Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhang Romano na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos.
Tayo rin ay may pagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang at may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay huwag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya nga't ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una, may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay. May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan. Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili. Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi.
Kung minsan ang kinakailangan lang ng mga taong ito ay balikat na masasandalan, tengang marunong makinig, at pusong handang umunawa. Ikatlo, si Jesus ang nagpapatangkad sa atin at siya ang nagnanais na makituloy sa ating buhay. Nasa atin ang pagpapasiya kung nais nating manatili sa ating pagkapandak. Nasa atin ang desisyon kung papasukin natin siya sa ating "bahay" at hahayaan natin siyang baguhin ang ating buhay. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak".
Ngayon din ang Linggo ng Kamalayan Para sa mga Bilanggo. Pagkatiwala natin sa Diyos ang ating mga kapatid sa bilangguan na hinahatulan at hinuhusgahan ng ating
lipunan. Marami sa kanila ang "pinandak" ng lipunan sa mga kasalanang hindi naman nila ginawa. Magkaroon tayo ng tunay na malasakit sa kanila. Ang sabi nga sa Sulat sa mga Hebreo: "Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo ri'y dumaranas din ng ganoon." (Heb. 13:3) Doon lamang natin kasi maiintindihan ang kanilang katayuan at ang kahirapang kanilang nadarama.
Lagi nating alalahanin: Tayong lahat ay pandak dahil sa ating kakulangan at kahinaan. Ngunit gayunpaman, matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil minahal Niya tayo ng lubos!