Sabado, Nobyembre 26, 2022

ADBIYENTONG PAGHIHINTAY: Reflection for the 1st Sunday of Advent Year A - November 27, 2022 - ADVENT SEASON

Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO.  Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya.  Ang nakaraang dalawang taon na dala ng pandemya ay nakadagdag pa sa tahimik na pagsalubong natin sa bagong taon ng Simbahan dahil sa mga lockdowns at covid restrictions na pinairal ng pamahalaan.  Ngunit ngayon ay mas maluwag na ang ating pagdiriwang.  Sa katunayan ay nanghihikayat pa nga ang Simbahan na muli na tayong bumalik sa pagsisimba ngunit may kaakibat pa ring pag-iingat lalo na ang pagpapanatili sa pagsuot ng facemask sa loob ng Simbahan dahil umaali-aligid pa rin ang virus sa ating paligid.

Muli nating sariwain ang kahulagan ng Adbiyento at ang tamang pagdiriwang nito.  Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko.  Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus.  Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan."  Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng paghihintay.  Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali.  Lahat ay nagmamadali... lahat minamadali. Nabubuhay na ang marmai sa atin sa tinatawag na instant culture: instant cofee, instant noodles, instant friendship... Hindi makapaghintay dahil lahat ay abala sa maraming bagay. 

Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali.  September pa lang ay Pasko na!  Sa katunayan bago pa nga ang Setyembre ay may sumisitsit na.  Pag pasok ng "ber months" ay may Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali.  Lahat ay nagsasabi sa ating Pasko na! 

Ngunbit ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko.  Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO!  Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli.  Sa panahon ng Adbiyento ay hinihintay natin ng masaya ang muling pagdating ng Panginoon sa ating piling.  Dumating na siya noong unang Pasko, nang siya ay isilang sa sabsaban.  Muli siyang darating tulad ng kanyang ipinangako ngunit kung kailan at saan ay hindi natin alam.  Sa gitna ng kanyang una at muling pagdating ay naniniwala tayo na si Jesus ay araw-araw na dumarating sa ating puso.  Kaya nga't ang katanungan ay anung uring paghihintay ang inaasahan niya sa atin?

Ang paghihintay na ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan."  Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda!  

Matuto na sana tayo sa nakakapagod at nakakabutas-bulsang pagdiriwang ng Pasko!  Hindi masama ang magsaya. Hindi masama ang mag-enjoy kapiling ang mga mahal natin sa buhay.  Hindi masama ang magsama-sama at magsalo-salo ngayong Pasko.  Ang masama ay kung sa ating pagdiriwang ay nakalimutan natin ang ating ipinagdiriwang.  Dahil aminin natin na nakakalimutan na natin ang ating dapat ipagdiwang at ipagpasalamat sa araw ng Pasko.  Ibalik natin ang tunay na diwa ng Pasko!  Ibalik natin si Kristo sa puso ng bawat tao. Sa pagpasok ng bagong taong ito, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay!  ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!

Sabado, Nobyembre 19, 2022

HARING NAGLILINGKOD: Reflection for the Solemnity of Christ the King - Year C - November 20, 2022

Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan.  May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan. Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral?  Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan.  Ngunit masaya at nananabik din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago. Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin dapat  kinatatakutan bagkus kinapapanabikan pa nga natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng awa at habag.  Siya ang hari ng sanlibutan.  Siya ang hari ng ating buhay!  

Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito.  Ngunit ang pagkilala sa kanila bilang hari ay nababatay sa kasikatan, kapangyarihan at kayamanan.  Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na "nagpapatigil sa mundo" sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy na nagpatawa ng maraming dekada sa atin.  Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr.  Kaya siguro hindi matapos-tapos ang PROBINSIYANO dahil sa kanyang mahabang paghahari! Sa aming lugar sa Tondo ay minsan nang may kinilalang hari... si "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo!  Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari? Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay tatlong nabanggit ko kanina: kasikatan, kayamanan at kapangyarihan! 

Ngunit para kay Jesus, ang kanyang paghahari ay nasa kanyang pagka-aba at kababang-loob. Ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong naglilingkod,  sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan.  Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kaya hanggang sa krus ay gayun na lamang ang pagkutya sa kanyang ng mga tao.  Naririyan na ang sinasabi ng mga Judio na nasa kanyang paanan.  "Kung ikaw nga ang hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!"  Maging ang nakapako katabi niya ay may pagtutya sa kanya:  "Hindi ba't ikaw ang Kristo? Iligtas mo kami at iyong sarili!" Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging isang pinunong-lingkod o "servant-leader" na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon, pag-aari o kapangyarihan ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. 

Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition".  Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay!  Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin.  Ang tunay na paglilingkod ay mapagkumbaba, hindi naghahanap ng kapalit o nagbibigay ng kundisyon. Higit sa lahat ang tunay na paglilingkod ay hindi makasarili!  Si Kristong ating Hari ang natatangi nating huwaran.  Hilingin natin kay Jesus na maghari Siya sa ating puso at maisabuhay natin ang Kanyang paghahari ng kapakumbabaan at paglilingkod.  PAGLINGKURAN NATIN ANG HARING NAGLILINGKOD!

Sabado, Nobyembre 12, 2022

KATAPUSAN: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 13, 2022

Mahilig ka bang magvideoke?  Nasubukan mo na bang kantahin ang awiting "My Way?" Ito ay pinasikat ni Frank Sinatra taong 1969, hindi pa marahil pinapanganak ang marami sa inyo,  at ngayon nga ay kinikilala ng isa sa klasikong awitin.  Ngunit may mga nagsasabi na masama daw itong kantahin sa kadahilanang may nangyayaring patayan kapag ito ay inaawit. Sa katunayan, sa pasimula pa lamang ng awiting ito ay maririnig mo na ang mga katagang: "And now, the end is near and so I face the final curtain..."  Nakakatakot nga naman lalo na't ang pinag-uusapan natin ay ang ating katapusan.  Sa katanuyan ang buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin na ang buhay ay may katapusan.  Na tayong lahat ay mamamatay!  

Ngunit hindi lang ang buwan ng Nobyembre ang nagpapaalala sa atin nito.  Ang pagtatapos ng Taong Liturhiko ay nagsasabi rin sa atin na may katapusan ang lahat!  Kaya nga sa isang Linggo ay tatapusin natin ito sa pagdiriwang ni Kristong Hari.  Ang katapusan ng kalendaryo ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa atin ng WAKAS NG PANAHON.  Ano nga ba ang "parousia" o  "wakas ng panahon?"  Kailang ba ito magaganap?  

Sa isang malaking mall na kung saan ay dagsa ang mga tao dahil sa papalapit na Pasko ay bigla na lamang may sumigaw.  Isang taong nakadamit na kakaiba at may karatulang hawak-hawak na nakalagay na "The end of the world is near!"  Sumisigaw siya ng malakas na "KATAPUSAN NA! KATAPUSAN NA!"  Nang bigla na lamang may sumagot ng: "TANGA! KINSENAS PA LANG!"  

Kung minsan ay nakakarinig tayo ng ganitong mga kataga na nagsasabing malapit na ang katapusan ng panahon.  May katapusan nga ba ang mundo?  Kung sabagay ay hindi na ito bago sapagkat noong taong 1914, si Charles Russel, na tagapagtatag ng Jehova's Witnesses, ay nagsabing magugunaw na ang mundo ngunit di naman nangyari.  Noong pagpapalit ng milenyo, taong 2000 ay kinatakutan ang Y2K at sinabing ito na rin ang magtatapos sa mundo dahil daw magkakagulo ang programa at sistema ng mga computer na karamihan daw ay nakaset hanggang 1999 lamang, ngunit wala ring nangyari. Taong 2012, isa na namang prediksiyon ang lumabas na nagsabing magugunaw na ang mundo ayon sa Mayan calendar, ngunit wala ring nangyari.  Ano ang sinasabi nito? Pinabubulaanan ba nito ang mundo ay walang katapusan?  

Sa ating pananampalataya ay ipinahahayag natin ang pagsapit ng WAKAS NG PANAHON.  Sa katunayan ay lagi nating ipinapahayag sa Misa na "Si Kristo'y namatay! Si Kristo'y nabuhay!  SI KRISTO'Y BABALIK SA WAKAS NG PANAHON!"  Ibig sabihin, naniniwala tayo na may tinatawag na katapusan ng mundo.  Paano ba ating Kristiyanong pag-intindi dito?  Bilang mga Kristiyano ay dapat marunong tayong magbasa ng mga tanda na nagsasabing nalalapit na ang araw ng paghuhukom.  Learn to read the signs of the time! 

Sa ating mga pagbasa lalo na sa Ebanghelyo ay nagbabala ang Panginoon na darating ang "katapusan", hindi upang takutin tayo, bagkus ay upang tulungan tayong maghanda sa pagdating ng araw na ito.  Ang lahat ay may katapusan. Upang bigyang diin ang katotohanang ito ay hinalintulad niya ang Templo ng Jerusalem na hinahangaan ng mga Hudyo dahil sa kagandahan at karangyaan nito.   Ang sabi ni Jesus sa mga tao: "Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato."  At totoong nangyari nga ito noong 70 AD ng wasakin ng mga Romano ang templong ito.  

Totoo, walang nakakaalam ng araw, oras at lugar kung saan ito mangyayari.  Ngunit hindi ito mahalaga. May mas mahalaga pang nais ipabatid si Jesus sa atin at iyon ay ang ating kinakailangang paghahanda.  Sa ikalawang sulat sa San Pablo sa mga taga-Tesalonika ay pinagsabihan niya ang mga ito na maghintay sa pagdating ni Jesus na may "ginagawa". Hindi maaring magwalang-bahala na lamang sa mga araw-araw na gawain.  Ang tunay na paghahanda ay dapat may pagkilos.  

Sa Ebanghelyo naman ay binigyang diin ni Jesus ang pagtitiis sa mga hirap na ating dinaranas ngayon habang hinihintay natin ang kanyang pagdating.  Paulit-ulit niyang sinasabi na "huwag tayong mabalisa!"  Totoo nga naman, wala tayong dapat ikatakot kung handa naman tayo sa pagharap sa kanya upang sulitin ang ating mga ginawa dito sa lupa.  May mga nararanasan tayo ngayong mga kaguluhan, kahirapang dulot ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, pagkagutom ng maraming tao... para bagang lahat ay tumutukoy sa sinasabi ni Jesus.  "Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karakaraka ang wakas."  

Ano ba dapat ang ating Kristiyaong pag-unawa at pagkilos sa pagsapit ng "wakas ng panahon?"  Ang wakas ng panahon ay tinatawag din nating araw ng paghuhukom.  Na kung saan ay isusulit natin sa Panginoon ang buhay na ibinigay niya sa atin.  Ginamit ba natin ito ng mabuti? Pinahalagaahan ba natin ang regalong ito? Hahatulan niya tayo ng may katarungan at huhusgahan Niya tayo ayon sa batas ng pag-ibig.  Huwag tayong mabahala.  Sa halip ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at marangal.  "Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan." ang paalala sa atin ng Panginoong Jesus.  Kaya nga't ito ay paghihintay na may ginagawa. Ito ay pagsisikap na gumawa ng kabutihan sa halip na kapabayaan.

Ang Diyos ang maggagawad sa atin ng katarungan!  Ngunti kinakailangan munang tayong magtiis at magtiyaga.  Maging "mahusay at matalinong Kristiyano" tayo.  Ang matalinong Kristiyano ay may "foresight" at hindi "poorsight".  Alam n'ya ang kanyang patutunguhan sa wakas ng panahon.  Kaya nga pagsisikapan at pagtitiyagaan niya ang paggawa ng mabuti at pag-iwas sa masama.  Hindi siya "bobong Kristiyano" na nagpapabaya at tila walang pakialam sa paghahatol na darating.  Alam niyang kailangan lamang niyang piliin at pagsumikapan ang pagpasok niya sa kaharian ng langit.  

Sabado, Nobyembre 5, 2022

PAG-ALALA SA PATAY... PAALALA SA BUHAY (Reposted): Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 6, 2022 -

Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw.  Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS,  na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay. Kaya nga may isa pang pakahulugan ang UNDAS na sa unang dinig ay tila katawa-tawa.  

Ang Undas daw ay hango sa katagang "silang UNang natoDAS!"  Sila na nauna na sa atin na ating inaalala sa buong buwan na ito ng Nobyembre ay nag-iiwan din sa atin ng mahalagang PAALALA: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta din doon.  Nauna laang silang "natodas!" Kapag ako ay nagbabasbas ng mga patay ay lumalapait muna ako sa kabaong at tahimik kong kinakausap ang patay.  Tinatanong ko siya kung ano ang nais niyang sabihin sa akin.  Sa awa ng Diyos ay wala pa namang dumidilat na patay at sumasagot.  Ngunit mayroon silang mahalagang mensahe sa akin:  "Ako nandito na... ikaw susunod na! Una lang akong natodas! Magkita tayo sa kabila!"  

May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng badminton. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa badminton court kaysa sa kanilang mga pamilya. Lagi silang sumasali sa mga tournament at sila palagi ang magkasama sa kategoryang DOUBLES o dalawahan.  Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila  ay ibalita kung may badminton din ba sa kabilang buhay.  Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo!  May goodnews at badnews ako sa 'yo!"  Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig.  "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may badminton sa kabilang buhay!"  Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Aaaa...ano naman ang badnews?"  Sagot ni Juan na nanginginig sa takot: "May tournament bukas, magkapartner tayo! ehehehe...  

Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot?  Siguro wala namang badminton sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!"  Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos."  Ito yung mga salitang binitawan ng isa sa pitong magkakapatid na isa-isang pinapatay ni Haring Antioko dahil sa kanilang pananampalataya kay Yahweh. 

Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila".  Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay sa kabila."  Para saan pa ang ating ginagawang kabutihan at ang ating pag-iwas sa mga gawaing masama kung wala naman palang pupuntahan ang lahat ng ating mga paghihirap.  Tandaan natin na kung hindi muling nabuhay si Kristo ay wala tayong kaligtasan! Kung hindi tayo naniniwala na balang araw ay bubuhayin niya rin tayo ay bale wala ang ating pananampalataya.  

Ang ating pagiging Kristiyano ay ang ating paniniwala sa muling pagkabuhay ng mga namatay.  Sa katunayan ay lagi natin itong ipinapahayag kapag tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sinasabi natin: "I look forward to the resurrection of the dead and the life of the world to come."  Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan kung naniniwala naman tayo na may buhay sa kabila.  Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind".  At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay!  Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay.  

Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw.  Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito.  Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti at umiwas sa masama.  Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan.  Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali.  Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano.  

Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti.  Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!