Sabado, Oktubre 15, 2022

PANGUNGULIT SA PANALANGIN: 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 16, 2022 - MONTH OF THE HOLY ROSARY

May isang estudyante namin ang nagtanong sa akin tungkol sa pagdarasal ng Santo Rosaryo.  Nagkataong dinarasal namin ito sa kalagitnaan ng tanghali na naka-broadcast sa apat na sulok ng aming paaralan.  Isa ito sa aming nakagawian kapag buwan ng Oktubre.  "Fadz, bakit paulit-ulit ang dasal natin ng Rosaryo?  Hindi ba bawal yun sa Bibliya?"  Obviously, hindi siya isang Katoliko ngunit nakita ko naman ang katapatan niya sa kanyang pagtatanong at hindi naman siya palaban na parang naghahanap ng away.  Kaya sinagot ko siya sa pamamagitan ng isang kuwento.  

May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday.  Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen at lagi siyang nagdarsal ng rosaryo upang ipagdasal ang kanyang kahilingan.  Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan.  Wala pa rin ni anino ng kanyang bisekleta.  Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen!  Tinawag nila ang kura-paroko at napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa.  Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus,  mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike.  Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday alam mo na na ang mangyayari... hindi ko ibabalik ang nanay mo?"  

Nakakapressure nga naman ang ganung panalangin hindi ba?  Wais na bata! Mautak! Bata pa lang kidnaper na! Sigurado akong bukas ay ibibigay na ng Diyos ang kanyang hiling na bisekleta! hehehe... Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal.  Nais niyang kulitin natin Siya.  Nais niyang tayo ay magpumilit.  Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi.  

Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan.  Bagama't sa ating talinhaga ay parang hindi mabuti ang hukom sa pagbibigay ng kahilingan ng babaing balo, ngunit sa kabila ng kanyang pagmamatigas ay ibinigay niya pa rin ang ipinapakiusap nito. Bakit?  Dahil sa kanyang walang sawang pangungulit! "Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos, ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka pa ako mainis sa kapaparito niya."  At inihambing ni Jesus ang kabutihan ng Diyos sa masamang hukom na kung nakayang pagbigyan ng hukom ang babaeng balo sa kanyang kahilingan ay paano pa kaya ang Diyos kapag kinukulit natin Siya sa pagdarasal sa ating mga kahilingan.  

Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit.  Ngunit hindi ito ang ipinupunto ng talinhaga!  Ang mensahe ng talinhaga ay ang kahalagahan ng pangungulit sa Diyos kung nais nating makamit ang ating nais. Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay dahil may kaakibat itong paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Ibig sabihin ay isa itong panalangin na may malalim na pananampalataya!  

Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo?  Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.  Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay.  Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat.  Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay.  Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon."  

Kayat huwag tayong manghinawa sa pagdarasal.  Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan.  Kung minsan nga ay hindi Niya ipinagkakaloob ang ating ipiangdarasal. Ngunit hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat.  Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya!  

Walang komento: