Nilapitan ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy, laro po tayo..." sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n'yo?" tanong ng bata. "Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera..." sagot naman ng nanay. Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto n'yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya't pasigaw na sumagot, "Para hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa 'yo!" Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy... hindi po ako gutom!" Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata... pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa pagmamahal... gutom sa katarungan ... gutom sa kapayapaan ... Ang Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom. Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit. Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain..." Bagama't si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito. Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan, kakayahan at kayamanan... ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa. Wag mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, simpleng tao ka lang na walang kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa. Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hulyo 29, 2011
TINAPAY AT ISDA: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - July 31, 2011
Nilapitan ng isang bata ang kanyang nanay na abalang-abala sa trabaho. "Mommy, laro po tayo..." sabi ng bata. "Naku anak, ikaw na lang muna. Ang daming ginagawa ni mommy." "Anu pong ginagawa n'yo?" tanong ng bata. "Anak, nagtratrabaho si mommy." "Bakit po kayo nagtratrabaho?" muling tanong ng bata. "Para, kumita tayo ng pera..." sagot naman ng nanay. Tila hindi pa kuntento ang bata kaya muling nagtanong. "Bakit po gusto n'yong magkapera?" Medyo nainis na ang nanay sa sunod-sunod na tanong ng anak at medyo nagtaas ng boses na sumagot: "Para may pambili tayo ng pagkain!" Medyo takot ngunit nagpahabol pa ng tanong ang anak: "E para saan po ang pagkain?" Napika na nanay kaya't pasigaw na sumagot, "Para hindi tayo magutom! Umalis ka na nga at naiistorbo ako sa 'yo!" Tumahimik ang bata tangan-tangan ang kanyang laruan. Pagkatapos ay nakatitig na sinabi sa kanyang nanay: "Mommy... hindi po ako gutom!" Marahil ay may katotohanan ang sinabi ng kanyang anak. Hindi nga siya gutom! Ngunit kung susuriing mabuti ang kanyang sagot ay masasabi nating may mas malalim pang pagkagutom na iniinda ang bata... pagkagutom na higit pa sa pagkain, pagkagutom na tanging ang nanay niya lang ang maaring makabusog. Maraming uri ng pagkagutom tayong nararanasan. Isa lamang ang pisikal na pagkagutom. Marami ang gutom sa pagmamahal... gutom sa katarungan ... gutom sa kapayapaan ... Ang Ebanghelyo natin ay tumatalakay din sa isang uri ng pagkagutom. Pagkagutom na nakita ni Jesus sa mukha ng mga taong nakikinig sa kanya habang Siya ay nangangaral at nagpapagaling ng kanilang mga maysakit. Ang sabi niya sa kanyang mga alagad: "Kayo, ang magbigay sa kanila ng makakain..." Bagama't si Jesus ang nagparami ng tinapay at isda para makain ng mga tao, ang mga alagad naman ang nagsilbing daan upang magawa niya ito. Limang tinapay, dalawang isda, mga alagad na kapos sa pinag-aralan, kakayahan at kayamanan... ngunit ginamit ni Jesus upang maibsan ang gutom ng mga tao. Tayo rin ay nais gamitin ng Panginoon sa kabila ng ating kakulangan upang tugunan ang pagkagutom ng ating kapwa. Wag mong sabihing estudyante ka lang, mahirap ka lang, simpleng tao ka lang na walang kaalaman o kakayahan. Mayroon palagi tayong maibabahagi sa iba. Ang sabi nga ng turo ng Simbahan: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Lahat tayo ay "tinapay at isda" para sa ating kapwa. Ano na ang nagawa mo para sa kapwa mo?
Sabado, Hulyo 23, 2011
ANG NAKATAGONG KAYAMANAN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 24, 2011
Isang matandang babae ang walang kaalam-alam na nanalo sa s'ya lotto ng Php 50 million. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay paano nila sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at s'ya na ang magbalita sa maingat na paraan. Gayun nga ang kanilang ginawa, isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahat at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng Php 50 million sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng 50 million sa lotto ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehe... Sino nga ba ang di hihimatayin sa gayong kalaking kayamanan? Wala naman sigurong taong matino ang pag-iisip ang ayaw yumaman. Dati rati ang kayamanan, hinuhukay, sinisisid, nilalakbay ng malayo. Ngayon siguro mas madali: tumaya ka lang sa lotto, sumali sa contest ng wowowee o eat bulaga, tumaya sa sugal... instant yaman ka na! Ang talinhaga ng nakatagong kayamanan at mamahaling perlas ay nagsasabi sa atin na dapat ay handa nating isakripisyo ang lahat mapasaatin lamang ang kayamanang nais nating makamtan. Hinalintulad ito ni Jesus sa "Kaharian ng Diyos." Kung kaya nating magsakripisyo para sa kayamanang makamundo na nabubulok at nasisira ay dapat gayun din sa mga bagay na espirituwal. Ang "kaharian ng Diyos" ay ang pagharian tayo ng Kanyang biyaya at mabuhay bilang mga tapat niyang anak.Dapat ay matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na dapat unahin sa ating buhay. Kapag ang pagsisimba ay ipinagpapalit mo sa "mga lakad" mo sa araw ng Linggo ay hindi ka pa handang pagharian N'ya. Kapag sinasabi mong wala akong oras magdasal o gumawa ng mabuti sa iba ay hindi mo pinahahalagahan ang Kaharian ng Diyos. Kapag mas mahalaga sa iyo ang mga bagay na materyal kaysa ispirituwal... kapag labis mong pinagtutuunan ng pansin ang iyong katawan at napababayaan mo ang iyong kaluluwa ay malayo ka pa sa paghahanap sa tunay na kayamanan. Ano ba ang tinuturing mong kayamanan ngayon sa buhay mo? Kung nasaaan ang kayamanan mo... naroroon ang iyong puso...
Sabado, Hulyo 16, 2011
RSVP: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 17, 2011
May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Tundo ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming halang ang kaluluwa! Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo at agad din nating mabigyan ng imbitasyon ang mga iyon!" Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. Nais ko silang anyayahan sa isang piging. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Hindi sila kasali sa gagawin kong piging!" At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan: Ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob."Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin! Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal... Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP 'yun!
Sabado, Hulyo 9, 2011
ANG LUPA AT SALITA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 10, 2011
Isang lola na parating nakaupo sa pinakaharap ng simbahan ang laging nahuhuli ng paring natutulog kapag siya ay nagsisimula ng magbigay ng homiliya. Minsan ay hindi na nakatiis ang pari at nang nakita niya muling natutulog ang matanda ay pabulong at marahan niyang sinabi sa mga tao: "Ang nais umakyat sa langit ay tumayo..." Natural, nagtayuan ang mga tao maliban sa matandang himbing na himbing sa pagtulog. Pagkatapos ay muli silang pinaupo at pagkatapos ay bigla siyang sumigaw ng malakas: "Ang nais mapunta sa impiyerno... tumayo!" At biglang balikwas si lolang tumayo. Hiyang-hiya ang matanda ng makita niyang nakaupo ang lahat at siya lang ang nakatayo. Kaya't nagpaumanhin siya sa pari at nagsabi: "Pasensiya na po kayo padre... di ko gaanong narinig ang sinabi ninyo. Pero sa nakikita ko ngayon... dalawa tayong nakatayo!" hehehe... si lola nga naman... nandamay pa sa impiyerno! Wag nating tawanan si lola sapagkat marami sa atin ay masahol pa sa kanya. Hindi ko lang tinutukoy ang pagtulog sa simbahan kundi ang ating pakikinig sa Salita ng Diyos. Sa dami ng misa na ating dinaluhan ay maaari nating sabihing "lunod na lunod" na tayo sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Ang tanong... bakit parang wala itong epekto sa ating buhay? Ang kasagutan ay nasa ating ebanghelyo ngayon. Ang Diyos ang magsasakang naghahasik ng "binhi" ngunit kung minsan ay para tayong mga lupang ayaw tumanggap o kaya naman ay panandalian lamang ang pagtanggap sa Kanyang Salita. Ilan kaya sa atin ang tunay na makapagsasabing tumatanggap, isinasapuso at isinasabuhay ang Kanyang mga Salita? Ang Bibliya ay isinulat upang ipahayag, pakinggan at isabuhay. Hindi lang sana ito naka-display sa ating bookshelf o kaya naman ay nakatampok sa ating mga dambana o altarina sa bahay. Sana binubuksan din natin ito, binabasa, pinagninilayan, at isinasabuhay araw-araw. Kung kaya nating magsayang ng mahabang oras sa harap ng computer sana kaya rin nating maglaan ng kahit ilang sandali sa pagninilay ng Kanyang mga Salita. Kung kaya nating manood at matiyagang makinig sa mahahabang tele-serye sa tv, sana ganun din sa pakikinig sa Misa. Dito nakikita ang ating pagiging "mabuting lupa". Dito pinatutunayan ang ating pagiging mabuting Kristiyano.
Sabado, Hulyo 2, 2011
PABIGAT SA BUHAY: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year - C: July 3, 2011
Minsan sa isang Golden Wedding Anniversary ay napansin ng isang pari na maluha-luha ang matandang lalaking habang pinapapanibago ang "pangako" ng kasal. Pagkatapos ng misa ay binati niya ito at sinabing: "Lolo, talaga sigurong napakaligaya ninyo ngayon sa 50th anniversary ninyo. Kanina halos mapaluha pa sa saya!" "Ay hindi Padre! Sa katunayan halos mapaiyak nga ako sa lungkot!" "Bakit naman?" ang tanong ng pari. Sagot ang matanda: "Kasi padre, alam mo... 50 years ago, tinakot ako ng tatay ng misis ko. Ikukulong n'ya raw ako ng 50 taon kapag di ko pinakasalan ang anak niya. Sana pala... kung di ko sinunod yon, malaya na ako ngayon!" hehehe... Marami tayong tinuturing na pabigat sa ating buhay: asawa, "monster-in-law"este mother-in-law pala, suwail at "ingratong" mga anak, plastic na kaibigan, mortal na kaaway, "bossing" na manager, etc... Kung minsan naman ay hindi tao: nakakasawang trabaho, utang na di mabayaran, minalas na negosyo, mahirap na pag-aaral, etc.. May good news at bad news ang ebanghelyo ngayon. Ang bad news ay hindi nangako ang Panginoon na tatanggalin Niya ang ating mga "pasanin" sa buhay. Ngunit may good news naman... pagagaanin niya ang ating mga pasanin! Ang sabi ng Panginoon ay gamitin natin ang Kanyang "pamatok". Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na di natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Nawa ang ating panalangin ay: "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal..."
Biyernes, Hunyo 24, 2011
EAT ALL YOU CAN! : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 26, 2011
Ang sarap talagang kumain lalo na't "eat all you can!" Ikaw man ay nasa SAISAKI, BARIO FIESTA, CABALEN, O YAKIMIX, pare-pareho lang ang motto ng mga mahilig kumain: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!" Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! Pero ang ipinagtataka ko e bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag ng aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit ganoon? Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin? Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!
SARAP NG GABI... SARAP NG KAPE! :Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - June 19, 2011
I am a cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 170 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Sometimes we make life so complicated tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang Diyos... we make Him too complicated in our minds. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tuna nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!
Sabado, Hunyo 11, 2011
DOUBLE BIRTHDAY CELEBRATION: Reflection for the Solemnity of Pentecost Year A - June 12, 2011
Dalawang "Birthday celebration" ang pinagdiriwang natin ngayon! Una, araw ngayon ng pagsilang ng ating bayan. Ginugunita natin ang ating pagsilang bilang malayang mamamayan! Pagdiriwang ngayon ng ating kasarinlang bilang isang bansa! Ikawala, ngayon din ang pagsilang nating Simbahan. Sa araw ng Pentekostes, pumanaog ang Espiritu Santo at binigyan ng isang bagong buhay ang Simbahan upang buong tapang na makapagpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Pagdiriwang ngayon ng ating Simbahan bilang isang sambayanang pinalaya ni Kristo sa pagkakaalipin sa kasamaan at kasalanan! Sa araw na ito ay pinararangalan natin sa isang natatanging paraan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo: Ang Diyos Espiritu Santo. Karaniwan kapag tayo ay nagdarasal ay lagi natin itinataas ang ating panalangin sa Diyos Ama o di kaya nama'y sa Diyos Anak. Maliban sa tanda ng krus at sa pagdaral ng Luwalhati, bihira nating tawagin ang Banal na Espiritu Santo sa ating panalangin. Ngunit kung ating iisipin ay ang Espiritu Santo ang gumagalaw ngayon sa ating Simbahan. Ang Espiritu Santo ang gumagabay at pumapatnubay sa Simbahan mula pa ng ito ay isilang at magpasahanggang ngayon. Kung mahalaga ang kanyang papel na ginagampanan sa ating Simbahan ay lalong ng higit pa sa ating mga Kristiyano. Ang Espiritu Santo ang nagpapabanal sa atin! Noong tayo ay bininyagan ay napuspos tayo ng Espiritu Santo. Sa Kumpil ay tinanggap naman natin ang kaganapan ng Kanyang mga biyaya hindi sapagkat kulang ito noong tayo ay binyagan kundi sapagkat hindi pa nakahanda ang ating pisikal na katawan noong sanggol pa lamang tayo. Ngayong tayo ay nakapag-iisip na ay nararapat lamang na ipakita natin ang pananahan ng Espiritu Santo sa ating buhay! Gisingin natin ang ating mga tulog na sarili! Maging mulat tayong lahat na tayo ay ang mga buhay na "Templo ng Espiritu Santo!" Maging mga saksi tayo ng kanyang kapangyarihan sa ating buhay! Ang "kapayapaan" ang tanda na tayo ay mga taong puspos ng Espiritu Santo. Kapayapaan na ibinahagi ni Jesus sa kanyang mga alagad noong Siya ay muling mabuhay. Kapayapaan din na patuloy niyang ibinabahagi sa ating pinananahanan na ng Banal na Espiritu. Kapayapaan na ibinibigay Niya rin sa ating bansang lumaya na sa pagkakaalipin. Ang pagkakasarinlan ay hindi nangangahulugan ng pagkakakanya-kanya kundi ito ay dapat maghatid sa atin sa pagkakaisa! Ang Espiritu Santo ay nag-uugnay! Nawa ay magkaisa tayo bilang isang bansa upang sugpuin ang pag-iisip na "walang pakialaman" at kapakanan ng sarili ang laging inuuna! Mabuhay tayong mga Pilipino! Mabuhay tayong mga Kristiyano! Maligayang kaarawang sa ating lahat!
Sabado, Hunyo 4, 2011
KOMUNIKASYON: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year A - June 5, 2011
Linggo, Mayo 29, 2011
PAGSUNOD AT PAG-IBIG: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - May 29, 2011
Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos? Tanungin mo ang iyong sarili... Bakit ka nagsisimba tuwing Linggo? Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot silang malabag ang ikatlong utos ng Diyos. Ang iba naman marahil ay sapagkat may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan? Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!" Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus: "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos!" Mali ang pagsunod ng dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS! Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)