Linggo, Mayo 12, 2019

TAYONG LAHAT AY MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday of Easter Year C - May 12, 2019 - EASTER SEASON & YEAR OF THE YOUTH

Ngayong Linggong ito ay may tatlong tayong ipagdarasal sa Misa.  Una, dahil ang Linggong ito ay tinatawag na "Good Shepherd Sunday" ipagdarasal natin ang bokason sa pagpapari o pagiging isang relihiyoso.  Pangalawa, dahil ngayon ay araw ng mga ina ay ating aalalahanin ang lahat ng mga nanay, buhay man sila nasa sumakabilang buhay na, at aalayan natin sila ng pasasalamat dahil pinili nila ang buhayin tayo at dahil diyan ay utang na loob natin sa kanila ang ating buhay.  Pangatlo ay ipagdarasal natin ang mga Pilipinong lalabas bukas upang bumoto upang ang kanilang pagpili ay pagpili ng isang Kristiyano at maayon sa kalooban ng Diyos ang pagpili ng mga kandidato na mamumuno sa atin.  Simulan natin  sa pagdiriwang ng Mothers' Day.  Ang sabi ng isang post na nakita ko sa FB: "Tatalikuran at iiwan ka ng mundo, pero hinding-hindi ng nanay mo."  Batid natin ang malaking sakripisyong ibinigay ng ating mga magulang para tayo mabuhay at maitaguyod sa ating paglaki.  Lalong-lalo na ang mga tinatawag nating "Single Mothers" na mag-isang tinatagyod ang kanilang mga anak.  May napanood akong commercial video sa YouTube na pinamagatang "Wala si Mama" at magandang pagnilayan natin ang hirap na ibinibigay ng mga nanay para sa kanilang mga anak.  (Maaring ipalabas ang video.)  Ipanalangin natin ang mga nanay na araw at gabi ay nagsisikap upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anal.  Huwag sana tayong maging mapanghusga sa mga nanay na may "pagkukulang" sapagkat hindi natin batid ang hirap na kanilang pinagdaraanan.  Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal din ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa  Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol.  Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Ipananalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng mga pastol na may pusong katulad niya at hindi sila madala sa tukso ng kamunduhan.  Kulang na kulang ang mga kabataang tumutugon sa panawagan ng ating Mabuting Pastol.  Bagyuhin natin ng panalangin ang langit at hilingin natin sa Diyos na mas marami pa sanang kabataan ang tumugon sa ganitong buhay.  Ngayong Taon ng Kabataan ay magandang pagkakataon upang hamunin ang maraming kabataang lalaki at babae na magbigay ng panahon upang pag-isipan kung sila ba ay may pagtawag mula sa Diyos.  Wala namang mawawala kung sila ay mag-iisip at magninilay.  Sa halip ay magiging mas maligaya pa nga sila kung mauunawan nila ng malinaw ang bokasyon ng Diyos para sa kanila.  At kayo namang mga magulang ay huwag nawang magsilbing hadlang o sagabal upang maisakatuparan ang pagtawag ng Diyos para sa inyong mga anak.  Ngunit hindi lang naman nalilimitahan sa mga "taong simbahan" ang pagiging Mabuting Pastol.  Sa katunayan, ang mga taong namumuno at nangangalaga sa atin ay maituturing na "mabuting pastol".  Napapanahon at akmang-akma ang pagdiriwang natin ngayon upang pagnilayan ang mga katangian ng mga taong naghahangad na maging "pastol" ng ating lipunan.  Marahil hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin tayo kung sino ba ang ating ihahalal sa pamumuno bukas.   Maraming katangian tayong maaring pagbatayan, ngunit sa aking palagay, bilang mga Kristiyano, ay hindi maaring maisantabi ang pamatayang inihayag mismo ni Jesukristo, ang ating tunay na Mabuting Pastol.  "Sa isang pagtitipon ay pinarangalan ang matandang pari ng isang parokya dahil sa katapatan niya sa pagilingkod ng limampung taon sa kanilang bayan.  Binigyan sya ng pagkakataong makapagsalita at magpahayag ng kanyang saloobin.  Magiliw niyang isinalaysay ang kanyang karanasan sa parokya:  "Alam ninyo mga kapatid, noong unang araw na maitalaga ako dito bilang kura paroko ninyo ay may nagkumpisal agad sa akin. Siya raw ay isang lalaking babaero, nagtaksil sa kanyang asawa, mapagsamantala, mabisyo, sugarol at magnanakaw.  Napakasama niyang tao ngunit natuwa ako sa pag-amin niya sa kanyang mga kasalanan." Sabay dating ng Mayor na nahuli sa programa at hingal na hingal na lumapit sa entablado upang umepal.  Hinawakan niya ang mikropono at buong pagmamalaking sinabi: "Mga kapatid ko kay Kristo, ako ay lubos na nagpapasalamat at nabiyayaan tayo ng isang mabuting pari sa ating lugar. Tunay siyang mabuting pastol sapagkat sariwa pa sa aking ala-ala na noong bago pa siyang talaga dito bilang kura-paroko ay ako agad ang unang nagkumpisal sa kanya..."  Patay! Buking si Mayor!  Ano nga bang mga katangian ang nais nating makita sa ating mga pinuno bilang mabuting pastol?  Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin ang larawan ni Jesus bilang isang Mabuting Pastol.  Siya ang mabuting pastol na kilala ng kanyang mga tupa, nakikinig sa kanya at sumusunod sapagkat alam nilang handa siyang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanila upang hindi sila mailagay sa kapahamakan.  Dito ay makikita natin ang magandang katangian ng isang nagnanais "magpastol sa kawan":  katapatan sa paglilingkod, may malasakit at kapakumbabaan, may takot sa Diyos at tumutupad sa Kanyang utos.  Marami na tayong nakitang lider na matatalino, bihasa sa sistema ng pamumuno, makarisma sa masa.  Marami na rin ang nagbitaw ng magagandang pangako, plataporma at programa kung sakaling sila ay maihahalal. Ngunit sa aking palagay ay walang saysay ang kagalingan niyang ipinagyayabang kung hindi naman siya kinakikitaan ng mabuting halimbawa sa uri ng kanyang pagkatao at pamumuhay.  "Leadership by example" ang nais nating makita sa isang lider at bilang isang kristiyano ang "example" o halimbawa ng Mabuting Pastol ang dapat makita sa kanya.  Kaya nga hindi dapat natin pipiliin ang mga taong kwestiyonable ang pamumuhay: babaero, sugarol, lasinggero, palamura, hindi gumagalang sa karapatang pantao, magnanakaw, kurap!  Bakit? Sapagkat, ipapahamak lamang nila ang kanilang mga tupa!  Anung halimbawa ang maibibigay nila sa inyong mga anak?  Pagnanakaw? Pagmumura? Pambabae? Karahasan?  Tandaan natin na sa mata ng bata, ang mga gawaing masama kapag ginagawa ng matanda, ay nagiging tama!  Kung minsan nakakalungkot isipin na tanggap na ng marami sa atin ang mga masamang pag-uugaling ito. Kaya nga't kung meron mang dapat na unang magbago ay walang iba kundi ang ating sariling pag-isiip.  Makakapili tayo ng tamang mga pinuno kung isasapuso din natin ang mga katangian ni Jesus bilang Mabuting Pastol.  Isapuso natin ang pagiging tapat sa paglikingkod. Tanggalin natin ang pag-iisip ng masama at panlalamang sa kapwa. Huwag tayong magnanakaw. Iwasan nating magmura.  Iwasan ang karahasan.  Igalang ang karapatan ng bawat isa. Magpakita tayo ng awa at malasakit sa ating kapwa. Tandaan natin na maipapakita lamang natin sa iba kung ano ang mayroon tayo sa ating sarili.  Ang pagiging mabuting pastol ay dapat magsimula sa atin kung nais nating maibahagi ang pagiging mabuting pastol sa iba.  Tayong lahat ay MABUTING PASTOL! 

Sabado, Mayo 4, 2019

MAHAL TAYO NG DIYOS... MORE THAN 3,000 TIMES! : Reflection for the 3rd Sunday of Easter Year C - May 5, 2019 - EASTER SEASON & YEAR OF THE YOUTH

Marami tayong mga "hugot" sa buhay.  Kung minsan dinadaan na lamang natin sa "hugot" ang bigat ng ating mga nararamdaman upang kahit paano ay maibsan ng kaunti ang sama ng loob o pagkadismaya sa ating buhay.  Minsan sumakay ako ng jeep na halos punong-puno pero may isa pa raw kaya ayaw umalis.  Nagtatawag ang barker ng "Isa na lang! Isa na lang! Aalis na!"  Nang biglang may nagbitaw ng hugot sa loob ng jeep: "Puno na nga sa jeep nagpapasakay pa, parang sa love may syota na nga, lumalandi pa!"  Eh di tawanan sa loob ng jeep ang sumunod na eksena!  Nakalimutan na ang init at siksikan sa loob!  Isa sa mga magandang lagyan ng hugot lines ay pagmomove-on!
Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga.  Mahirap pero kailangan!"  "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!"  Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on?  Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus.  Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano.  Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan".  Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus.  Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa.  Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus.  Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila.  At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro na punong-puno ng hugot: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus.  Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa".  Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.”   May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali.  Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin.  Noong isang Linggo ay ipinagduiwang natin ang "Divine Mercy Sunday" na kung saan ay sinabo nating ang Diyos ay lubos na mapagmahal at mapagpatawad.  Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin.  Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan.  Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan.  Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo."  Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam.  Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!"  Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo.  Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas.  Kapag tayo ay nailagay sa sitwasyon na kung saan ay pinagdududahan natin ang pagmamahal ng Diyos ay humogot tayo sa Banal na Krus at maririnig mula kay Jesus ang mga pananalitang ito: "Anak, minamahal kita! Not once, nor twice but more than three thousand times!"

Sabado, Abril 27, 2019

PAGDUDUDA AT PAGTITIWALA: Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year C - April 28, 2019 - EASTER SEASON

Ngayong kasalukuyang panahon na laganap ang "fakenews" at mga maling impormasyon ay hindi masamang pairalin ang kaunting pagdududa bago natin paniwaalaan ang ating mga naririnig, nababasa at napapanood.  Lalo na't lumalapit na naman ang eleksiyon at may mga ilan-ilan na namang kandidato ang gagamit ng mga mabulaklak na pananalita at mga pangakong malayo sa katotohanan.  Kaya't kinakailangan ang maging mapanuri, kilatisin ang kanilang mga salita, at bakit hindi, magkaroon ng kaunting pagdududa at hanapin ang katotohanan.  May kuwento ng isang matandang pari na kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguihin ang kanyang masamang pag-uugali.  Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Marami sa kanila ang nagduda sa kanilang nabasa. Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Nanunumbat na na naman siya! Naninigaw! Aburido! Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried..." pero may karugtong "... and on the third day he rose again!" May katwiran ngang magduda ang kanyang kasama kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda!  Kahit nga nga tayo ay laging naghahanap muna ng katibayan bago paniwalaan ang isang bagay. "To see is to believe!"  Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya!  Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..." Kapag humarap ang ating Simbahan sa maraming pag-uusig at karahasan tulad ng mga taong naging biktima ng pagsabog ng mga simbahan sa Sri Lanka, pag-alipusta sa ating pananampalatayang Katoliko at sa mga namumuno nito; sa tila bagang pagbaluktot sa mga katotohanang ating pinaniniwalaan at pinahahalagahan bilang mga Kristiyano at Pilipino, ay hinahamon tayo ni Jesus na huwag magduda sa Kanya.  Siya na nananaig sa kamatayan ay ang Diyos ng awa at habag na nagpapadama ng kanyang walang hanggang pagmamahal at nagsasabing hindi niya tayo pababayaan.  Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang itinakda ring Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa o mas kilala sa ingles na "Divine Mercy".  Ang Kapistahang ito ay itinalaga ni St. Pope John Paul II noong taong 2000 sa okasyon ng pagiging santa ni St. Faustina Kowalska, isang madre na pinagkalooban ng natatanging biyayang pagpahayagan ni Jesus bilang Hari ng Banal na Awa.  Sa araw na ito ay maaaring makatanggap ng biyaya ang mga deboto sa pamamagitan ng pagdarasal ng "Chaplet and Novena of the Divine Mercy", pakukumpisal at pagtanggap ng Banal na Komunyon sa araw ng kanyang kapistahan.  Kung isa ka sa mga nagdarasal ng 3 o' clock Habit ay isa ka rin sa mga nagpapalaganap ng debosyong ito sapagkat ang pinakalayunin naman ng debosyon ay upang ipahayag sa buong mundo ang isang mensahe: na ang Diyos ay maawain at mahal niya ang sangkatauhan.  Siya ang Diyos na may malasakit at nagmamahal sa ating lahat!  Kaya sa kapistahang ito ng kanyang Banal na Awa ay pairalin at ugaliin natin ang magtiwala sa kanyang kabutihan.  Sa maraming pagdududa sa ating buhay lagi nating sambitin: "Lord Jesus, I trust in you!"

Sabado, Abril 20, 2019

BEARERS OF GOOD NEWS: Reflection for Easter Sunday Year C - April 21, 2019 - EASTER SEASON

Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS?  Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda.  Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..."  Papayag ka bang totoo ang survey na ito.  Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe...  Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag.  Kailanman ay hindi magagapi ng kadiliman ang liwanag.  Hindi magagapi ng masama ang mabuti.  Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay!  Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila ni Maria Magdalena ay ninakaw ang katawan ni Jesus ng makita niyang nabuksan ang pinto ng libingan.  Tumakbo si Pedro ang alagad na minamahal ni Jesus.  Bagamat naunang pumasok si Pedro sa libingan ay ang alagad na minamahal ni Jesus ang nakakita at nanampalataya a siya ay muling nabuhay! Hindi siya nagpadala sa fake news at pinaniwalaan niya ang GOOD NEWS ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon!  Ang libingang walang laman ay dapat magpaalala sa atin na Siya ay buhay!  Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon.  Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. 

Huwebes, Abril 18, 2019

THE GOOD IN GOOD FRIDAY(Reposted): Reflection for Good Friday - Year C - April 19, 2019 - EASTER TRIDUUM

May bumati sa akin:  "Good morning Father!"  pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin.  At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!"  At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!"  hehehe...  What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY?  Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating mahihirap.  Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang karukhaan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos.  Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal.  Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal.  Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan.  Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito.  Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan.  God is good today and will always be good all the time! 

EUKARISTIYA AT PAGPAPARI: Reflection for Holy Thursday Year C - April 18, 2019

May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday,  ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin".   Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34)  Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin.  Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao.  Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin.  Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo.  Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig.  Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo.  Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!

Sabado, Abril 13, 2019

MAHAL NA ARAW BANAL NA ARAW: Reflection for Palm / Passion Sunday - Year C - April 14, 2019

Sinisimulan natin ngayon ang SEMANA SANTA o ang MGA MAHAL NA ARAW.  Nagsisimula ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday na kung saan ay gingunita natin ang marangyang pagpasok ni Jesus sa Jersalem at ang mainit na pagtanggap ng mga tao roon kay Jesus bilang "Anak ni David" o ang kanilang tagapagligtas.  Tinatawag din itong "Passion Sunday" sapagkat sa araw na ito ay sinisimulan natin ang "Passion Week" na kung saan ay pagninilayan natin sa buong linggong ito ang misteryo ng paghihirap at pagkamatay ni Jesus.  Sa katunayan ay binasa na natin ng maaaga ang pasyon ng kanyang paghihirap sa ating Ebanghelyo.  Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin?  Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal".  May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw.  Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito.  Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo.  Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!  Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin".  Hindi na nabibigyang halaga.  Kapag sinabi mong "mahal"  maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo!  Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito!  Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito.  Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay.  Sa halip na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine. Kapag ganito ang ginagawa natin ang mahal ay ginagawa nating mumurahin!  Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang! Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."

Sabado, Abril 6, 2019

UMUNAWA... HINDI MANGHUSGA: Reflection for the 5th Sunday of Lent Year C - April 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ang ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din sa ingles na "Passion Tide."  Kung papasok kayo sa simbahan sa panahong ito ay makakakita kayo ng kakaiba... mga estatwang nababalutan ng telang kulay lila (violet).  Ang mga estatwang ito, maliban sa krusipiho, ay mananatiling nakatakip hanggang bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Bakit dapat silang takpan?  Ginagawa ang pagtatakip sa mga estatwa upang bigyan tayo ng kakaibang pakiramdam sa nalalapit na mahahalagang araw na ating ipagdiriwang.  Hindi lang kakaibang pakiramdam ang ibinibigay nito kundi pati na rin ang pag-aasam na sana ay dumating na agad ang pagdiriwnag ng pagkabuhay ni Jesus upang muli nating masiganan ang mga imahaeng nagtataas ng ating pananampalataya sa Diyos.  Ngunit higit sa lahat ay upang mas higit nating maituon ang ating sarili sa paghihirap ni Jesus lalo na sa mga pagbasang ating maririnig habang lumalapit na ang mga Mahal na Araw.  Katulad na lang ng magandang pagbasa ngayong Linggo. Kung paanong noong nakaraang Linggo ay hinikayat tayong maging maawain katulad ng ating Ama, ngayon naman ay hinihikayat tayong maging "maunawain" sa ating kapwa at iwasan natin ang agad-agad na panghuhusga.  May nakakatuwang kuwento tungkol sa mag-amang lumuwas sa bayan kasama ang kanilang alagang "patpating" kabayo.  Natural na pinasakay ng tatay ang anak sa kabayo dahil may kalayuan ang paglaalkabay.  Ngunit ng makita sila ng mga tao ay agad nakarinig sila ng pagpuna.  "Wala namang utang na loob at paggalang ang batang ito sa kanyang ama.  Nakita na niyang matanda na ang kanyang ama at pinaglalakad niya ito.  Bakit hindi niya pasakayin sa kabayo?"  Nang marinig ito ng dalawa ay agad nagpalit sila ng puwesto.  Ngunit nakarinig uli sila ng pagpuna.  "Tingnan mo ang matandang ito. Walang pagmamalasakit sa anak!  Bakit hindi siya ang maglakad? Kawawa naman ang bata!"  Sa huli, nagdesisyon silang pareho na lang silang sumakay sa kabayo.  Ngunit ng makita ito ng mga tao ay awang-awa nilang sinabing: "Kawawang kabayo... masyadong pinahihirapan ng mag-ama!  Ang payat-payat na nga pareho pa nilang sinasakyan!" At ang sumunod na eksena... buhat-buhat ng mag-ama ang kabayo!  Kung minsan ay napakadali nating pumuna at manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala!  May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology".  Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan.  Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali.  Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran.  Tayong mga tao nga naman!  Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon".  Nais nilang siluin siya upang may maiparatang sila sa kanya.  Hinusgahan na rin nila ang babaeng nakiapid na makasalanan at dapat mamatay.  Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isa ang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!"  Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga.  "Who am I to judge?"  ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis.  Lahat naman tayo ay makasalanan.  Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa.  May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan.  May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala.  Ang Simbahan ay para sa mga taong ito.  Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao.  Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos.  Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus.  Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain.  Magmahal upang tayo rin ay mahalin.  Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa.  

Sabado, Marso 30, 2019

BUTIHING AMA: Reflection for 4th Sunday of Lent Year C - March 31 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida.  Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali. Pagkatapos ng mahabang pagsubaybay sa teleseryeng "Ang Probinsiyano"  nasaksihan na rin ng mga manood ang pagtatapos ng pagganap ng mga kinikilala nating kontrabida, sina "Alakdan" at ang mag-amang "Cabrera".  Pero buhay pa si "Hipolito"  kaya umasa kayong magtatagal pa ang inyong sinusubaybayang teleserye!  Marahil, patay na tayo, buhay pa rin si Cardo! hehehe... Siya ang bida eh!  Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK.  Siya ba ang bida sa kuwwentong ito o isa siyang kontrabida?  Kung hindi siya ang bida ay sino?  Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito:  Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. Ang talinhaga ay angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" imbis na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyang kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak!  Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak.  Mas ipinakita niya ito sa kanyag panganay na isang ring "alibugha".  Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal.  Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama.  Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama.  "Open-ended" ang kuwento.  Walang ending.  Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay.  Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at TAYO ang mga iyon...  Ikaw ang gagawa ng ending sa talinhangang ito. Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos?  Ang ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay kinaugaliang tawaging "Laetare Sunday".  "Laetare" na ang ibig sabihin ay ay magsaya! Bagamat ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa pagsisisi ay inaanyayahan tayong magbalik-loob na may kagalakan sa ating puso sapagkat may Diyos tayong mahabagin at magpagpatawad.  Pasalamatan natin ang kabutihan ng ating Diyos ngunit isapuso rin natin ang tungkuling mahalin Siya ng lubos kahit na tayo ay kanyang mga alibughang anak.  

Biyernes, Marso 22, 2019

GOD'S PATIENCE: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - March 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ang Panahon ng Kuwaresma ay pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang manalangin, magnilay, at magsisisi sa ating mga kasalanan.  Kaya nga ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa "repentance" o pagsisisi sapagkat tayong lahat ay mga makasalanang nangagailangan ng pagbabalik-loob sa Diyos.  Ako, ikaw, tayong lahat ay may tulay na kinalalaglagan sa ating buhay.
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin:  "May hangganan ba ang awa ng Diyos?"  Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito.  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay  sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na.  Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan.  Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali.  Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin. Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. Siya ang namamanhikan sa Ama upang bigyan ng pagkakataong makaahon ang kanyang mga anak at "mamunga ng sagana! "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos sapagkat ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin.  At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili.   Yung batang nagtanong sa akin kung mapapatawad ba tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan ay marahil nagdududa sa kabutihan ng Diyos.  Father, paulit-ulit lang naman ang kinukumpisal ko! Pagkatapos kung magkumpisal, mamaya magkakasala na naman ako! Para saan pa ang pagkukumpisal?"  ang tanong niya sa akin.  Ito ang sagot ko sa kanya: "Nagsipilyo ka ba kanina pagkagising sa umaga?"  "Siyempre naman Fads!  Mabaho ang hininga ko pagkagising eh!" sagot niya sa akin. Sinabi ko sa kanya: "Bukas, pagkagising mo, huwag ka ng magsisipilyo! Kasi babaho din naman ang hininga mo! At ganun din sa susunod na araw!"  Pareho rin sa pagkukupimpisal.  Hindi kailanman mawawala ang "baho ng hininga" natin,  Babalik at babalik yan.  Ang kasalanang ating nagawa ay maaring bumalik muli.  Kung minsan nga paulit-ulit.  Kaya nga't mas kinakailangan natin ang pagkukumpisal sapagkat sa paglapit dito ay pinahahayag natin ang pag-amin sa ating kahinaan at ang pangangailangan natin sa kalakasan ng Diyos!  Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay.  Magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos.  Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa.  Kaya nating magbago.  Kaya nating maging tapat sa Diyos!  "Be patient for God is patient with you!"