Sabado, Nobyembre 8, 2008

ANG TEMPLO NG DIYOS: Reflection for the Feast of the Dedication of the Lateran Basilica - November 9, 2008

Isang matandang babaeng balik-bayan ang pumunta sa isang simbahan upang pabinyagan ang kanyang alagang aso. "Ano? Pabibinyagan mo ang aso mo? Hindi mo ba alam na isang malaking kalapastanganan 'yan sa simbahan? Hindi tayo nagbibinyag ng hayop!" Bulalas ng pari. "Ay ganun po ba? Sayang, naglaan pa naman ako ng 1000 dollars para sa binyag n'ya. Di bale na lang padre, pupunta na lang ako sa kabilang simbahan ng mga protestante". Nang marinig ng pari ang 1000 dollars ay nagbago ang tono niya: "Ginang, hindi mo puwedeng gawin yan... ang alaga mong aso ay Katoliko!" hehe.. Ang nagagawa nga naman ng pera... walang imposible! Hindi na bago ang usapin ng paghahalo ng maka-Diyos at makamundong bagay. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig nating nagalit si Jesus. Marahil hindi tayo sanay na makita siyang nagagalit. Ang pagkakakilala natin sa kanya ay "maamo at mababang-kalooban." Ngunit sa tagpong ito ng ating pagbasa ay nag-iba ang kanyang anyo! Nang makita ni Jesus ang paglapastangan sa templo ay galit na dala ng pagmamalsakit ang nanaig sa kanya: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Ganito rin ba ang ating malasakit sa templo ng Diyos? Hindi ko lang tinutukoy ang gusaling simbahan. Ang sabi ni San pablo: "Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?" Ang paglapastangan sa ating katawan ay paglapastangan din sa templo ng Diyos! Kapag sinisira natin ang ating katawan sa bisyo tulad ng droga, alak, sigarilyo o immoral na mga gawain ay nilalapastangan din natin ang templong ito. Kapag hindi natin iginagalang ang karapatan ng iba at niruruyakan natin ang dignidad ng ating kapwa ay nilalapastangan din natin ang templo ng Diyos! Kaya nga't kasabay ng ating paggalang sa "templo ng Diyos", ang gusali na kung minsan ay ginagastusan natin ng malaking halaga sa pagpapaganda, ay igalang din natin ang kanyang templo na nananahan sa ating mga sarili! Tayo ang tunay na templo ng Diyos. Tayo ang bumubuo ng kanyang Simbahan!

Walang komento: