. Para sa ating mga Kristiyano, ang pagpapakumbaba ay nagbibigay sa atin ng lakas upang masundan natin si Kristo bilang mga tapat niyang mga alagad.
Pansinin na ang salitang humility sa wikang ingles ay hango sa salitang latin na "humus" na ang ibig sabihin ay lupa. Kapag tayo ay naglalakad ay hindi naman tayo nakatingin sa lupang ating tinatapakan. Hindi natin napapansin ito habang ating tinatapakan at dinadaanan. Ngunit alam natin na ang lupang ito ay may taglay na yaman. Dito tumutubo ang mga pananim na ating kinakain upang tayo ay mabuhay. Puno ito ng yaman at pinagkukuhaan ng kabuhayan ng marami sa atin. Ganito raw ang taong mapagkumbaba. Hindi sila napapansin, dinadaanan at tinatapak-tapakan ngunit sa kabila nito ay punong-puno sila ng yaman sa kanilang sarili at nagbibigay ng buhay sa iba.
Ang mga taong mapagkumbaba ay maihahambing din sa mga uhay ng palay o trigo sa bukid. Pansinin ninyo na ang mga uhay na may lamang trigo o palay ay mga nakayuko dahil sa bigat nito. Ang uhay naman na walang laman ang siyang diretsong nakatayo. Sinasabi sa atin ng imaheng ito na ang mga taong magpagkumbaba ay punong-puno ng bunga sa kabila ng kanilang tila pagyuko sa iba. Ang mga tao namang mapagmataas ay walang taglay na bungang maipagmamalaki kabila ng kanilang taas noong pagtayo upang ipakitang mas mataas sila sa iba.
Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Tanging ang mga taong mapagkumbaba ang maaring maging mapagbigay! Kaya nga't itinuturing natin si Jesus na isang Haring Naglilingkod o Servant-King. Ang kadakilaan ni Jesus ay nasa kanyang magpagkumbabang paglilingkod. Ang kanyang abang kalagayan sapul pa sa kanyang pagsilang, hanggang sa uri ng kanyang kamatayan ay nagpapakita ng kanyang kapakumbabaan. At nais niyang ito ang ating pamarisan bilang kanyang mga alagad: "Learn from me for I am meek ang humble of heart..."
Ang mapagkumbabang pagbibigay ay ang katangian ng isang tunay na KATIWALA ng Diyos. Ang buwan ng Setyembre, sa ibang lugar ay ang itinalaga ring Panahon ng Paglikha o Season of Creation. Ito ay isang natatanging panahon na ibinigay ng Simbahan upang pagnilayan natin ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos sa pagbibigay Niya sa atin ng biyaya ng kalikasan! Gayundin, ito ay pagninilay din natin bilang mga tapat na katiwala ng Diyos sapagkat ang buong sannilikha ay ipinagkitiwala sa atin ng Diyos upang pamunuan natin ng buong katapatan at kapakumbabaan. Sa mga kaganapang nangyayari sa ating mundo, tulad na lamang ng pagsira ng mga bundok at kagubatan sa labis na pagmimina, pagsira sa mga likas na yamang dagat, pagdudumi sa mga estero, kanal, ilog at mga daluyang tubig, at mga marami pang pagsalahula sa ating kapaligiran ay nagpapakita sa atin na sumusobra na ang kayabangan ng tao! Hindi na siya ang tapat na katiwala! Ang tingin niya sa kanyang sarili ay ganid na nagmamay-ari ng lahat ng ito. Panahon na upang pakinggan naman natin ang tinig ng kalikasan. Kaya nga't ito paalala sa ating ngayong ika-10 taon ng pagdiriwang ng Panahon ng Paglikha: pakinggan natin ang tinig ng panaghoy ng kalikasan na dumaraing sa nagsasabing tama na... sobra na... iwaksi na... ang paglapastangan natin at pagwawalang bahala sa mga iresponsableng paggamit sa mga nilikhang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
Mahirap maibalik ang pagiging mabuting katiwala ng Diyos kung pinangungunahan tayo ng pagmamataas at pagkamakasarili. Tanggalin muna ang kayabangan at pairalin ang kapakumbabaan! Limutin ang ating sarili upang makita natin ang ating pagiging aba sa harapan ng iba. Pangalagaan natin ang ating "Common Home", ang mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ito'y nangangailangan ng sama-samang pagkilos. Pagkilos na may pananagutan at pagpapakumbaba. Tandaan natin na ipinagkatiwala ng Diyos ang mundo sa ating mga kamay upang pamunuan ito ng may katapatan at kapakumbabaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento