Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Pebrero 29, 2008
MASAHOL NA PAGKABULAG : Reflection for the 4th Sunday of Lent Year A - March 2, 2008
May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ko sa aking sarili. Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"
Sabado, Pebrero 23, 2008
UHAW? : Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year A - February 24, 2008
May joke sa isang text: "A thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n'yo yan? MATANDA: Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe... Tama nga naman si Granny... ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya nga yung mga "can't afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike... ok lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila 'yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal. Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na naramdaman ni Hesus kaya't inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!" Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil ay iba't ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal, pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc. Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa lamang... ang pagkauhaw sa Diyos! Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang pangangailangan sa Diyos. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Hayaan natin Siyang pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon... di mapapanatag ang aming mga puso hangga't hindi ito nahihimlay sa 'Yo!"
Biyernes, Pebrero 15, 2008
BAGONG ANYO : Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year A - February 17, 2008
May isang manang ng simbahan na napag-iwanan na ng panahon sa kanyang anyo. Sa katunayan, maging ang kanyang amoy ay "amoy kandila" na o kung di man ay amoy insenso" na! Minsang pag-uwi galing sa pagsisimba ay nadiskitahan siya ng ilang kabataan: "Wow pare... artifacts naglalakad!" sabay ang nakakaasar na halak-hakan. Pag-uwi ng bahay ay humarap siya sa salamin at masusing tiningnan ang sarili. Kinabukasan ay nagpunta siya sa beauty parlor. Pinabanat ang mukha, pinakulayan ang buhok, pina-pedikyur ang mga kuko... at nagpatato sa likod.Siyempre, bumuli rin sya ng modernong damit. Isang bagong babae ang nakita nung araw na yon. Taas noo s'yang tumawid sa kalsada. Sobrang taas ng noo kaya't di n'ya nakita ang humaharurot na sasakyan. Sa madaling salita ay namatay ang ating bida. Pag-akyat ng kanyang kaluluwa sa itaas ay agad niyang hinarap si San Pedro: "Unfair ito..! Bakit pinutol mo ang kaligayahan ko? Hindi mo ba alam na ako ay araw-araw na nagsisimba, nagnonobena sa mga santo, halos sa simbahan na nga ata ako tumira!" At sinabi niya ang kanyang pangalan kay San Pedro. Dali-dali namang hinanap ni San Pedro ang schedule ng mga pangalan na dapat magrereport ng araw na 'yon sa kabilang buhay. Laking gulat niya ng di niya matagpuan ang pangalan ng manang. Kaya't sinabi na lang n'ya: "Pasensya na po... honest mistake po mam... Kasi naman "nagbago ang anyo ninyo! Napagkamalan ko tuloy kayo sa iba! "Pagbabagong-anyo" ... ito ang Ebanghelyo natin ngayon. ito rin ang panawagan ng panahon ng Kuwaresma. Marami tayong dapat na baguhin sa ating mga sarili. Walang taong ipinanganak na perpekto. Lahat nagkakamali. Lahat may pagkukulang. Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay dapat na maging inspirasyon at aspirasyon nating lahat. Inspirasyon upang bigyan tayo ng karagdagang lakas ng loob na mamuhay na mabuti at "tanggalin ang ating pangit na anyo" ng masasamang pag-uugali at nakagawiang masamang gawain. Aspirasyon na dapat ay magbigay sa atin ng pag-asa na may kaluwalhatiang naghihintay sa atin tulad ng natamo ni Hesus pagkatapos N'yang mabuhay na mag-uli. Magbagong anyo tayo sa panahong ito ng Kuwaresma. Wag lang "new look" ang dating... mas ok kung tayo ay magiging "Christ's look!"
Lunes, Pebrero 11, 2008
O TUKSO... LAYUAN MO AKO! : Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - February 10, 2008
May nagkumpisal sa isang pari: "Bless me Father for I have sinned... Father, I had bad thoughts in my mind." Tanong ng pari: "Did you entertain them my son?" Sagot naman ng binata: "No Father! I did not entertain them... they entertained me!" ehehe! Ang tukso nga naman... kahit saan ka lumingon, naroroon. Kaya nga mga mali ang dating kanta ni Eva Eugenio (Huh? Sino sya? Tanungin n'yo na lang nanay at tatay n'yo!) na ni-revive naman ni Sunshine Cruz. Sabi ng kanta: "O tukso... layuan mo ako!" Ang tukso hindi maaring lumayo, bagkus lalapit at lalapit ito sa atin hanggang malaglag tayo sa kasalanan. Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay hindi na-exempted sa tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay "nilabanan at napagtagumpayan niya ang tukso!" Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma: ang panalangin at pag-aayuno. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng tv, paglalaro sa computer, sa pagtetext, sa paggimik, sa bisyo... marami kang puwedeng gawin! Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay magtatagumpay tayo!
Biyernes, Pebrero 1, 2008
KRISTIYANONG KILL-JOY! : Reflection for the 14th Sunday in Ordinary Time Year A - February 3, 2008
Nasabihan ka na bang "kill joy" ka? Ipinapatukoy ang katagang ito sa mga taong "naninira ng kaligayahan " o kaya naman ay di nakikiisa sa gusto ng grupo. "Kill joy" ka kapag ayaw mong sumama sa barkada. "Kill joy" ka kapag ang iniisip mo ay iba sa iniisip nila. "Kill joy" ka kapag hadlang ka sa nais nilang mangyari. May kuwento ng tatlong magkakaibigan... sina Tito, Vic & Joey. Napadpad sila sa isang isla na walang katao-tao nang lumubog ang kanilang barkong sinasakyan. Pagkalipas ng ilang araw sa isla ay unti-unti nilang naramdaman ang kalungkutan. Kung mayroon lang sanang makapagpapa-alis sa kanila doon! Laking gulat nila ng may makakita sila ng kakaibang "bote" na lulutang-lutang sa dagat. Nilangoy nila ito at dinala sa isla. Nilinis at pinunasan. Nang kumiskis ito sa basahan ay biglang lumabas ang isang 'genie': "Ako ang inyong alipin, humiling kayo ng tatlong kahilingan at ipagkakaloob ko." Laking tuwa ng tatlo. Ito na ang pagkakataon upang makaalis sila sa isla. Sabi ni Tito: "Genie, gusto kong maging maligaya... dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay marami akong kayamanan!" At bigla niyang nakita ang sarili niya sa Ayala Alabang at nakatira sa isang malaking mansion. Sabi naman ni Joey: "Genie, dalhin mo ako sa lugar na kung saan ay maraming kasiyahan at hindi ako malulungkot." At nakita niya ang kanyang sarili sa isang disco pub na walang tigil ang kasiyahan, tugtugan at sayawan. Naiwan si Joey at tinanong siya ng genie: "Ano ang nararamdam mo kamahalan?" Sabi ni Joey: "Masayang-malungkot. Masaya kasi makakaalis na ako sa islang ito. Malungkot kasi iniwan na ako ng mga kasama ko. Sana magkakasama uli kami." "Masusunod kamahalan!" sabi ng genie at biglang lumitaw uli ang kanyang dalawang kaibigan sa kanyang tabi!" May mga tao talagang ipinanganak na "kill joy." At meron din naman na pinili nila ang pagiging "kill joy! Isa na sa kanila si Jesus at tayong kanyang mga tagasunod. "Kill joy" tayo sapagkat iba ang pag-intindi natin sa kaligayahan. Para sa atin, ang maliligayang tao ay ang mga aba, ang mga nagugutom, ang mga inaapi, ang mga inuusig... Hindi ganito ang pag-intindi ng mundo. Para sa mga makamundo ang kaligayahan ay kapangyarihan, kayamanan at pansariling kalayaan. Ngunit tingnan natin ang kanilang kinahihinatnan. Ang kaligayahang inaalok ng mundo ay panandalian, kumukupas, lumilipas. Ang kaligayahang alok ni Jesus... nanatili, hindi nagmamaliw, nagpapatuloy hanggang sa kabilang buhay... Mapalad ka kung naiitindihan mo ang kanilang pagkakaiba. Mas mapalad ka kung kaya mong piliin ang alok ni Hesus. Mapalad ka kung "kill joy" ka para sa Kanya.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)