Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Nobyembre 28, 2008
Reflection: First Sunday of Advent Year B - November 30, 2008 : AGE QUOD AGIS!
Mayroong isang katulong na nadatnan ng kanyang kapwa katulong na nanonood ng TV na nakataas pa ang paa sa sofa. Ang pinapanood niya? Tama ang iniisip ninyo... Diyosa! Sinigawan siya ng kanyang kapwa katulong: "Hoy Inday! Anung ginagawa mo d'yan at nanonood ka lang ng TV?" Ang sagot ni Inday: "Eh kasi, kabilin-bilinan ni Mam, wag na wag daw niya akong matatagpuan sa kanyang pagdating na walang ginagawa... kaya eto... nanonood ako!" hehehe... Me katwiran nga naman si Inday. At least, meron siyang ginagawa! Tayo ay nasa unang Linggo na ng Adbiyento. Naghuhudyat ito na tayo ay nasa kapanahunan na ng paghahanda sa pagdating ng Pasko. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda! “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-untiing tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ang pinaghahandaan mo kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo!
Biyernes, Nobyembre 21, 2008
KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI Year A - November 23, 2008
May joke sa isang text: "Sa isang bus. BOY: I hate it when I see a girl standing in a bus while I'm comfortably seated. GIRL: So what do you do? BOY: I just sleep... It hurts my feelings eh!" hehe... suwitik! Madalas din bang masaktan ang iyong damdamin kapag nakakakita ka ng mga taong nangangailangan? Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin... dedmahin! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila: tamad kasi! Ayaw magbanat ng buto! Buti nga sa kanila! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Nawa ay pagharian ng pagmamahal ni Kristong Hari ang ating mga puso ng sa gayon ay maging bukas ito sa paglilingkod at ng mapagharian tayo ng kanyang pag-ibig. Mabuhay si Kristo na ating hari!
Biyernes, Nobyembre 14, 2008
KATAMARAN: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 16, 2008
Sabi ng isang text na aking natanggap: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas..." Inspiring di ba? hehe... Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? WALA! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon... akala niya, tutubo! Ito ay isang halimbawa uli ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo... iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang: "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Bago matulog ay subukan mong gawin ito: Kumuha ka ng isang papel. Isulat mo ang lahat ng biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. At tanungin mo kung nagagamit mo ba ito upang mapalago ang iyong sarili at makatulong sa iyong kapwa. May kuwento ng tatlong magkakaibigang hayop na nagpapayabangan kung ano ang kanilang naibibigay sa kanilang amo. Ang sabi ng manok, "Ako... buwan-buwan ay kung magbigay ng itlog sa ating amo. Yun lang? Ang sabad ng kambing. Ako araw-araw ay nagbibigay ng sariwang gatas! Tahimik lang ang baboy. At sabi niya: Ako isang beses lang magbigay pero ang ibinibigay ko naman ay ang aking sarili... ang aking buong pagkababoy!" Ano na ba ang naibigay mo sa Diyos? Baka naman tinitipid mo siya? Baka tira-tira lang ng biyayang tinatanggap mo mula sa Diyos? O baka "ibinabaon" mo rin sa lupa ang mga ito? Ibigay natin ang lahat sa Diyos. Pagyamanin ang ating buhay na taglay at iaalay natin muli sa kanya. Sabi nga sa ingles: "Our life is a gift from God, what we make of our life is our gift to God!"
Sabado, Nobyembre 8, 2008
ANG TEMPLO NG DIYOS: Reflection for the Feast of the Dedication of the Lateran Basilica - November 9, 2008
Isang matandang babaeng balik-bayan ang pumunta sa isang simbahan upang pabinyagan ang kanyang alagang aso. "Ano? Pabibinyagan mo ang aso mo? Hindi mo ba alam na isang malaking kalapastanganan 'yan sa simbahan? Hindi tayo nagbibinyag ng hayop!" Bulalas ng pari. "Ay ganun po ba? Sayang, naglaan pa naman ako ng 1000 dollars para sa binyag n'ya. Di bale na lang padre, pupunta na lang ako sa kabilang simbahan ng mga protestante". Nang marinig ng pari ang 1000 dollars ay nagbago ang tono niya: "Ginang, hindi mo puwedeng gawin yan... ang alaga mong aso ay Katoliko!" hehe.. Ang nagagawa nga naman ng pera... walang imposible! Hindi na bago ang usapin ng paghahalo ng maka-Diyos at makamundong bagay. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig nating nagalit si Jesus. Marahil hindi tayo sanay na makita siyang nagagalit. Ang pagkakakilala natin sa kanya ay "maamo at mababang-kalooban." Ngunit sa tagpong ito ng ating pagbasa ay nag-iba ang kanyang anyo! Nang makita ni Jesus ang paglapastangan sa templo ay galit na dala ng pagmamalsakit ang nanaig sa kanya: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Ganito rin ba ang ating malasakit sa templo ng Diyos? Hindi ko lang tinutukoy ang gusaling simbahan. Ang sabi ni San pablo: "Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?" Ang paglapastangan sa ating katawan ay paglapastangan din sa templo ng Diyos! Kapag sinisira natin ang ating katawan sa bisyo tulad ng droga, alak, sigarilyo o immoral na mga gawain ay nilalapastangan din natin ang templong ito. Kapag hindi natin iginagalang ang karapatan ng iba at niruruyakan natin ang dignidad ng ating kapwa ay nilalapastangan din natin ang templo ng Diyos! Kaya nga't kasabay ng ating paggalang sa "templo ng Diyos", ang gusali na kung minsan ay ginagastusan natin ng malaking halaga sa pagpapaganda, ay igalang din natin ang kanyang templo na nananahan sa ating mga sarili! Tayo ang tunay na templo ng Diyos. Tayo ang bumubuo ng kanyang Simbahan!
Sabado, Nobyembre 1, 2008
UNDAS... SADNU? : Reflection for All Souls Day - November 2, 2008
May natanggap akong isang text kahapon, November 1: "Tinatamad ka bang dalawin ang iyong "loved ones" sa sementeryo? Text DALAW (space) NAME (space), ADDRESS, send to 2366. Sila mismo ang dadalaw sa 'yo! Text na!" hehehe... Mabuti na lang, nakadalaw na ako ng sementeryo! Mahirap ng madalaw nila! Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa... makakaisa! Ayaw nating naargabyado. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay maluwalhati ng nasa kabila! Nais natin na ligtas sila, masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, kasama na sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Pansinin na kasama ng paglalagay ng mga bulaklak ay ang pagtitirik ng kandila. Ito ay nangangahulugan ng ating pananalangin para sa kanilang kaluluwa na kung may pagkukulang man silang taglay ay mapunuan nawa ng ating mga panalangin at pagsasakripisyo. Ipinagdarasal natin sila upang kung makamit na nila ang gantimpala na kalangitan ay sila naman ang mamamagitan para sa ating kaligtasan. Ang tawag natin dito ay ang "Communion of Saints". Sabi nila ang UNDAS daw ay malungkot sapagkat kung babasahin mo ng pabaligtad ay: SADNU? hehe... Ngunit para sa ating mga Pilipino, ang Undas ay hindi panahon ng kalungkutan bagkus ito ay panahon ng kasiyahan. Masaya tayo sapagkat alam natin na ang ating mga mahal sa buhay, sa pamamagitan ng ating mga panalangin, ay mabibiyayaan ng kaligtasang ipinangako ni Jesus sa lahat ng nanampalataya sa Kanya. Kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal sa kanila lalo na ngayong buwan ng Nobyembre. Maligayang Undas sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)