Isang araw ay may mga kaluluwang bagong lipat mula sa kabilang buhay na napunta sa purgatoryo. Laking pagkagulat nila nang makita ang kanilang kura-paroko doon. "Hala! Padre! Dito ka rin pala... kelan ka pa dito? Akala pa naman namin nasa top floor ka! Dapat ay nasa top floor ka! Idol ka kaya namin kapag pinag-usapan ang kabanalan! Eh bakit nandito ka kasama namin? Pasigaw na sabi ng isa niyang parokyano. "Shhhh... wag kayong maingay! Pakibabaan ninyo ang boses ninyo. Baka magising si bishop. Natutulog s'ya sa ibaba!"
O, hindi ba't nakakasurpresa ang ganung senaryo? Sinong mag-aakalang ang mga nauuna ay mahuhuli at ang mga nahuhuli ay mauuna? Isa lang naman ang katotohanan sa ating buhay na hindi natin maikakaila, na ang buhay natin dito sa mundo ay may katapusan. Lahat tayo ay mamamatay! Dito ay wala tayong pagpipilian. Darating ang araw na magsusulit tayo ng ating buhay sa Diyos. Bagama't wala tayong pagpili sa kahahantungan ng ating buhay mayroon naman tayong pagpili kung saan natin nais pumunta pagdating natin sa ating buhay sa kabila. Ang sinasabi ng Banal na Kasulatan at maging ng ating pananampalataya ay mayroon lang naman tayong dalawang maaring puntahan sa kabilang buhay: langit o impiyerno.
Ang impiyerno ay pintuang madaling pasukin, walang kahirap-hirap, malawak at maraming pumipili dahil nakakatawag pansin ngunit nagdadala sa walang hanggang kaparusahan. Ang langit ay pintuang mahirap pasukin. Sa katunayan ay kakaunti ang dumadaan dito sapagkat makipot, mahirap at maraming sakripisyo ang dapat gawin ngunit siguradong magdadala sa atin sa walang hanggang kaligayahan.
Ngunit ang sabi nga ng Panginoon, ay isa lang naman ang daan papasok sa langit... ang makipot na pintuan! "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.
Sinasabi ko sa inyo, marami ang
magpipilit na pumasok ngunit hindi
makapapasok." Ang konteksto nito ay patungo si Hesus at ang mga alagad sa Jerusalem, ang lugar ng kanyang pagpapakasakit at kamatayan, at habang nagtuturo siya sa mga tao ay may isang nagtanong kung kakaunti lang ba ang maliligtas? Ang sinagot niya ay ang tungkol sa makipot na pintuan na kung saan ay marami ang magtatangkang pumasok. Sa katunayan ay ipagpupumilit pa nila ang kanilang sarili at sasabihing: "Panginoon, papasukin po ninyo
kami... Kumain po kami at
uminom na kasalo ninyo, at nagturo
pa kayo sa mga lansangan namin." At ang sagot ng Panginoon sa kanila: "Hindi ko alam kung tagasaan kayo!
Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na
nagsisigawa ng masama!" Ano ba ang makipot na pintuan na tinutukoy ng Panginoon?
Ang makipot na pintuan ay ang hinihingi ng ating pagiging tapat na Kristiyano. Makipot sapagakat mahirap ang maging tapat kay Kristo. Ito ay nangangahulugan ng paglimot ng ating sarili at pagpasan ng ating krus at pagsunod sa kalooban ni Jesus araw-araw. Kaya nga kung ang hanap natin sa pagiging Kristiyano ay "good time" at "pa-easy-easy" lang sa ating pagiging Kristiyano ay nagkakamali tayo... Hindi rin puwedeng maligamgam tayo sa harapan ng Diyos... sala sa init, sala sa lamig! Ang pagiging Kristiyano ay isa lang ang hinihingi... ang maging katulad ni Kristo!
Ang makipot na pintuan ay dinaraanan natin araw-araw. Laging bukas... nag-aanyaya ngunit dahil nga sa makipot ay marami sa atin ang ayaw daanan. Mahirap magpatawad. Mahirap maging tapat sa pamilya. Mahirap umunawa. Mahirap magbigay. Mahirap magpakatao. Mas madali ang sumuway sa utos ng Diyos. Mas madali ang magnakaw. Mas madali ang mandaya. Mas madali ang magsinunaling. Mas madali ang mangaliwa kaysa maging tapat sa asawa. Mas madali ang gumawa ng kasalanan kaysa kabutihan. Mas masarap ang alok ng pintuang maluwag. Walang hirap. Walang pasakit. Ngunit alam din natin ang patutunguhan ng pintuang maluwag... walang hanggang kapahamakan! Maging matalinong Kristiyano tayo habang naglalakbay tayo dito sa mundo.
Alam ng Diyos ang pagnanais nating makapasok sa pintuan ng langit at batid niya ang kahinaan ng ating pagpapasya sa pagpili ng mabuti at masama... ng tama at mali! May gantimpalang naghihintay sa atin kung magtitiwala tayo sa kabutihan ng Diyos na hindi Niya tayo pababayaan sa ating pagsisikap dahil mahal Niya tayo. May "langit" tayong mararating kung magsisikap tayong sumunod sa kanyang kalooban, magtitiyaga at mapagkumbaba nating susundin ang Kanyang mga utos. Tandaan mo... isa lang ang daang patungo kay Kristo... at ang hahantungan mo ay nakasalalay sa pintuang pipiliin mo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento