May kuwento ng isang batang umakyat sa mataas na punong-kahoy. Nag-alala ang mga nakakita baka mahulog ito kaya't hinanap nila ang magulang ng bata. Pilit naman siyang pinabababa ng mga ito ngunit kahit anong pakiusap ay ayaw sumunod ng bata. Tumawag sila ng barangay tanod ngunit ayaw pa rin nitong bumaba. Nagkataong dumaan ang isang pari at hiningi nila ang kanyang tulong na pakiusapan ang batang bumababa sa puno. Sumunod naman ang pari. Lumapit s'ya sa puno. Tiningala ang bata. Itinaas niya ang kanyang kamay at binasbasan ito ng tanda ng krus. Agad agad ay bumaba ang bata. Nagulat ang lahat maging ang pari. Nang tinanong nila ang bata kung bakit siya bumaba ay sinabi nito: "E pano ba naman sabi ng pari sa akin (winasiwas ang kamay na animong nagbabasbas) Ikaw baba, o putol puno! Baba o putol puno!"
Parang kontradiksyon hindi ba? Hindi naman natin ginagamit na panakot ang tanda ng krus bagkus pampasuwerte pa nga ito para sa ilan. Ang tawag natin d'yan ay SIGN OF CONTRADICTION. Tunay naman sapagkat noong unang panahon, ang krus ay kaparusahan para sa mga kriminal, sa mga magnanakaw, sa mga taong nakagawa ng masama. Ngunit nang si Jesus ay mamatay sa krus ay naiba ang ibig sabihin nito. Ang krus ay naging simbolo ng kaligtasan at kalayaan sa kasalanan! Ang ating mga pagbasa sa linggong ito nagpapakita sa atin ng maraming sign of contradiction o tanda ng pagkakasalungat.
Sa Unang Pagbasa ang mga propeta ay laging itinuturing na sign of contradiction sapagkat ang kanilang pangangaral ay laging nagdadala sa kanila sa kapahamakan. Ang hatid nila ay mensahe mula kay Yahweh ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa mga Israelita.
Si Jesus din ay isang malaking sign of contradiction. Siya mismo ang nagpahayag nito. Ano ang sinabi niya sa pagbasa ng Ebanghelyo ngayon? "Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi." Hindi ba't isa itong malaking kontradiksyon? Si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa katunayan ay ito ang unang handog niya noong siya'y muling nabuhay. Bakit ngayon ay pagkakabaha-bahagi ang kanyang sinasabing iniiwan? Ito ang sasapitin ng mga taong tunay na sumusunod kay Kristo. Siya ay magiging sign of contradiction.
Hindi bat ito ang Simbahang Katolika ngayon? Isang malaking sign of contradiction! Kaya huwag tayong magugulat kung marami ngayon ang hindi sumasang-ayon at sumasalungat pa nga sa turo ni Kristo at aral ng Simbahan. Bakit nga ba maraming sumasalungat sa mga turo ng Simbahan gayung ipinapangaral lamang nito ang turo ni Kristo? Isang magandang halimbawa ay ang isang isyung lumabas noong nakaraang mga taon, ang kuwento ng transgender na hindi pinagamit ng isang janitress sa palikuran ng mga babae sa kadahilanang hindi siya babae. Alam nating sensitibong isyu ang tungkol sa ating mga kapatid na transgender at ang Simbahan ay malinaw naman ang posisyon sa pagtanggap sa kanila anuman ang kanilang kasarian. Ngunit dito papasok ang limitasyon ng bawat isa at ang pagrispeto sa karapatan ng lahat. Aminin natin na ang mga palikuran natin sa ngayon ay "biologically gender based." Wala kang makikitang urinals sa palikuran ng mga kababaihan. Minsan na akong naligaw doon at napahiya ako! Sa ngayon, dahil wala pang palikuran na nakalaan para sa mga transgender ay mas mabuti sigurong igalang na lang muna natin ang karapatan ng lahat! Ang sabi nga ng isang post ko sa FB: "Huwag ipilit ang hindi tama. Ang palikuran pambabae ay dapat para sa mga tunay na babae lamang. Hindi ito diskrimansyon. Ito ay pagpapakita ng paggalang sa dignidad ng mga tunay na babae. Igalang din nati ang mga tuna na babae!" Ngunit may mga sasalungat pa rin dito sa ngalan ng pantay-pantay na karapatan. Kaya ngapost uli ako ng isa pa sa FB ko na galing na mismo sa Banal na Kasulatan: "God is love, and love rejoices in the truth." (1 Cor. 13:6) What is TRUTH? "That male and female He created them!" (Gen 5:2) God does not descriminate! God is love. But God wants us to respect the truth for this is the best expression of love! Isang halimbawang isyu lamang ito na kapag pinag-usapan natin ay siguradong magkakaroon ng pagkakahati-hati sa ating mga opinyon.
Isa pang halimbawa na siguradong pagdedebatehan ngayon ay ang isyu ng same sex union. Ang daming palabas ngayon sa Netflix na nagpapakita na normal na ang pagkakaroon nito. May panukalang batas na isinusulong ngayon dito at siguradong tatanungin na naman ang Simbahan tungkol dito kahit na malinaw ang Simbahan sa paninindigang ang kasal ay para lamang sa lalaki at babae. At tungkol din sa usapin ng kasal ay ang humihinang pagkilala ng mag-asawa sa sakramento ng matrimonyo. Nakakalungkot na marami sa mga mag-asawa ngayon ay nagsasama na walang kasal sa Simbahan. Para sa kanila ay optional na lamang ang pagpapakasal at hindi naman talaga mahalaga sa pagsasama ng mag-asawa.
Iba pang halimbawa ay ang paggamit ng mga artificial means of contraception tulad ng implants, IUDs, condom. Hindi ba't hanggang ngayon ay binabatikos ang Simbahan tungkol dito? Naririyan pa rin ang usapin ng divorce, ng death penalty, sa extra-judicial killings, hindi ba't nagmimistulang kontrabida ang Simbahan natin dito? Pero magbabago ba ang paninindigan ng Simbahan? Hindi! Kailanman, ang Simbahan ay mananatiing sign of contradiction kahit pa sabihin nating ang buong mundo na ang kanyang kalaban dito. Hindi magpapadala sa agos ng mundo ang Simbahan sapagkat nakabatay ito sa turo ni Kristo! At ang paalala sa atin ni St. Mother Teresa ng Calcutta: "We must never be afraid to be sign of contradiction for the world."
Sapat lang na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa mga turo ni Hesus na buong katapatang ipinapahayag ng ating Inang Simbahan. Araw-araw ay hinihikayat tayong isabuhay ang ating pananampalataya. Mahirap mang tanggapin ang ilang aral na itinuturo sa atin ay buong tapang nating angkinin at isabuhay ito. Ang sabi naman sa atin ng Panginoon ay naparito siya upang magdala ng apoy sa lupa at nais niyang magningas ito! Ano ba itong apoy ni Kristo? Hindi ba't ito ang apoy ng pagmamahal niya sa ating lahat? Kaya nga't kasama ng pananampalataya ay ang pag-ibig na dapat nating ipakita sa pgatangap natin sa mga aral ng ating Panginoon at ng Simbahang kanyang itinatag. Ipagdasal natin ang maraming Kristiyanong nanatiling tahimik sa mga pangkasalukuyang isyu ng ating lipunan. Lalo nating ipagdasal ang taong patuloy na bumabatikos sa aral ng Simbahan. Na sana ay tupukin sila ng "apoy ni Kristo", ang apoy ng kanyang pagmamahal upang mapalitan ang anumang galit o pagkamuhi o pag-aalinlangan sa kanilang puso. Sapagkat sa huli, ang Simbahan at ang tunay na alagad ni Hesus ay mananatiling buhay na tanda ng pagsalungat... LIVING SIGNS OF CONTRADICTION!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento