Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe...
Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay? Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat.
Bakit kaya ganyan tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat.
Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay.
"Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap sa Kanyang maraming biyaya, ay dapat bukas din ang ating puso sa pagbibigay pasasalamat sa Kanya! Una, pasalamatan natin ang Diyos sa regalong buhay na ipinagkaloob niya sa atin. Gumising tayo kaninang humihinga pa, ipagpasalmat natin sa kanya! "Every gising is a blessing!" Kaya nga't dapat nating alagaan ang ating buhay at gayundin ay igalang natin ang buhay ng iba. Walang puwang sa isang Kristiyano ang tinatawag na "culture of impunity" na kung saan ay kinukunsinti natin at hinahayaan natin ang paglapastangan sa dignidad ng buhay ng tao!
Ikalawa, pasalamatan natin ang Diyos sa regalong pamilya. Ang mabuting lipunan o maging simbahan ay nangangailangan ng mabuting pamilya. Hindi tayo ang pumili ng ating mga pamilya, ito ay ipinagkaloob ng Diyos sa atin kaya't dapat nating pahalagahan at pangalagaan. May mga nagtatangkang sirain ang regalong ito, labanan natin! Naririyan na ang usapin ng diborsiyo na kung saan ay nakaamba nitong lapain ang kapayapaan sa loob ng pamilya. Sa katunayan ay nakabinbin na ito sa ating kongreso at nanganganib na maipatupad. Ngunit gayunpaman ay mananatiling matatag ang paniniwala ng Simbahan na ang "pinagsama ng Diyos ay 'wag paghiwalayin ng tao!" Ipaglaban natin ito bilang mga tagasunod ni Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng pamilya, na sa kabila ng maraming pagsubok ay pinapanatili N'ya pa ring matatag ang pamilyang Pilipino
Ikatlo, sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha ay pasaamatan natin ang Diyos sa regalong kalikasan. "The earth is our common home." Ito ang paalala sa atin ni Papa Francisco. Kaya't pigilan natin ang pagsira at pang-aabuso sa ating inang kalikasan at sa mga nilikha ng Diyos. Pakinggan natin ang panaghoy ng mundong ating ginagalawan. Kung magiging sensitibo lamang tayo sa unti-unting pagsira ng ating kabundukan, kagubatan at karagatan na ginagawa ng ating mga kapatid sa ngalan ng pag-unlad ng ekonomiya ay marahil mapipigalan natin ang pagguho at pagkawasak ng ating nag-iisang tahanan. At ang tahanan ay dapat pinahahalagahan, inaalagaan, ipinaglalaban.
Sanayin mong magkaroon ng isang PUSONG MAPAGPASALAMAT. Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo, isulat mo sa isang papel at magpasalamat ka sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya.
Ito ang puso ng isang katiwala. Naniniwala tayo na kung anumang mayroon tayo ay isinusulit lamang natin sa ating Manlilikha. Kaya nga't nangangahulugan ito ng pagbibigay ng ating buong buhay sa Diyos! Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento