Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Oktubre 31, 2011
ANG MGA NASA ITAAS: Reflection for ALL SAINTS DAY - November 1, 2011
Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na ngunit marahil ay hindi kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!Sana ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor: " (pangalan mo) is up!"
Linggo, Oktubre 30, 2011
BANAL NA ASO, SANTONG KABAYO: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - October 30, 2011

"Banal na aso, santong kabayo!" ang turing natin sa mga taong panlabas lamang ang pagpapakita ng pananampalataya. Minsan ay may isang lalaking deboto ng Nazareno na ang pangalan ay Mando (a.k.a."Mandurugas" hehe). Mahilig siyang magsimba kapag Biyernes at palagi syang sumasama sa prusisyon ng Poong Nazareno na nakapaa. May kakaibang gawain itong si Mando. Ang trabaho nya ay magsnatch sa Quiapo. Minsan siya ay nang-snatch ng cellphone at humarurot ng takbo. Dahil hinabol ng pulis ay naisipan niyang magtago sa simbahan. Nagtago siya sa tabi ng Santo Entiero at hingal na hingal na bumulong. "Panginoon, mabuti na lang at hindi ako naabutan ng mga pulis! Salamat Po Panginoon!" Laking gulat niya ng biglang sumagot ang nakahigang estatwa ni Jesus: "Mapalad ka Mando, MAPALAD KA!" Nagulumihanan si Mando at nagtanong: "Panginoon, hindi ko maintindihan... paano ako naging mapalad!" At sumagot muli si Jesus: "Mapalad ka Mando at nakahiga ako dito sa loob, kung hindi... sinapak na kita!" Marahil isang kuwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral: Hndi natutuwa ang Panginoon sa mga taong ang pagsasabuhay ng pananampalataya ay hanggang salita lamang at wala sa gawa! Ito ang pagkakamali ng mga Pariseo, mas higit nilang pinahalagahan ang kanilang posisyon bilang mga guro at tagapagpaliwanang ng Kautusan kaysa pagsasabuhay nito. Kaya nga't ang payo ni Jesus ay "sundin ninyo ang kanilang iniuutos nguit huwang tularan ang kanilang gawa!" Bakit? Sapagkat hindi nila isinabubuhay ang kanilang itinuturo. Kung minsan ay may Pariseo rin sa bawat isa sa atin. Gaano ba tayo kaseryoso sa ating pagiging Kristiyano? Isinasabuhay ba natin ang mga aral na ating tinanggap kay Kristo? Baka naman tayo rin ay walang pinagkaiba sa mga Kristiyanong "banal na aso at santong kabayo?" Simba ng simba, dasal ng dasal ngunit ang puso naman ay malayo sa Diyos. Hingin natin sa Panginonn ang biyaya ng pagpapakumbaba na aminin ang ating kakulangan sa tapat na pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Baka naman may dapat pa tayong baguhin sa ating mga sarili upang mabawasan ang pagpapaimbabaw sa ating buhay Kristiyano? Tandaan natin na tayo ay Kristiyano sa salita at gawa!
Linggo, Oktubre 23, 2011
ANG MAS MAKAPANGYARIHAN PA SA DIYOS: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 23, 2011
"Nanay, ano po ba sampung utos ng Diyos?" tanong ng bata sa kanyang ina. "Anak, iyan ang mga utos na ibinigay ng Diyos kay Moises. Ipinapakita ng sampung utos na MAKAPANGYARIHAN ang Diyos!" Sagot ng nanay. "Talaga po? Kung gayon mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos?" Nakangiting sabi ng bata. "Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay. "Kasi po... ang dami n'yong utos eh! hehehe!" Totoo nga naman, may mga taong ang pag-iisip ay mas makapangyarihan pa sa Diyos. Ang tinutukoy ko ay ang mga Hudyo na pagkatapos tanggapin ang sampung utos ng Diyos kay Moises ay pinarami ito ng pinarami hanggang umabot sa 613 na kautusan. Kaya't tama lang marahil ang tanong kay Jesus ng isang dalubhasa sa batas. "Ano po ba ang pinakamahalaga sa kautusan?" Sa dinami-dami ng mga utos na kanilang sinusunod ay marahil naisip nilang bakit hindi na lang sundan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang "mas makapangyarihan sa Diyos" ay ang mga taong ang pagsamba ay nasa salita lamang at walang kasamang gawa! Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili, baka naman isa na tayo sa mga taong "mas makapangyarihan pa sa Diyos!"
Linggo, Oktubre 16, 2011
GOOD CHRISTIANS & HONEST CITIZENS: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time
Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya itong kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang paa?" sabay hila sa paa ng ibon. At biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglikingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang "separation of Church and State" para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano at mga tapat na mamamayan sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Be good Christians and honest citizens!
Sabado, Oktubre 8, 2011
PAANYAYA AT PAGTANGGAP: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 9, 2011
Linggo na naman! Magsisimba ka ba? Baka naman katulad ka ng taong ito sa kuwento: "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan natin ng mahalagang aral. Patuloy ang Diyos na nag-aanyaya sa ating makibahagi sa kanyang "piging" ngunit kalimitan ay wala tayong panahon para sa Kanyang paanyaya! Ang dami nating dahilan. Pero tulad nga ng kasabihan: "Kung gusto mo may paraan, kung ayaw mo may dahilan!" Kung ilalapat natin sa Ebanghelyo ay makikita nating ayaw lang talaga ng mga taong naimbitahan na dumalo sa kasalan. Marami silang dahilang ibinigay ngunit kung iisa lang naman ang gusto nilang sabihin: "Wala akong panahon para d'yan!" Hinalintulad ni Jesus ang mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa mga taong ito. Sila ang unang naimbitahan na makibahagi sa Kaharian ng Diyos ngunit dahil sa katigasan ng kanilang ulo ay ilang ulit nilang tinanggihan ang paanyaya ng Diyos. Marami sa mga propeta ay kanilang inusig at ipinapatay. Kaya nga't ibinaling ng Diyos ang Kanyang paanyaya sa mga "Hentil". Ibinaling ni Jesus ang paanyaya sa atin! Ang katanungan ngayon ay: "Tatanggihan mo rin ba?" Nagsabi na tayo ng "Oo" noong tayo ay nabinyagan at nakumpilan. Ngunit sa tuwing nilalabag natin ang utos ng Diyos at hindi tayo nagpapakita ng pagiging mabuting kristiyano ay isang masakit na pagtanggi ang ating ginagawa sa kanyang imbitasyon. Ilang beses na rin marahil na atin siyang iniwasan. Ang dahilan, halos pareho rin: marami pa akong gagawing mas mahalaga! Kung ang Diyos ay importante sa ating buhay ay bibigyan natin siya ng puwang sa ating buhay, handa tayong maglaan ng oras para sa Kanya! Isang praktikal na aplikasyon nito ay ang ating ginagawang pagsisimba tuwing Linggo. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Baka isang araw kapag nasa harap na tayo ng pintuan ng langit at nagpupumilit na pumasok ay magulat na lang tayo at marinig ang mga salitang: "Hmmmmmp... Wala kang lugar dito! Sila na lang!"
Biyernes, Setyembre 30, 2011
MAGBUNGA MAMUNGA! : Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year A - October 2, 2011
Ugali mo ba ang maningil? Ang iba sa atin ay mahilig bilangin ang ginagawang kabutihan. Bawat pagpapagod ay dapat may kaukulang bayad! Katulad ng kuwento ni Juan: Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre, ipinanganak kita - libre, pinakain at pinag-aral - libre, at ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehe.. Anung klaseng anak si Juan? Marahil masasabi nating isang anak na walang utang na loob! Pagkatapos ng maraming paghihirap na ibinigay ng kanyang ina ay lumalabas na siya pa ang may ganang magpatawad. Ang kawalan ng utang na loob at di pagbibigay ng nararapat ang mensahe rin ng ating mga pagbasa ngayon. Ang Israel ang ubasan sa unang pagbasa na hindi nagbigay ng bunga sa kabila ng pag-iingat at pag-aalaga ng may-ari. Ang mga punong saserdote naman at Pariseo ang mga katiwala sa talinhaga na hindi nagbigay ng nararapat sa may-ari ng ubasan bagkus ay sinaktan at pinatay pa ang mga sugo kasama na kanyang anak na ipinadala upang sulitin ang kanyang ani. Dahilan dito ay tinanggal sa kanila ang kaakiabat na pribelehiyo na tawaging Kanyang bayang pinili at bagkus ay ibinigay ito sa iba na mas karapat-dapat. Tayo ngang mga Kristiyano ang nabiyayaang magpatuloy nito. Ang talinghagang ay babala sa ating lahat: Balang araw ay matatapos din ang pagpapasensiya ng Diyos sa atin. Huwag nating balewalain at pagsamantalahan ang kanyang kabutihan. Totoo, ang Diyos ay lubos na mabuti at mapagpatawad ngunit ang lahat ay may hangganan din. Libre ang Kanyang biyayang kaligtasan at hindi natin pinaghirapan. Kaya nga nararapat lang na ibigay natin ang nararapat sa Kanya! Huwag makumpiyansa sa pagiging "mabuting Kristiyano" sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsisimba lamang. Bagkus, tingnan natin ang sarili kung naibibigay ba natin sa kanya ang nararapat niyang tanggapin, isang buhay na malinis, tapat, at naglilingkod sa iba. Ang pagiging Kristiyano ay isang pribelehiyo ngunit ito rin ay isang responsibilidad. Inaasahan ng Diyos na tayo ay magbunga sa ating pagsunod kay Kristo. Sa kahuli-hulihan ay susulitin tayo ng Diyos kung papaano natin ginamit ang mga ibinigay Niya sa ating pagpapala. May bunga na ba akong maibibigay sa Kanya?
Sabado, Setyembre 24, 2011
JUST DO IT! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2011
Actions speak louder than voice! Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala! Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi! Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat. Babala na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!"Ang kasabihan nga nating mga Plipino ay: "Ang tao ay nakikila sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Hindi sapat ang "Amen! Alleluia! o Praise the Lord!" Ang mahalagang tanong ay: Kinakikitaan ba ako ng pag-uugali na tulad ng kay Kristo?Ang isang mensahe rin ay pag-asa... Na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay! Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay. Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang Talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga. At gusto N'ya na sana ay tayo rin! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos. Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga? Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako? Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo. Get's mo? JUST DO IT!
Sabado, Setyembre 17, 2011
PAGKAINGGIT: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 18, 2011
Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 20 million. Ang isa ay 15 million, ang isa naman ay 10 at ang panghuli ay 5 million. Tinanong ka ng anak mo: "Daddy, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 50 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba anak, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 50 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 50 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 50 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? Eh sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo... Mahal ka ng Diyos maging... sino ka man!
Biyernes, Setyembre 9, 2011
FORGIVE AND BE FORGIVEN: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 11, 2011
Forgive and forget. Gaano ba ito katotoo? Sa pelikula lang ata nangyayari ito. Ngunit ako mismo ay nakasaksi na posible pala ang magpatawad kahit sa kasukdulan ng galit at sama ng loob. Madami na akong narinig na sermon tungkol sa pagpapatawad ngunit ang pangyayaring ito ang talagang hindi ko malilimutan. Isang balita ang aming natanggap na may nangyaring "freak accident" sa aming seminaryo. Isang high school seminarian ang aksidenteng tinamaan ng " air gun" na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw. Katatapos lamang noon ng isang malakas na ulan at ang mga seminarista, kasama ang kanilang paring tagabantay ay nagdesisyong mamaril ng mga palaka o bubuwit sa aming football field. Sa di inaasahang pagkakataon ay nadulas ang paring may hawak ng baril. Natumba at nakalabit ang gatilyo na nakatutok ang baril sa isang seminarista. Tinamaan ito at bumulagta at hindi na nakayaang umabaot pa sa ospital. Punong-puno ng tensyon ang mga sumunod na tagpo lalo na sa lamay ng namatay. Nakakapanliit lalo na kapag humarahap sa amin ang kaanak ng mga namatay. Ang ama ng bata ay hindi nagsalita ng buong lamay. Tahimik. Malalim na nag-iisip. Bakas mo ang galit at sama ng loob sa kanyang mga mata. Ngunit ng idinaos na ang funeral mass ay pinutol niya rin ang kanyang katahimikan. Sa katapusan ng misa ay nagsalita siya at hindi ko malilimutan ang kanyang mga binitiwang salita. "Alam ng Diyos na ako ay isang taong mainipin. Ayaw ko ng naghihintay. Gusto ko agad makuha ang nais ko! Masyadong matagal ang pagpapari. Labing apat na taon pa ang hihintayin ko upang maging pari ang aking anak. Kaya siguro, ngayon pa lang ay ibinigay na ng Diyos ang aking gusto. Binigyan na Niya ako ng isang anak na pari." At sabay tawag doon sa pari na nakabaril sa kanyang anak. Sa harap ng mga tao ay niyakap niya iyon at tinawag niya ang kanyang pamilya at doon ay nasaksihan namin ang makabagbag-damdaming tagpo ng pagpapatawad. Mahabang palakpakan ang sumunod. Napakahaba. Palakpalakan na nagsasabing POSIBLE PALA ANG MAGPATAWAD! May kasabihan na "to err is human, to forgive is divine!" Hindi siya ganon katotoo sapagkat kaya rin pala ng taong magpatawad. Totoo na ang Diyos ang nagpakita ng dakilang habag nang pinatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. At ang Anak Niyang ito ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang matubos tayo sa ating pagkakasala. Dahil tayo ay napatawad na, dapat din naman tayong magpatawad sa ating kapwa. Sa unang pagbasa ay pinaalalahanan tayo sa Aklat ni Sirach: "Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman." At ito nga ang ipinakita rin sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Hindi madali ang magpatawad sapagkat ang magpatawad ay wala sa damdamin kundi nasa kalooban o kagustuhan. Nagpapatawad ka sapagkat ginusto mo at hindi sapagkat "feel" mo. Ibig sabihin ay nangangahulugan ito ng lakas ng loob at pagpapakumbaba. Isang paraan upang maibsan ang ating sama ng loob ay ang ipagdasal ang gumawa ng masama sa atin. Kapag nagawa natin ito ay nasimulan mo na ang unang hakbang ng pagpapatawad. Darating din ang paghilom, marahil hindi agad-agad ngunit dapat mo itong simulan. Forgive and be forgiven!
Sabado, Setyembre 3, 2011
KRISTIYANONG PAKIALAMERO: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 4, 2011
Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging isang relihiyosong Salesiano ay ang salitang tinatawag naming "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang katagang: "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa Filipino, mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataon. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan... nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero." Ngunit ang ating pakikialam ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin. Pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)