"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa mga batang kanyang tinuturuan. Nagtaas ng kamay ang isang bata at sumagot: "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"
Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Unawain nating mabuti ang itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan na si Maria ay hindi umakyat sa langit. Sa ganang kanya, bilang isang tao, ay wala siyang kapangyarihan upang gawin iyon. Ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ay INIAKYAT SIYA SA LANGIT, KATAWAN at KALULUWA.
Mayroon ngang isang nakakatuwang kuwento tungkol dito. Alam natid na kapag tayo ay namatay at inilibing, ang ating katawan ay uuurin. Noong namatay daw ang Mahal na Birhen ay may kababalaghang nangyari sa kaharian ng mga uod. Kumalat ang balita na meron daw nakalibing sa sementeryo na isang babae na ang pangalan ay Maria. "Tara, anupang hinihintay natin... uurin na natin siya!" Excited na nagpuntahan sila sa sementeryo. Ngunit laking pagkagulat nila ng makita nilang wala silang nakitang katawan ng babae sa pinaglibingan nito. "Napurnada! Walang katawan dito! Naglaho ang kanyang katawan!" Sigaw nila. Ang sabi ng kanilang pinuno: "Isa itong himala... paglabag ito sa batas nating mga uod!"
Tunay nga naman na kapag tayo ay namatay ay dapat na mabubulok ang ating katawan. Noong nagkasala ang ating mga unang magulang, ayon sa Banal na Kasulatan ay pinalayas sila sa Hardin ng Eden at nabigyan ng taning ang kanilang mga buhay. Ibig sabihin ay pumasok ang "kamatayan" sa sangkatauhan. Ang tao ngayon ay nakararanas na ng pagkabulok ng katawan! Ang kamatayan ang kinahantungan ng kanilang paggawa ng kasalanan. Bagama't ang lahat ay napasailalim sa batas na ito, sa biyaya at kalooban ng Diyos, ay hindi niya hinayaang mabulok ang katawan ng isang nilalang. Isang espesyal na prebelihiyo ang ibinigay niya sa isang babae na inihanda Niya upang maging tagapagdala sa sinapupunan ng Kanyang Anak. Ibig sabihin, walang kasalanan... walang pagkabulok ng katawan! Walang pagkabulok ng katawan... walang kamatayan. Kaya nga ang ginamit na kataga sa pagkamatay ng Mahal na Birhen sa ating tradisyon ay DORMITION. Ang pakahulugan ng salitang ito ay "pagtulog". Animo'y "natulog" lamang ang Mahal na Birhen sa kanyang paghimlay. Ayon sa isang kuwentong "Apokripal" ng mga naunang Kristiyano ay ng dumalaw si Tomas upang bigyan ng huling pagsulyap sa labi ng Mahal na Ina, ay bumagsak mula sa langit ang isang "girdle" o balabal na pagmamay-ari niya. Nasalo ito ni Tomas at sa kasalukuyang panahon ay nakapreseba sa isang simbahan sa Tuscany, na ayon sa ma taga-roon ay pinagdadaluyan ng maraming himala.
Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birheng Maria?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang bahid na kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception". Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos!
Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.
Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Bawasan natin ang pagiging makasarali na siyang ugat ng kasalanan. Ang gitna titik ng salitang kasalanan sa ingles ay letrang "I". Ang ibig sabihin ng "I" sa Filipino ay "ako." Tunay nga naman na kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan ay inuuna natin ang ating sarili kaysa sa pagmamahal natin sa Diyos, inuuna rin natin ang ating sarili kaysa kapakanan ng ating kapwa. Subukan mong tanggalina ng malaking-malaking "I" na iyong sarili at makikita mong maiiwasan mo ang maraming kasalanan.
Maging mapagbigay tayo sa halip na maging makasarili. Wala ng ibang paraan pa kung nais talaga nating tanggalin ang kasalanan sa ating buhay. Ngayong panahon ng pandemya ay marami tayong maaring gawin upang maging mapagbigay. Marami ang naghihikahos ngayon sa buhay, walang makain, walang trabaho. Ang pagsulpot ng maraming community pantries, malaki man o maliit, at ang iba't ibang uri ng pagkakawang-gawa ay nagpapakita na kaya nating kalabanin ang ating pagiging makasarili. Matuto sana tayong magbahagi ng ating sarili sa iba lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan.
Hindi madali ang magbigay. Ang buhay ng Mahal na Birheng Maria ay taos pusong pagbibigay sa Diyos. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento