May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at isang pastor na "Born Again" na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong magpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos na pinagdarasalan. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas sa Diyos". Naunang tumalon ang Muslim. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Allah... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Ang milagro, hindi siya namatay ngunit nabalian lang ng ilang buto. Sumunod namang tumalon ang Buddhist at sumigaw "Buddha... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang sa hangin at bumagsak na parang bulak sa lupa. Walang sugat, walang galos! Ngayon naman ay ang pastor. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus, aking Diyos at personal na tagapagligtas tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla siyang sumigaw ng: "Buddha... ikaw na lang... iligtas mo ako!"
May tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Marami siguro sa atin ay may kahinaan sa ating panalangin. Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!"
Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya". Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan. Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala. Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan? Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila. Kung minsan ay maririnig din natin sa mga estudyante na: "Malapit na exams... bahala na!" O kaya naman kapag hindi handa at hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!"
Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal. Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!" Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith". Hindi kinakailangang malaki agad ang pananampalaayang ito. Ang sabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo: "Kung maging sinlaki man lamang
ng butil ng mustasa ang inyong
pananalig sa Diyos, masasabi ninyo
sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot
ka, at matanim sa dagat!' at tatalima
ito sa inyo." Ang butil ng mustasa ay napakaliit ngunit sa kaliitan nito ay nakikita ng Diyos ang mala-bundok na pananampalataya ng isang taong tunay na nanalig sa kanya.
Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan. Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos din tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos. Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan!
Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo." Dito ay talagang nangangailangan tayo ng malalim na pananampalataya. Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan. Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig, pag-asa at habag ng Diyos sa ating kapwa. Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang kalooban ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan.
Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin." Ito ang pananampalatayang mapagkumbaba na tulad ng butil ng mustasa, maliit ngunit kayang gumawa ng malaking himala. Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Ang pananampalataya ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya.
Ang ikalimang Linggo ng Paglikha ay nag-aanyaya sa ating pagnilayan ang pangangailangan ng pagkakaroon natin ng isang "Ecological Spirituality." Ang Ekolohikal na
Espirituwalidad
ay bunga ng malalim na pagbabagong ekolohikal ( ecological conversion) na
nakakatulong sa atin upang madiskobre ang Diyos sa lahat nang gabay sa
parehong kagandahan ng sangnilikha at sa mga buntong hininga ng mga may sakit
at mga hinagpis ng mga nahihirapan, sa kamulatan na ang Espiritu ng buhay ay
hindi hiwalay sa mga reyalidad ng mundo. Nangangahulugan ito ng isang pamumuhay na nakaugat sa isang pagiging tapat na katiwala ng Diyos na may mapagkumbabang pananampalataya.
Tandaan natin na tayo ay "katiwala" lamang ng Panginoon sa kanyang mga nilikha. Ang Diyos ang tunay na nagmamay-ari ng mundo kaya't walang dahilan upang lapastanganin at sirain natin ito. Araw-araw ay ugaliin natin at gawing bahagi ng ating buhay ang pag-aalaga sa ating Inang Kalikasan. Maging mga responsable tayong mga katiwala na ginagampanan lamang ang ating tungkulin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento